
Ito na ang bahay namin ngayon, ang lala na sobra! apat na pamilya na kasi ang naghahati-hati dyan, pero kahit ganyan na yan at mukha ng squater area. haha Diyan po ako unang bumuo ng pangarap ko ![]()
Literal nang malayo ang narating ko. Sumakay sa mga bus na dumadaan sa kilo-kilometrong pazigzag at paakyat na lugar tulad ng sa Sagada at Baguio. Sumakay ng eroplano at nagpaindayog sa hangin dahil sa milya-milyang layo makarating lang sa Davao at Iloilo. Sumakay ng mga bangka at barko habang magkaduwal-duwal sa mga hampas ng alon makapunta lang sa Guimaras at Mindoro. Mabasa man ng ulan o masunog ang balat sa tag-araw walang makakapigil mapuntahan lang ang mga pinapangarap kong lugar.
Wala namang kakaiba sa lugar namin. Walang magarbong park o plaza para dayuhin ng turista. Walang mall noon tulad ng Shoe Mart at Robinsons. Walang mga kainan tulad ng Jollibee at Mcdonalds. Walang nightlife. Wala. Walang-wala. Ang meron lang -alaala.
Noong nasa mababang paaralan ako na madalas ay nilalakad ko lang, naikwento ng guro ko noon ang pinagmulan ng aming lugar. Taniman daw iyon ng mga Buli na ang mga dahon ay madalas ihalintulad sa Anahaw. At tulad ng Anahaw na ginagawang abaniko madami din kapakinabangan ang Buli tulad ng paggawa ng banig at iba pa. Sa pagdaan ng panahon tinawag ang lugar namin bilang Bulihan.
Payak lang ang pamumuhay namin noon. Hindi lang lata ang bubungan namin pati na rin ang haligi. Lupa ang sahig namin at natutulog kami sa dalawang pinagtabing malalaking papag na yari sa kawayan. Mayroon kaming anim na puno noon, isang puno ng Mangga na laging hitik sa bunga, tatlong puno ng Guyabano at tig-isang puno ng Bayabas at Alatiris kaya ganoon na lang ang kalilim sa aming bakuran kahit tanghaling tapat pa. Mayroon din kaming mataas na bakod pero ang bakod na iyon ay gawa lang sa mayabong at malalagong halaman na hindi nauubusan ng bulaklak.
Sa gabi makakakita ka ng mga maliliit na liwanag mula sa mga alitaptap. Mayroon pa ngang usapang katatakutan na kung nasaan daw ang mga kulisap na iyon, ay nandoon din ang mga engkanto o aswang. Kaya walang masyadong naglalagi sa hindi pa sementadong daanan namin noon. Kaya naman sa pagpatak ng mga oras sa pagitan ng alas-otso hanggang alas-nuebe ng gabi halos wala ka nang makikitang tao sa labas dahil halos himbing na sa pagkakatulog ang lahat. Dahil malamig sa aming lugar noon sa Cavite literal kaming natututong mamaluktot sa iisang kumot.
Kahit simple lang ang pamumuhay namin noon dumadating kami sa oras na hindi na nagiging sapat sa limang magkakapatid ang salitang “simple lang”. Kinakailangan may magsakripisyo at madalas may kailangang iwanan.
Tulad ng magulang ko noon na kailangan lisanin pansamantala hindi lang ang lugar na iyon pati kami ng mga kapatid ko, hindi ko naisip na minsan sa buhay ko ay dadating din pala ako sa ganoong senaryo. Hindi para takasan ang mga kinakapos na simpleng pamumuhay kundi para maiayos kung ano man ang iiwanan para sa mas mahaba at mainam na babalikan.
Hindi naman ako OFW o mga bagong bayaning tinagurian, pero madalas kong gamitin ang mga litanyang “There’s no other place like home”. Kahit pa mukha ng squater area ang bahay namin na mayroon ng higit apat na pamilya. At kahit minsan literal ko nang nararamdaman at nasasabing parang wala na akong puwang sa bahay na iyon -masikip.
Madalas kong nararamdaman sa buhay ko na ang sarap palang balik-balikan ang mga ala-alang kahit hindi man kasing perpekto, pero alam mong bumubuo sa pagkatao mo.
Naisip ko, na kahit saan man pala ako mapadpad. Malibot ko man ang buong kagandahan ng Pilipinas o mundo, at matupad man ang mga pinapangarap kong mapuntahan, masarap isipin na bago ko muna pala sila narating dito ko muna pala sila unang pinangarap at nasilayan.
00000Ooooooo
Ang Sanaysay na ito ay opisyal kong lahok para sa ika-apat na taon at paglipad ng Saranggola Blog Awards ngayong 2012. At marahil isa na ring pamamaraan sa pagbabalik-tanaw sa pinagmulan kong lugar.



















October 16th, 2012 at 12:12 am
mahusay! Good luck sa iyong entry sa SBA. at nagustuhan ko naman tong likha mo
October 16th, 2012 at 2:06 pm
Lahat nalang sinalihan… Good luck sayo
October 16th, 2012 at 9:51 pm
magkahawig yung kinalakihan naten manong utep hehehe
October 17th, 2012 at 1:58 am
definitely there’s no place like home. kahit na san tayo mapadpad iba pa rin ang lugar na kinalakihan natin. anyway..good luck sa entry =D
October 17th, 2012 at 10:43 pm
Otep magkababayan tayo, yan ang Bulihan na aking namiss un malamig at maraming mga alitaptap at kulisap sa paligid. Ngayon, ang lugar natin ay sumabay na rin sa urbanisasyon
October 17th, 2012 at 11:27 pm
Mahusay.. sabi ko nga.. ikaw na ang hakot king sa awarding ceremony ng SBA>. Goodluck sayo..
October 18th, 2012 at 4:33 am
Salamat sa Bulihan at iniluwal niya ang isang astig na blogger!!!
at malamang diyan talaga nagsimula ang iyong pangarap…
October 18th, 2012 at 10:18 pm
Wow ang husay. Mananalo to.
October 21st, 2012 at 12:42 pm
good luck sa lahat ng entry mo Otep, di ko man nakomentuhan lahat eh nabasa at nakita ko naman lahat ng entry mo. napaka-inspiring ng kwento ng buhay mo, sana ay maging huwaran sa ibang mga kabataan, dahil kapag may pangarap at may pagsisikap, mararating at maabot mo ang iyong pangarap. good luck!!
October 22nd, 2012 at 1:35 pm
gustong gusto ko to. pwera biro. alam mo naman kung pano ako magbigay ng compliment di ba? sana manalo to.
good luck
October 22nd, 2012 at 3:20 pm
wow! naantig naman ako OTEP sa kwento ng buhay mo… hoping that the good LORD, the source of all goodness bless all your endeavors & showers you the abundance of heavenly graces
)
November 11th, 2012 at 10:21 am
WOW…natuto ako sayo ng bago Tukayo :’)