Tag Archives: PANgARap

GENIE IN A BOTE

“Sinong tao ang wala ng mahihiling pa?” -sus ginagamit lang yang pangungusap na ‘yan kapag inlove ka sa isang tao yung tila sinalo mo na lahat ng kasiyahan dahil sa minamahal mo.

Pero ang totoo napaka-ambisyoso ng mga tao. Lahat may kani-kanilang kahilingan na inaasam-asam.

naaalala nyo pa ba ang joke ukol kay Pedro at si Genie sa bote?

Habang naglalakad di umano si Pedro sa dalampasigan may natisod s’yang bote at hinimas n’ya ito, nang biglang may lumabas na usok kasama nga  dito si Genie. Sa sobrang gulat nito nabitawan ito ni Pedro sa buhanginan.

GENIE: Dahil pinalaya mo ako sa loob ng bote sa mahabang panahon… tatlong kahiligan!

PEDRO: Wow talaga po!?

GENIE: OO bilisan mo..

PEDRO: Gusto ko pong gumuwapo! Gusto ko pong maging kamukha si Coco Martin!! :D

GENIE. Sige kuhain mo ang bote.

PERDRO: Bakit po gagandang lalake na ako?

GENIE: Hindi! babalik na lang ako sa loob.

Ang korni no? haha. :P

Minsan may mga bagay tayong hinihiling na di na katanggap-tanggap sa sarili at sa lahat, kaya sa ayaw at gusto natin hindi na natin ito  kayang matupad pa. -hanggang pangarap na lang ika nga.

Parang tulad sa simpleng panalangin. Madalas puro hiling na lang tayo ng hiling. Hindi na natin naiisip na sa bawat pagdarasan kailangan nandoon pa rin ang maraming bahagi tulad ng pasasalamat, pagbibigay papuri at paghingi na tawad at syempre hindi nawawala ang paghiling.

Minsan sumasama ang loob natin kapag hindi tayo napagbibigyan. Tulad ko minsan na akong nagtampo.

Pero kung tutuusin wala naman pala akong dapat ikatampo dahil ako rin pala ang gumagawa ng paraan para makamtan ito.

Siguro nagkulang lang ako sa pagsusumikap at siguro nagkulang ako sa pagtitiwala sa kanya at inspirasyon na rin.

Tulad sa isang bagay, pag sobra tayong nag expect na makukuha natin ito.. sa huli pag nabigo tayo napaka sakit tanggapin ang resulta.

Natutuhan ko noon, huwag dapat maging masyadong kampante.

Oo, dapat laging nandoon ang pag-asa pero huwag yung “sigurong*” tila ikaw na ang pinaka magaling na tayo para makuha ito.

Lagi kong sinasabi dito na hindi lahat ng pag-asa laging positibo ang dala nito, minsan ang pag-asa ay siya pang nagdadala sa’tin para maging malungkot tayo.

***

Bakit ba nauso ang salitang “sana”? -ito yung salitang lagi na ‘ting inuunay kapag may mga bagay tayong nais makuha subalit walang kasiguraduhan.

Pero sa “sanang” iyon, sinusundan ito lagi ng “pangarap” na siyang magiging daan para sa sinasabi nating “pag-asa” para makamtan.

Pero hindi lahat ng pangarap ay may katuparan, kaya ang pangarap kadalasan ay nagiging imahinasyon na lang. “imahinasyon” na nagiging katuparan para sa lahat ng ating kahilingan. “Kahilingan” na nagbibigay ng katuparan kahit sa mga katang-isip lamang.

Pero naisip mo ba yung joke kanina sa taas? Imahinasyon din iyon, pero nagagawa tayong pangitiin kahit sa simpleng paraan.

At tulad sa pangarap na mahirap makamtam na nabibigyan natin ng katuparan kahit sa di kapani-paniwalang paraan ay nagagawa nating ngumiti kahit nanaginip na gising ka lang :)


ANG PANGARAP NI BENJIE

Sa mundong ating kinagagalawan mahirap tanggapin na sa realidad ng buhay ay mayroong hindi pagkakapantay-pantay. Mayroong may kapintasan, mayroon ding kaakit-akit pagmasdan, may mahina sa mga bagay-bagay at mayroon din namang pinagkalooban ng kakayahan at ang pinakamasama (para sa’kin) ay may mahirap at mayaman.

Maraming beses na rin akong nagtanong patungkol dito, lalung-lao na sa pagiging maralita at makapanghariyan. At sa mga munting kasagutan mula sa mga tanong tulad ng: Kung walang maliliit na tao, sino daw ang magiging basurero?, Sino daw ang magtatanggal ng mga bara mula sa lababo at poso-negro?

Kung iisipin nga naman, kung ikaw ay isang edukadong tao, maaatim mo ba ang ganitong kabahong (literal) trabaho?

SYEMPRE hindi!, kaya ka nga nag-aral para hindi mo maranasan ang mga ganitong uri ng hanap-buhay.

AT ITO ANG PUNTO KO.

boy-kahoy2Kagabi, pinanood ko ang I-Witness episode ni Sandra Aguinaldo ukol sa mga “BOY KAHOY” at gaya ng pagkakaintindi na’tin sa titulo, patungkol ito sa mga batang magkakahoy na sa murang edad ay nagbabanat na ng mga buto, hindi lang para sa sariling pangangailangan, kundi para din sa kanyang pamilya. upang matugunan ang mga dumadaing at kumakalam na tiyan.

Gaya mo at gaya ko, may kan’ya-kan’ya tayong pangarap sa buhay… pangarap sa sarili.., sa pamilya at kahit sa bayan. At tulad ni Benjie ay may pangarap din sya, hindi man kasing tayog pero tila napakahalaga.


..gusto kong.. may masuot na maayos , para hindi ako marumi tignan..

..PANGARAP ko lang makapagtrabaho ako e, kahit anong trabaho okey lang sa’kin…

..magkabalikan sila.., para tatay ko po bubuhay sa’min…

-Benjie

May halong supresa at pagkamangha ang narinig ko mula sa binitawang salita ng bata. At sa daloy ng pagsasalaysay ni Sandra, Driver pala ang pinapangarap maging trabaho ni Benjie, hindi personal driver, hindi rin Jeepney o taxi driver kung hindi isang driver ng truck ng basura.

Hindi sa pag-e-emote, pero tila pinahiya ako ni Benjie. Tinira ako habang nakatalikod ng walang kalaban-laban mula sa napakatalim n’yang pangarap na hindi ko naisip ni minsan.

May mga naisip akong dahilan kung bakit iyon ang napili n’yang pangarap:

Marahil dahil sa kawalang pag-asa sa buhay kaya ganoon n’ya na lang nakikita ang sarili sa paglipas ng panahon.

Maaari ding naisip n’yang malabo na s’yang makapag-aral kaya mas tumimbang sa kanyang pangarap na makapagtrabaho agad kaysa sa pag-aaral.

Pero anu’t ano pa man iyon, ang pagbuo ng isang mumunting pangarap ng tao, lalung-lalo na sa kabataang tulad ni Benjie at napakahalaga. Dahil sa munting pangarap na’yun, unti-unting sisikat ang liwanag ng pag-asa.


%d bloggers like this: