Tag Archives: Boy Kahoy

ANG PANGARAP NI BENJIE

Sa mundong ating kinagagalawan mahirap tanggapin na sa realidad ng buhay ay mayroong hindi pagkakapantay-pantay. Mayroong may kapintasan, mayroon ding kaakit-akit pagmasdan, may mahina sa mga bagay-bagay at mayroon din namang pinagkalooban ng kakayahan at ang pinakamasama (para sa’kin) ay may mahirap at mayaman.

Maraming beses na rin akong nagtanong patungkol dito, lalung-lao na sa pagiging maralita at makapanghariyan. At sa mga munting kasagutan mula sa mga tanong tulad ng: Kung walang maliliit na tao, sino daw ang magiging basurero?, Sino daw ang magtatanggal ng mga bara mula sa lababo at poso-negro?

Kung iisipin nga naman, kung ikaw ay isang edukadong tao, maaatim mo ba ang ganitong kabahong (literal) trabaho?

SYEMPRE hindi!, kaya ka nga nag-aral para hindi mo maranasan ang mga ganitong uri ng hanap-buhay.

AT ITO ANG PUNTO KO.

boy-kahoy2Kagabi, pinanood ko ang I-Witness episode ni Sandra Aguinaldo ukol sa mga “BOY KAHOY” at gaya ng pagkakaintindi na’tin sa titulo, patungkol ito sa mga batang magkakahoy na sa murang edad ay nagbabanat na ng mga buto, hindi lang para sa sariling pangangailangan, kundi para din sa kanyang pamilya. upang matugunan ang mga dumadaing at kumakalam na tiyan.

Gaya mo at gaya ko, may kan’ya-kan’ya tayong pangarap sa buhay… pangarap sa sarili.., sa pamilya at kahit sa bayan. At tulad ni Benjie ay may pangarap din sya, hindi man kasing tayog pero tila napakahalaga.


..gusto kong.. may masuot na maayos , para hindi ako marumi tignan..

..PANGARAP ko lang makapagtrabaho ako e, kahit anong trabaho okey lang sa’kin…

..magkabalikan sila.., para tatay ko po bubuhay sa’min…

-Benjie

May halong supresa at pagkamangha ang narinig ko mula sa binitawang salita ng bata. At sa daloy ng pagsasalaysay ni Sandra, Driver pala ang pinapangarap maging trabaho ni Benjie, hindi personal driver, hindi rin Jeepney o taxi driver kung hindi isang driver ng truck ng basura.

Hindi sa pag-e-emote, pero tila pinahiya ako ni Benjie. Tinira ako habang nakatalikod ng walang kalaban-laban mula sa napakatalim n’yang pangarap na hindi ko naisip ni minsan.

May mga naisip akong dahilan kung bakit iyon ang napili n’yang pangarap:

Marahil dahil sa kawalang pag-asa sa buhay kaya ganoon n’ya na lang nakikita ang sarili sa paglipas ng panahon.

Maaari ding naisip n’yang malabo na s’yang makapag-aral kaya mas tumimbang sa kanyang pangarap na makapagtrabaho agad kaysa sa pag-aaral.

Pero anu’t ano pa man iyon, ang pagbuo ng isang mumunting pangarap ng tao, lalung-lalo na sa kabataang tulad ni Benjie at napakahalaga. Dahil sa munting pangarap na’yun, unti-unting sisikat ang liwanag ng pag-asa.


%d bloggers like this: