Hindi ko alam kung bakit ang hilig-hilig ko sa deadline, yung tipong gagawa ka kapag last two minutes na lang. Siguro namana ko lang ito sa kasabihang “Huli man at magaling, nakakahabol din” -magaling nga ba? Nyahahahahaha lols.
Kagabi , August 17, 2009 (Monday) ang deadline ng submission ng entry/essay tungkol paboritong episode na napanood sa I-Witnesss kasama ang sariling resume. Ang mapipiling mga essay ay makakasali sa 2nd I-Witness docu Seminar na gaganapin sa SM Megamall sa Sept 19, 2009.
May dalawang paraan para i-sumite ang entries sa pamamagitan ng e-mail (iwit.docufest@gmail.com) o sa pamamagitan ng pagpapadala mismo ng sulat sa I-Witness, 2nd Flr. GMA Network Center, EDSA cor. Timog Ave., Diliman, Q. C.
Noong April 5, 2008, Ginanap ang 1st I-Witness docu Seminar sa parehong venue at 80 participants lang ang napili. Hindi ko lang alam kung walumpung katao pa rin ang pipiliin nila ngayong taon.
Sana mapili ako, dahil pangarap ko talagang makagawa ng dokyumentaryo pagdating ng araw,
at narito ang essay na pinagputayan ko kababi
Salamat kay pareng Mark sa pagsama sa’kin habang sinusulat ko ito
BOSES UPOS
Sa isang tahanan kung saan namulat akong may ulap na umaaligid sa apat na sulok nito, maraming mga tanong sa aking kabataan ang mahirap maunawaan at ngayo’y pinanghahawakan bilang isang napaka-laking aral. Ngayong nasa sapat na akong gulang, mapapatanong ka, kung sa paglaki ko’y kasama ko pa rin itong naninirahan o sadyang hinayaan na lang sa hangin upang maglakbay.
Kung may episode man ng I-witness na tumatak sa aking puso’t isipan at lumapit ng husto sa aking buhay na masasabi ko ring paborito ko, ito na marahin ang Boses Upos ni Howie Severino.
Isang lingo bago ang pagtatapos ko sa elementarya at sa sekondarya naman ang kuya, binawian ng buhay ang aming ama. Mataas na dugo, sakit sa puso at baga ang naging sanhi na kanyang kamatayan. Bunga ng kanyang pag-inom ng alak at labis na paninigarilyo. Masakit isipin, pero ang bisyo n’ya ang kumitil sa sariling buhay.
Habang pinapanood ko ang nasabing episode, patuloy na naaalala ko ang aking ama. Iniisip ko, sakaling nabuhay kaya s’ya, hahantong din kaya s’ya sa sitwasyon tulad ng napapanood kong karakter sa programa?
At habang pinapanood ko iyon, hindi ko maiwasang matawa dahil mistulang mga nagsasalitang robot sila. Masasabi kong napakasining ng pagkakabuo ng bawat eksena sa dokyumentaryo. Alam kong mabigat at kalunuslunos ang sitwasyon ng mga karakter –seryoso. Pero sa tulong ng programa nagagawa nitong pagaangin ang paghahatid ng kuwento. Masasabi kong nagbibigay din ito ng inspirasyon sa mga taong hindi nakaiwas sa tawag ng bisyo na ngayon at nahaharap din sa parehong senaryo.
Ang episode din ay nagbibigay aral sa mga kabataang tulad ko na habang may pagkakataon pa ay umiwas na sa paninigarilyo.
Sabi nga nila ang bawat sanhi ay may bunga, bilang isang empleyado ng isang pahayagan sa advertising department, napag-alaman ko na buhat noong naisabatas ang pagpapatigil ng mga anunsyo o advertisment ng mga prudokto ng sigarilyo, naging malaking kawalan ito sa mga negosyo tulad ng dyaryo at telebisyon.
Hindi daw kasi sapat ang mga salitang “Cigarette smoking is dangerous to your heath” upang ilayo ito sa mga minor-de-edad ganoon din sa mga may sapat na gulang.
Ganoon pa man, may nakakatuwang sitwasyon doon na naalala ko habang ipinapakita at inaalok ni Howie Severino sa mga nagdadaan ang pakete ng sigarilyo na may larawan ng mga biktima ng labis na paninigarilyo habang binabanggit din ang mga salitang “Yosi, nakakabaog daw ‘to” at mukhang epektibo naman ito dahil halos walang gustong kumuha ng sigarilyo.
Marami ng nagawang hakbang ang ating gobyeryo kabilang ang kagawaran ng kalusugan ukol sa masamang epekto ng paninigarilyo. Isang hakbang na nga, ang pagpapatigil sa pag aanunsyo. Pero sabi nga nila sa isang hakbang na nagawa o nabuo ay tiyak na may mababago, sa mga negosyante man o sa simpleng mamamayan.
Pero hindi ba’t mas maganda kung tayo, bilang isang simpleng tao ay sa atin mismo muna magsisimula ang hakbang para makaiwas at magbago.
Dahil sa episode na ito, maraming tao, lalung-lalo na ang mga nakapanood ang nalinawagan ukol sa usaping ito at mga bagay na maaaring maganap sakaling abusihin natin ang sarili.
Sabi nga nila sa kamalian tayo natututo, at sa tulong ng mga taong nagpatotoo dito hindi ito naging hadlang sa kanila upang kahit sila, na minsang nagkami ay hindi nagdalawang isip na lumabas upang ipakita sa lahat kung anong naging sanhi sa kanila nito, bagkus naging modelo sa pagbabago at pagkakaroon ng pananalig at pag-asa.
Anila, kung namuhay ka sa isang tahanan na may isang naninigarilyo, at nakikita mo ito lalo na sa mga nakakatanda sa’yo, Hindi nakakapagtaka kung baling araw ay hihithit ka rin nito. Mapalad ako dahil hindi ko, ‘to kinahiligan. Siguro dahil alam ko ang kinahinatnan ng magulang ko matapos ang pangyayaring iyon. Dahil sa ama ko malaki ang ang natutuhan ko, kung labis akong aabuso sa sarili ko. At tulad ng episode na ito malaki din ang natutuhan ko hindi lang sa sarili kundi maging isang taong handang maging gabay din upang hindi nawalan ng pag-asa ang isang taong nalubog na pagsisisi tulad ng ginagawa ni Emer Rojas na huwag mawalan ng pag-asa at hindi pa huli para magbago.














