Monthly Archives: July 2011

1:43 KUNG GAANO KADALI MAGMAHAL, SYA NAMANG HIRAP MAG MAHAL.

Ang gulo no? Tang inang buhay nga ‘to e! minsan hindi ko na alam kung saan ako pupuwesto.

Sabi nila kahit hindi ka mahalin ng isang tao, ayos lang na mahalin mo pa rin sya. Walang kang iniexpect mula sa kanya, yung tipong hindi ka naghihintay na suklian n’ya yung nararamdaman mo sa kanya.

Pero bakit ganito? hindi ka na nga nag i-expect pero nasasaktan ka pa rin kapag nararamdaman mong mas importante ang ibang tao sa kanya kumpara sayo… kapag alam mong naipagtatanggol n’ya ang isang tao kahit hindi mo pa naipapaliwanag yung side mo.

Mahirap magpaliwag sa taong alam mong nagagalit sayo, dahil alam mong negatibo pa rin ang magiging tingin sayo. Kaya ang siste tatahimik ka na lang at sasarilihin ang nararamdaman mo. Kaya nga sinusulat ko na lang ‘to baka sakaling mabawasan kahit katiting lang.

Bago naman tayo nagbibitiw ng isang salita di ba kahit hindi madalas iniisip muna natin ang kalalabasan? nag isip naman ako kaya nga sabi ko:

“May sasabihin ako, pero wag kang mag isip na sinisiraan ko s’ya ha.. kasi si ganito parang…”

sumagot naman siya.

“Wag ka manira ng tao, masama yun!”

Naiinis ako, kung nasa intablado pala ako para kumanta o tumula sa harap ng madaming tao.. kahit anong panimulang pagbati o panimulang pahayag ang simulan ko, kung binato na agad ako ng kung anong hawak nila, wala na pala akong ibang dapat gawin kundi bumaba na lang, dahil alam kong ayaw nila akong pakinggan. -judgmental.

Sa tingin ko naiisip nya na isa akong malaking JUDGMENTAL! nanghuhusga ako ng isang taong hindi ko pa kilala.

haaay gusto ko lang naman mag simula ng isang talakayan tungkol sa unang tingin ko sa isang tao, hindi naman sa panghuhusga kundi sa pag-aanalisa kung ganoon din ba ang nakikita nya.

sa tingin nyo? hindi rin ba sya naging JUDGMENTAL sakin.. kung nasabi nyang naninira na agad ako ng isang tao?

Aral na lang siguro.. kung gusto mo pag usapan ang isang tao, sa positibo mo simulan. At kung sa negatibo mo gusto mong simulan tiyakin mong wala syang paki alam sa taong gusto mong pag-usapan.

MADALI ANG MAGMAHAL

Kapag nakakikita tayo ng babaeng seksi, napapatingin tayo. Kapag nakakikita tayo ng maganda, napapalingon tayo. kapag kinakikitaan natin ng kagandahang loob sa isang tao, sinusuklian na’tin to. Kapag nakakikita tayo ng kabutihan sa isang tao, nagugustuhan natin ‘to. At kung anu-ano pang positibong makita natin sa tao basta’t nabighani tayo sa kakaibang o ordinaryong katangian nito, umuusbong ang tinatawag nating “pagmamahal”. Minsan nga kahit anong sama pa ng isang tao o kahit anong negatibong katangian meron ito.. nagugustuhan pa rin natin, kaya doon ko nasasabi kung bakit napakadaling magmahal ng isang tao.

MASARAP NA MAHIRAP MAGMAHAL

Kapag naitanong o tinanong ka naman na “Mahal mo ba ako?” at sinagot ka naman ng “Oo” magsisimula na ang tinatawag mong kalbaryo. Mas titindi ang pagnanais mong protektahan sya sa mga hinayupak na panggulo. Mas iiwasan mo ang magkasakitan kayo. Magiging sensitibo ka sa mga hinahawakan at binibitawan mo. Sa ayaw at gusto mo natututo kang magsinungaling dahil ayaw mong magalit sya sayo. Magiging tanga ka! Magpaparaya ka! Ibibigay mo ang gusto nya (hingiin man n’ya o hindi). Pipilitin mong maging mas masaya sya kahit alam mong masaya na sya makasama ka lang. Gagawin mong posible ang imposible sa ngalan ng tinatawag mong “Pagmamahal”  dahil alam mong magiging masaya s’ya at kung anu-ano pa. Doon mo masasabi na ang masarap pala at  mahirap magmahal.

MAHIRAP NA MAHIRAP MAG MAGMAHAL

Pero alam n’yo kung ano ang pinakamahirap? Yung alam mong wala naman o hindi naman talaga kayo pero NAGSESELOS KA! Napakahirap itago at ideny dahil alam mong kahit anong tago mo alam n’ya naman nagseselos ka. Wala ka namang ma ideny dahil obvious na obvious ka.

Magagalit ka sa kanya lalo sa sarili mo kung bakit hindi sumasang-ayon lahat sa nais mo. Maghihinakit at manghihingi ka ng awa sa Diyos minsan nga bibigyan mo pa sya ng option kung sa paraan bang nasi mong matuloy ang pagmamahalan nyo o sa paraang hindi man nya ibigay, itigil man lang ang nararamdaman mo sa isang tao. Dahil sa sarili mo, alam mo naman talagang walang kahihinatnan.

Madalas na ako magsimba ngayon, hindi nga s’ya nawawala sa panalangin at sa kandilang pinaiilaw ko, bakit hindi ko ba naisip na ipanalangin sa kanya na sana mawala na ang pagmamahal ko sa isang tao.

Gusto ko ng maramdaman na hindi na ako nag aalala sa isang tao dahil nahihirapan na ako.

Alam ko yung kasabihang “Hindi ka nagmamahal kung hindi ka nasasaktan” pero ang tanong.. “Hanggang kailan ako masasaktan”

1:43 ng umaga ko  ito sinimulan 3:05 na.. natatagalan ako sa pagtipa ng mga letra dahil hanggang ngayon mahirap iwanan ang taong aaminin kong sinasaktan ako pero minamahal ko (hindi rin siguro ako na rin ang nananakit sa sarili ko). Sana naman sa pagtulog ko, matapos ko magdasal.. sana tapos na hanggang sa muling pagmulat ko.


NBI CLEARANCE: REFLECTION

Kagagaling ko lang sa NBI kanina at ito nga kating-kati na ang mga daliri ko para mag blog -para ikuwento ang mahigit dalawa’t kalahating oras kong pagtayo’t upo kahihintay para makuha ang clearance ko.

Umaga palang gising na gising na ako. Galing na kasi ako sa Robinson Otis kahapon at nagulat ako sa dami ng tao. Akala ko kasi kung 10:00 am nagbubukas ang Mall malamang ganun din ang NBI kaso hindi e. hohoho. Kaya sabi ko aagahan ko talaga ngayon.

6:30 na ako nakarating kanina sa Robinsons Otis at tulad kahapon nagulat pa rin ako dahil hindi ko inaasahan na sa aga kong iyon nasa pangatlo pa rin ako ng paikot na linya sa labas ng Mall.

Maswerte pa nga ako kung tutuusin, dahil habang tumatakbo ang oras padagdag na nang padagdag ang dami ng tao.

Yung iba nga galing pa sa kabilang mall -Robinsons Ermita. Pero dahil daw may numbering doon, 500 katao lang daw ang kaya nilang serbisyohan. Ibig sabihin pag tapos ng 500 tapos na ang pila. Kaya doon na sa Robinsons Otis (ang pinaka malapit na NBI Clearance Outlet mula sa Ermita) sila nagpunta.

Alas 8:00 ng umaga nag bukas ang Mall para sa NBI Clearance.. (patay pa nga ang escalator ng mall). Pag tungtung palang sa 2nd level unahan na silang mag fill up ng application form.

Natatawa lang ako dahil napansin ko sa lahat ng nag sa-sign up tinatanong kung ano daw isasagot nila sa “Reflection” na tanong sa form. Sa totoo lang kahit ako hindi ko alam. Tinanong ko na nga ito sa lahat ng officemates ko kasama ang writer namin kaso hindi nasagot. Sa dami kasi ng ibig sabihin ng “reflection” hindi alam kung anong nais tukuyin ng NBI form.

Noong nasa harap na ako para i submit ang form ko, nakita ko yung nasa monitor ng computer nila. nakalagay “Reflection: Roman Catholic” Puchaness!! yun lang pala yun! bakit kasi hindi na lang “religion” hoho

Kaya nga isinama ko ito sa blog ko ngayon dahil alam ko maraming magtatanong.

Hindi ko alam kung ano pinagkaiba ng ng NBI clearance noon sa NBI clearance ngayon kung bakit kailangan pa mag sign up ng panibagong application form kung may dati ka na namang ng NBI Clearance copy.

Ang alam ko lang kung dati per window ang pila ng NBI Clearance noon, ngayon isang pila na lang. Kaya siguro wala na akong makita o mabasa na flow chart nila.

Sa pag aaply ng NBI Clerance huwag kalimutan ang mga ito:

  • Application Form (makukuha sa NBI Clearance Outlet) o kaya download mo ‘to para sample
  • (1) Valid ID: Postal ID, SSS, TIN etc.
  • Ballpen
  • Pambayad syempre.. P115 para sa local|overseas employment, depende kung saan gagamitin

Maari ding pumunta sa iba pang NBI Clerance Outlet ng mga Robinsons Mall

  • Robinsons Galleria
  • Robinsons Place Manila
  • Robinsons Otis
  • Robinsons Metro  East
  • Robinsons Place Cainta

At sa iba pang Municipal at City Hall

  • Quezon City Hall
  • Mandaluyong City Hall
  • Marilao Municipal Hall, Bulacan
  • Muntinlupa City Hall Victory Mall (salamat sa nag correct)

  • Las Piñas City Hall

FYI pala. wala na daw ang NBI Victory Mall.

Bago ko pala makalimutan, sa araw kung kailan kayo nagpa clerance maaari nyo na agad makuha ang NBI Clearace nyo KUNG wala kayong kapangalan o kung wala kayong bad record.

Tulad ko may kapangalan, 1 week ko pa makukuha, ang masaklap pa. doon ko pa makukuha sa NBI Main sa Taft Avenue.

Sa totoo lang napaka hirap pumila sa mga government agencies dito sa Pilipinas. Sana naman bilang mga tax payer ng bansa… bukod sa mga binabayad sa mga clearance fee na yan sana ganoon din kabilis at kaganda ang mga serbisyo.

Alam nyo kung ano pangarap ko para sa NBI? Sana maging hightech pa palo.. ibig kong sabihin sana magkaroon na ng online application sa ganoon hindi man maiwasan ang mahabang pila maging mabilis naman sana.

Pero alam nyo bilib din ako sa mga Pilipino na sa kabila ng kakulangan at mabagal na sistema nagiging matatag at nagiging matiyaga tayo. Ganoon naman di ba? anu’t ano pa makakakuha rin tayo lahat ng clearance! hoho.


BAHAGHARING ITIM

Malungkot na masaya, masaya na malungkot -ganito na yata ang buhay ko. May mga bagay na hindi mo maipaliwanag kung magiging masaya ka ba sa ikinalulungkot mo.

Katulad ng mga pagkawala at mga bagong pagdating. Tila nga isang makulay na bahaghari. Sari-sari, iba-iba. Katulad ng mga emosyon kung iiyak ka ba o tatawa.

Parang kang naghahanap ng kasiyahan sa tumpok ng ginto. Kaso, dahil hindi mahanap ang dulo nito… naiisip mo na may mga magaganap pang konektado sa buhay mo.

Nakakatakot. Wala namang ibang magagawa kundi mag-abang.

Naisip ko lang, na ang pag-abot pala sa pangarap ay para ding pagsuot sa butas ng karayon. Kadalasan habang isinasagawa mo na ang ang pagsuot dito, may pangyayaring mahuhulog ito. At sa pagkahulog na iyon, masasasabi mong nagkamali ka.  Maaaring sa kadahilanang hindi mo ito hinawakang mabuti o baka nagpakatanga ka lang talaga. 

May pagkakataong hindi mo na ito makikita dahil sa liit nito o sa pagkakataong hindi mo talaga maisusuot dahil malabo na ang mga mata mo (binulag ka ng kahangalan mo).. Kadalasan naman maaari kang humingi ng tulong, o baka ang tulong na ang lumapit sayo.

Minsan nagiging matapang tayo. Minsan naman ang tapang ay nagiging kayabangan mo. Sinasabi mong kaya mo  ang sarili mo pero pag nandyan na pang-aakit at magiging mahina ka, sasabihin mo “nadarang lang ako”.

Kaya mong pumatay pero ang masaklap kaya mo ring mamatay.

Kaya mong tumapon ng mga pangarap. Kinakaya mo ring tumapon ng mga taong nag-aalala sayo.

Ang masaklap lang, dahil din pala sa pangarap mo, kayang mo ring ipagpalit ang sarili mo.

Alam ko na hindi ako kasing mahal at hightech ng IPhone 4 pero kinaya mong ipagpalit ito. Pero tandaan mo na tulad ng bagay na ‘yan may hangganan din ako at kaya ko ring masira. Hindi siguro sa sarili kong kagagawan pero maaring sa taong may ganyan.

Naiinsulto ako sa mga paraang hindi naman dapat ako ipinagpapalit sa ganoon. Pero anong magagawa ko? kung sayo na nag mula na ikaw na ang pinaka-walang kwentang taong makikilala ko.

Salamat na lang sa isang pagkawala at isa pang pagkawala kasama ang mga ginagalang at minamahal kong ka-trabaho dahil may mga bagong pintong nagbubukas. Hindi para makalimutan ang mga bagay-bagay, kundi para ituon sa mas makulay na layunin sa buhay.

Malungkot dahil kailangan nating iwanan ang mga bagay na ginugusto natin. Masaya dahil may mga bagong bagay tayong gugustuhin.

Simula na 25 ng Hulyo magkakaraon na ako ng bagong tahanan.. at bago iyon may pintuan akong isasara pero hindi kasama ang mga aral at saya.

Siguro ganoon din sa mga taong pinapahalagahan ko, maaaring hanggang dito na lang, pero nakasisiguro akong.. kung malalaman ko ang puno’t dulo ay mananahimik na rin ang kalooban ko. Hindi man literal pero ang damdamin ko. Damdamin!

Pipilitin kong kulayan ang bahaghari kong itim, pipilitin kong hanapin ang gintong nakalaan sa akin.


%d bloggers like this: