Tag Archives: good morning

GOOD MORNING PHILIPPINES

Sa kabila ng napakalaking kompetensya at dami ng mga pahayagan sa pagkuha ng palatastas sa bansa, nakatutuwang isipin na may mga bago na naman tayong bubuksan na pahina sa pagmulat ng ating mga mata sa umaga. –Good Morning Philippines.

‘Yan ang bagong pahayagan na nagsisirkula na sa bansa. Titulo palang positibo na. Lalo na kung papansinin mo ang pagkakalayout. Parang magazine style kasi ang dating sakin, hindi sya yung tipikal na pustura na makikita natin harapan orninaryong pahayagan.

Nagsimula ang pre-issue nila noong pagdiriwang ng kapanganakan ni Rizal na naakma naman sa muling pagsilang ng mga bago at napapanahong balita.

Masyado akong interesado kapag may mga ganitong pangyayari. Isa kasi sa greatest dream ko ang makapagtayo ng isang publication. At dahil pangarap naman ito, gusto ko sana hindi lang isang pahayagan kundi mayroon pang isang magazine. (na ang mga manunulat ay kapwa blogger :-) hoho). Ang sarap isipin na kung sila ay nagawa nilang mag pundar, sana balang araw ako din.

Naiinggit talaga ako!.

Ewan ko ba, pero noong nasa elementary ako, inggit na inggit na ako sa mga section 1 samin parang sila lang kasi ang may karapatan magsulat sa school paper namin. Noong nasa highschool naman ako parang ganun din, ang siste panay special section lang, o siguro kinulang lang talaga ako sa lakas ng loob para subukan.

Pagtungtong ko naman noon sa kolehiyo, mas lalong sumaklap ang hangarin ko, dahil hindi ko nakuha ang kursong mass communication. Kung hindi kasi sa sitwasyong sarado na ang ang kursong gusto ko e sa sitwasyon minalas ako –bagsak sa entrance exam hoho..

Mabuti na lang sa kabila kamasmalasan sa hindi pagkuha ng pagdadalubhasaing propesyon ko sana, e.. mabuti na lang talaga napadpad ako sa masasabi nating bahagi pa rin ng kumunikasyon –ang imprentahan.

Sa ngayon isa akong Layout Artist sa isang pahayagan matapos ang kursong printing technology.

Puwede pa rin naman matupad ang pangarap, kaya sa mahigit tatlong taon kong pagkakapako sa upuan ko sa nasabing kumpanya.. pinag-aaralan ko lahat ng puwede kong pag-aralan sa pagpapatayo ng imprentahan. Siguro iyon na rin ang dahilan kung bakit ayaw ko pa talaga lisanin ang trabaho ko sa kabila na maliit na sweldo.

Suntok sa buwan man ang pangarap ko dahil sa mga natutuklasan ko, katulad ng: Magkano ang gastos sa isang araw ng isang publication? Paano makakakuha ng advertiser? paano mahihikayat ang masang bumili ng dyaryo ko? at iba.

Isipin mo kasi, kung sa isang araw ang payable ng isang kumpanya ay pumapalo na P 100.000.00, kasama dito ang papel , transportasyon at iba pa, ibig sabihin sa 10 araw ay isang milyon na! Paano kung nagsisimula pa lang, hindi naman puwedeng sa isang buwan kumita ka na agad.

Kulang ang tatlong milyong piso na puhunan sa isang buwan kung susunurin ko ang pangarap ko sa pagpapatayo ng pahayagan.

Ang taas talaga ng pangarap ko.. parang suntok talaga sa buwan! Hoho.

Naaalala ko lang sinabi sakin ng guro ko sa Business Management. “Walang yumayaman sa pangangamuhan, kung pangarap mong maging mayaman mag negosyo ka”.

Totoo naman di ba? Pero dapat daw hindi lang ang pangarap mong yumaman ang lagi mong iniisip para umasensyo ka. Ang dapat, marunong ka ring mangarap para sa kapwa mo katulad ng pangarap nilang pagkakaroon ng matinong trabaho, at simpleng mamumuhay.

Hindi lahat ng taong katulad ko’y matayog kung mangarap, syempre ang iba sa atin simple lang kung mangarap. Pero kung iisipin mo, konektado din pala ang lahat kasi habang nangangarap tayo ng pagkataas-taas, may mga simple din palang pangarap na naghahantay lang sumalo para sa mas mainam na hangarin sa buhay.

Marami pa namang pahina at mga balitang darating sa buhay ko na hindi ko pa nabubuklat.. siguro kung may A-Z ang section ng dyaryo ko siguro nasa Business section pa lang ang binabasa ko. Depende kung saan ko unang  babasahin di ba?. Meron pa akong Editorial, Entertainment, Sports, Travel and Leaving, Arts and Lifestyle, Photography, Info Tech, Motoring, Property, Shipping… kasama na rin ang crossword. Hoho.

Kaya ugaliin nating magbasa, malay mo may bago kang pangarap na matuklasan.


“‘GANDANG UMAGA!”

ganda.JPG

Tik..tak, tik..tak, Mabilis na tumatakbo ang oras. Kinakailangang magmadali para sa mga nalalabing minuto na lilipas.

Isang umaga na naman, panibagong araw para sa tulad nating mamamayan. Hindi natin alam kung ano ang naghihintay sa atin paglabas ng bahay. Ang tanging alam lang natin ay maghahanap buhay tayo ngayong araw at papasok sa paaralan para mag-aral.

Halos lahat tayo ay nakikisalamuha tuwing umaga sa napakaraming tao sa kalsada, lalo na pagdumating ang rush hour. Sakay dito, sabit duon, ganyan kadalasan ang sitwasyon sa mga lansangan mapa bus o LRT man. Kinakailangan nating mag-ala superman para hindi mahuli sa ating papasukan.

Saksi tayo sa araw-araw na sitwasyon sa kalye. Madalas nakakasaksi tayo ng hindi maganda sa paningin pero kadalasan naman may magaganda rin tayong nasisilayan.

Nakita mo na ba?

Marahil iniisip mo na magagandang lalake at babae ang tinutukoy ko. Oo, marahil sila nga, silang taong may pakialam sa kapwa tao at sa mundo. Isa ka ba sa kanila?

(SITWASYON 1)

Naranasan mo na bang magboluntaryo para ibigay ang inuupuan mo sa isang matandang babae sa loob ng sasakyan? Kung naisagawa mo na ito, isa ka nga sa magagandang tinutukoy ko.

Ano naman kaya ang naramdaman mo matapos ngitian at pasalamatan ng natulungan mo?

Hindi ba’t ang ganda ng simula ng araw mo? Sana pag nanay mo naman ang nangailangan, nawa’y may magboluntaryo din para sa kanyang mauupuan.

(SITWASYON 2)

Eh ang simpleng pag-aabang ng TAXI sa kanto ng inyong kumunidad? kaso nang pumara ka na ay may sumingit at inunahan ka.

Nainis ka ba? o sadyang naging mahinahon at sinabi sa sarili na baka mas kailangan nya.

Kung naging pasensyosa ka, Miss. isa ka sa maganda ngayong umaga.

(SITWASYON 3)

Limang minuto na lang at mahuhuli ka na sa unang pasok mo sa trabaho, sa hindi sinasadyang pagkakataon nakita mong naaksidente ang taong hindi mo kilala. Walang anu-ano nilapitan mo ito at binigyan ng kalinga.

Mabuhay ka kuya!

Isa ka rin sa tinutukoy kong pinaka-magaganda ngayong umaga. Hindi mo inalintana na ika’y maaaring matanggal sa una mong pasok sa trabaho.

(SITWASYON 4)

Sa loob ng FX, hindi mo namalayan na nahulog na pala ang cellphone mo. Sa iyong pagbaba nakita ito ng driver at sinauli sa’yo.

Nagpasalamat ka ba? Dapat lang Ate! at marapat lang sabihin sa Driver na “Ang gandang lalake mo manong, Sweet driver ka talaga!”

(SITWASYON 5)

Naglalakad ka patawid sa Ped Xing nang makita mong nalaglagan ng wallet ang sinusundan mong matandang lalake na may dalang maleta. Pinulot mo ito at hindi ka nagdalawang isip at ibinalik ito sa kanya.

Pinasalamatan ka.., at ano ‘to binibigay ka pa ng pera.

Tatnaggapin mo ba? o sadyang magpapakatao at sasabihing.. “walang anuman boss, napakaliit na bagay para bigyan mo ako ng pera, salamat lang OKs na!”

(SITWASYON 6)

Ang simpleng pag-abot ng bayad at sukli sa pamasahe ng katabi mo sa dyip, naisagawa mo na rin ba? Syempre! kung hindi pa, marahil ikaw ang nakasabay ko sa dyip noong isang araw na halos makalimang “paki-abot po” na ako ay ayaw pang abutin. Hindi ko alam kung wala siyang naririnig o tinatamad lang. Salamat na lamang sa kapwa ko estudyante na umabot ng pamasahe ko.

Sana lahat ng tao na nakakasabay na ‘tin sa dyip ay tulad n’ya. May paki-alam sa mundong kinagagalawan, may kusa sa anumang pangyayari na nag-aabang.

Ngayong umaga, iniisip lang natin ang pumasok sa opisina at paaralan, walang pakialam sa maliliit na bagay na nagkalat sa daan. Ngayon hindi pa man tayo pumapasok sa ating papasukan may sumipi na sa ating isipan.

Maiisip na kahit sa napaka-abalang kalye pala ay mga aral na maaaring matalisod. Ang tanging gagawin lang ay pulutin ito at itago para ibahagi naman sa iba.

Laging tandaan na kahit sa daan ay may aral, maliit man ito ang mahalaga’y tumutulong na magpa-alala sa iyo na isa ka pa lang mamamayan. Kung tatandaan ito, hindi lang ikaw ang maganda sa umaga pati na rin ang dinaraanan mong kalsada.


%d bloggers like this: