Monthly Archives: October 2011

BOLA

Tila walang katumbas na mapalabok o mabulaklak na salita,

ang puwede kong iwika noong panahong una kitang nakita.

Nakamamanghang ni-sa panaginip o sa hinaharap ko, ay hindi ko naisip na makikita.

*

Napakarami tuloy tanong ang pumapasok sa puso’t isipan ko;

Minsan itinatanong sayo… minsan ako na rin ang sumasagot para sayo.

Minsan ba pakiramdam mo may kulang pa sa buhay mo…?

Isipin mo mabuti kung ano…baka kasi… AKO na ‘yon.”

*

Madalas ko ding naiisip, na “kung ang toll fee at  gasolina ay nagmahalan na,

Kung ganun ako si toll fee at ikaw si gasolina dahil tayo’y nagmamahalan na.” 

Sakabilang banda, magkano na kaya presyo ng puso ko kapag binenta?

sobra na kasi ‘tong nagmamahal.”

*

Ayaw kitang mawala, kaya ginugusto kong maibigay lahat ng gusto mo.

Sobra akong nagiging inspirado, dahilan para mag pursige at magsumikap ako.

Para kapag yumaman ako, magtatayo ako ng grocery store,

ibababa ko lahat ng bilihin at ibabagsak ang presyo…

Dahil sayo lang ako magmamahal.”

*

Pero kadalasan ang pag-ibig sa isang tao parang pagkaing de lata,

Di na kailangang lutuin pa, di na ‘sing mahal, suwak pa sa bulsa.

Kaya minsan, nasabi mong:

Ang pagmamahal ko sa’yo ay parang paborito kong pagkain… UBOS NA!!!

*

Halos magluluhod ako sayo,

kung nanaisin mo ngang sa asin o munggo gagawin ko.

Para akong hayuk na hayok magbuklat ng diksyonaryo,

Pero kahit saang pahina ko tingnan at nauwi sa pagkahilo…

Hindi ko pa rin mahanap… dahil wala naman talaga akong meaning sayo!”

*

Sabi mo noon ang pagmamahal mo’y tulad sa unlimited,

-parang load, lagi tayong magtetext at magtatawagang walang patid,

Pero bakit hindi ko agad naisip na nae-expired din pala ang unlimited”.

*

Ngayong wala ka na, at matagal na tayong di na nagkikita

Naitatanong ko ‘tuloy kung ikaw ba talaga si Elisa?

Hinahap-hanap kasi kita. Nasaan ka ba Elisa?”

*

Sana hindi mo lang sinakyan mga banat ko.

Sana hindi ka na lang sumagot ng “bakit” sa mga tanong ko.

Hindi mo alam na sa bawat kilig mo ay kinikilig din ako?

Kilig ba talaga? o baka sinasakyan mo lang ang pambobola ko.

Hindi ko alam, ako rin pala ang nabobola mo.

*

Ang laro pala talaga ay kinakailangan ng bola.

Patatalbugin at kapag na shoot na, may mananalo -tapos , tapos na.

Pero minsan may ayaw talagang tumanggap ng pagkatalo,

may mga maghuhumiyaw at magpoprotesta na sila’y naluto.

Bakit ba hindi na lang kasi tanggapin na sa bawat laro, kapag may nanalo, may natatalo.

*

Nais kong magpasalamat dahil kahit sa maiksing panahon ako’y iyong lingap sandali,

Kahit sa pinaka hapdi’t, pinaka ayaw na muling madampi,

Nakuha kong magmahal at ngumiti,

kahit pa natalo sa pambobolang nagmistulang isang lang akong laruan. 

*

——————————-

Ang posteng ito ay lahok sa ikatlong taong patimpalak ng Saranggola Blog Awards sa Kategoryang malayaang PagTULA.


KWENTONG RAMBUTAN

May mga pangyayaring hindi ko malilimutan sa loob ng Jeep, tulad noong minsang papauwi ako mula sa klase ko sa TUP-Manila:

“Ma, pabili po” –sabi noong babaeng sales lady (may tatak kasi yung uniforme nya). Magkautot-utot ako noon sa kakapigil ko ng tawa.
Mas lalo na noong sumagot yung drayber “Ano po yun?” hahaha laughtrip talaga.
Iba pa yun sa mga madalas na mapangkawagang pangyayari sa pag-abot ng sukli ng iba mula sa dyarber.
“Bayad daw po, makikiabot … ay sukli pala” ewan ko pero ang babaw talaga ng kaligayahan ko! haha
Pinangako ko sarili kong hindi ko mababanggit ang mga pangungusap na yun habang may nananalaytay pang dugo sa mga ugat-ugatan ko. Maswerte naman akong hindi pa nagaganap sakin yun. Kaso may kakaiba pa palang mas pipigil sa utot ko katatawa.
Dahil nga healty living na ako ngayon buhat noong biglang payat ko kaka nightshift, naisipan ko na lang mag prutas.

Maswerte namang isang tambling lang ang office ko sa Muntinlupa Public Market. Alam nyo pagnapapadaan ako doon parang ang sarap humiga sa mga pulutong ng prutas… mansanas, dalandan, mangga, saging at kung anu-ano pa.
Minsan hindi na rin ako kumakain ng kanin , puro prutas na lang. Sa isang gabi nakaka apat na malalaking hinog na mangga ako. Ang sarap talaga!

Sabi nila pag puro prutas lang ang kinakain mo, kikinis daw ang balat mo bakit iba ang resulta sakin? Imblis na kuminis ako.. nagiging mas kahulma ng hinog na mangga ang ilong ko. Trulalu Pare! Tingnan nyo ilong ko sa side bar, mas malaki na sya dyan ngayon —————–>
Ang mga prutas panapanahon din daw yan, minsan tag-lansones, tag-pinya, at kung anu-ano pang “tag!” Ngayong Oktubre kapansin-pansin na tag-rambutan na ngayon.
Grabe pare! namumula ngayon ang public market dahil sa mga Rambutan. Syempre dahil tag-Rambutan ngayon mas mababa ang demand. Pababaan sila ng presyo may sampung piso kada kalahating kilo, bente.. at dahil mayaman ako bumili ako sa tag-25per kalahating kilo.
Mas naingganyo pa kong bumili noong nakita kong ang daming tambay na maiitim na medyo mapulang langgam. Tawagin na lang natin silang “mapultim na langgam. Sabi ko meeeeeeen! Matamis ‘to!!!

“Ate kalahating kilo nga… ay sige isang kilo na lang para singkwenta” –mayaman ako.
Si Ate pagkadampot palang ng mga may kalakihang mga rambutan pinuputakte na agad ng langgam. Sa isip-isip ko “tamis-tamisah ka teh”. Hindi ko alam kung tama yung timbang nya pero nagdagdag pa sya ng dalawang piraso. Binalot nya agad sa plastic, binuhol at binigay sakin.
Nasa Jeep na ako noon papuntang GMA Cavite nang maisipan kong tikman na ang tamis-tamisang Ramputan. Pucha pare confirmed! Nagkakatasan sila sa tamis.. mamasa masa pa. minsan tutulo pa ang mga tubig tubig kaya manghihinayang ka.
Medyo mabilis naman mapuno ang Jeep rush hour na rin kasi yun. Noong nakaandar na ang jeep na nasa kahabaan na nang SLEX (South Luzon Expressway) Parang may kakaibang dance production ang nagaganap sa loob ng Jeep. Si ate pagpag ng pagpag sa hita nya. Si kuya sa damit nya. Si manang sa braso nya. Si manong sa leeg nya. Pati ako pinuputakte na.
Ang daming tamis-tamisan! Nakawala pala sa lungga ang mga langgam na kasama sa kilo na binayad ko! Sabi na e!

mandaraya yung pinagbilhan ko. Ilang guhit din kaya ang nadagdag dahil sa mga langgam!?
Si Manong ang sama ng tingin sakin. Sabi sa’kin.

“Boy ang daming langgam sa bag mo!?”


“Huh!? Hindi po galing sa bag ko ‘yan sa plastic bag po..” turo sa baba. “…Yung rambutan po!”
Napa ahh.. na lang si manong sabay tingin ng masama sakin na parang pupuksa.
Si ate naman feeling haciendera kung maka react!
Nagkakalat na talaga ang batalyon ng mga langgam pati sa driver at dalawang pasahero sa unahan tamis-tamisan na rin.
Wala akong magawa kundi pigilan na naman ang utot ko. Tamis-tamisan din ako pero hindi naman ako apektado. HELLO!!!

Mga itim na langgam lang yun. Hindi pupula itlog mo pag kinagat ka nito! Pero kasing –laki na talaga sya ng pulang langgam.
Napansin ko lang, kapag umaandar ng mabilis ang Jeep napapahinto rin pala ang mga langgam, takot din pala silang mahulog sa kinakapitan nila. Pero pag natitigil ang biyahe, sila naman ang maglalakbay papunta sa ibang tao.
Teka saan ko ba isisingit ang pangarap dito?
Ayun! Pangarap kong magkapuno ng rambutan kahit isang pares lang. Bahala na sila mag jerjer para dumami. Doon magpapabahay ako ng mga langgam na iti-trained ko para matutung manlapa ng tao.. Yung tipong makatotohanan pag inano sila ng langgam. Ang OA e. para itim na langgam lang kala mo mga ginagahasa na sila e hindi naman nangangagat yun. Echosera Masyado! kala naman nila mabibigyan sila ng mga chikinini nun.
Pero seryoso gusto ko magkapuno ng rambutan tapos kapag lumaki na at nagkabunga na, ipapatikim ko ‘to sa pinakamamahal kong nilalang.
Ako: Mahal Rambutan ka ba?

Mahal ko: Bakit naman?

Ako: Mukha ka kasing tamis-tamisan.

Mahal ko: haha.. Ikaw Rambutan ka ba?

Ako: Bakit naman?

Mahal ko: Kasi ikaw na lang ang di ko natitikman.

Ako: Hahaha… Ikaw langgam ka ba?

Mahal ko: Bakit naman?

Ako: Ang Kateh mo kasi!


%d bloggers like this: