ANG GAMU-GAMO SA DILIM


Ni Otep Zablan

Maulan ang gabi, mabilis akong nagtatakbo pauwi sa’min.
Sa bawat paghakbang ng mga nagmamadali kong mga paa,
katumbas nito ang mga tilamsik ng tubig.

Habang ako’y nakayuko at saklob  ng basang-basang panlamig,
‘di ko sinasadyang makabunggo sa dilim.

Ako’y humingi ng paumanhin, at sa aking pag tungo
nakita ko ang taong ni sa panaginip ko’y ayoko ng makita.

Natigil ako sa paghingi ng tawad,
tanging nagawa ko lang ay matulala
habang patuloy ang patak mula sa aking mukha.

Mabuti na lang at maulan,
Kaya hindi nakita ang aking luha

Pilit akong naglakad papalayo
ngunit ang paa ko’y nais lumiko.

Naalala ko ang mga araw na kami’y magkayakap pa
kaya nais ko sana s’yang takbuhin pabalik pero ‘di ko nagawa dahil may kasama s’ya.

Ang mga dating nagmamadaling paa, ngayon tila napako na.
Pinagmamasdan ang kanilang mga hakbang palayo,
Habang ako’y nababasa sa ilalim ng maliwanag na poste ng meralco.

Noong ako’y nasa pintuan na ng bakod, ako’y naupo
Wari’y natatakot sa maaring hatid na lungkot sa loob.

‘Di nagtagal nasilayan ako ni Inay
Ako’y pinagbuksan ng pinto at sinalubong ng payong

Sinabon ako ni Ina kung bakit daw nagdadala pa ako ng payong,
ganoong di ko naman pinakikinabangan.
Noon ko lang nalaman na mayroon akong dala.

Marahil sa ako’y lagi na lang wala sa sarili
at ginawang dahilan na ako’y tutok sa mga bagay-bagay.
Kaya di ko na napapansin yaong maliliit.

Ginagawa ko naman ang lahat para makalimot
pero wala yatang epekto sa tulad kong,
ang tanging nagawa lang ay umasa.

Ayoko ng marinig ang pangaral ni Nanay,
kaya pumasok na lang sa aking silid tulugan.
Napansin ko ang mga gamu-gamo sa liwanag na nag-uumpukan.
At malamang ako’y mainis dahil pati ako’y nilalapitan.

Pinatay ko ang ilaw.
at dahil doon.., unti-unti silang nag-silisan.

Sa isang gilid ng aking silid,
doon ako nagsisiksik at patuloy na nababasa
hindi ng patak ng ulan kundi ng patak ng luha.

Naikumpara ko tuloy ang aking sarili sa isang gamu-gamo,
na tanging liwanag lang naman ang gusto.
Pero dahil tinaboy ko sila sa liwanag
wala naman sila nagawa kundi lumisan.

Pero bakit ako!, kulang na nga lang ay sipain ako,
pero ang nararamdaman ko’y tila isang preso
‘di makawala.., kahit ako na mismo ang nagtataboy nito!

Ako’y isang gamu-gamong  nananatili sa dilim.
Dahil isa akong gamu-gamong tila nasunugan ng pakpak,
kaya di na makalipad at makadaong sa panibagong liwanag.

Biktima ako ng sariling kagagawan,
Kahit noong una pa may ako’y napagsabihan
Sadyang nasilaw lang ako ng akala ko’y liwanag,
pero nauwi na naman sa isang madilim at nakakalungkot na lugar 😦

KUWENTONG JEEPNEY


Halos araw-araw na lang nang ginawa ng Diyos pakiramdam ko challenges. Mula sa paghahabol ng oras para hindi ako ma-late sa opisina, hanggang sa mahabang pasensya sa haba ng pila sa mga terminal at usad pagong na traffic pauwi ng bahay. Puro kanegahan na lang ang nakikita natin sa kalsada.

Kanina habang papauwi ako sa bayang sinilangan ko sa Silang, may kakaibang kaganapan akong nasaksihan na nagpangiti sa damdamin ko. Kinulang kasi ng pamasahe si Kuya pero nagbayad pa rin ito. Kulang lang sya ng dalawang piso.

Collector: O ‘pre kulang daw ng Dos yung isang pasahero mo!

Driver: Ayos lang basta nagsasabi.

Pasahero: Pasensya na, kinulang lang talaga.

Driver: Sige.

Ang sarap pala makarinig ng good deeds ng mga tao. Ang lakas makapag motivate ng pagkatao at maka good vibes. Sana lahat ng driver tulad ni manong na sa simpleng dalawang piso… ay marami na s’yang napatabang puso.

Mabuhay si manong Driver!

NANG BIGLANG NAGUNAW ANG MUNDO


Kanina, maaliwalas akong nagising. May Sunday duty ako, pero hindi ko naman dama kasi panggabi ako.

Wala akong magawa kaya naisipan kong magpaitim uli ng buhok ko. Parang gusto ko kasing bumalik sa pagka-emo look. Yung simpleng himas mo lang sa bangs mo oks na. Wala ka nang nilalagay na kung anu-ano.

Kasabay nun, bumili rin ako ng hikaw na itim nauumay na kasi ako sa silver na nakatusok sa tenga ko. Bukod doon, may nakita akong mga silver. Actually hindi naman s’ya legit kasi tagbe-bente lang ‘yun. Hahaha 😄. Pero dahil natripan ko yung silver na may pendant na letter “O” binili ko.

Sa harap ng salamin, habang sinusuot ko ang bago kong kwintas… ang daming nag fa-flash back sakin. (Hindi na naman iba sa inyo kung ano ang kinahinatnan ng pagkakatulog ko sa mahabang panahon).

Napatanong ako.

Otep: “Ma, di ba marami akong silver dati? San na kaya napunta?”

Mama: “Di ba binigay mo Kay “J**”?

Napamura ako sa isipan! Hindi na sana ako nagtanong! Naluha ako ng slight pero hindi ko pinahalata.

Para kong nabaon sa lupa at di na mahugot sa pagkakalubog. Naiinis ako sa nararamdaman ko. Kung bakit ba sa lahat ng nakalimutan ko, ‘yung tao pang nagpabaon sakin sa sukdulan ang sya pang nananatili sa mga sintido ko.

Malungkot na naman lolo n’yo. Mabuti na lang back to duty na ko. Marami pa ring dahilan para maka iwas sa kaemohan.

Gumagalaw naman ang orasan, tumigil man ito ng minsan, alam kong patuloy pa ring dadaloy ang bawat minuto patungo sa kakarampot na segundo ng kasiyahan.

Peste ka otep! Move on na!

OPLAN LINIS


Dalawang taon na rin noong huling linis ko ng mga gamit ko. Mula sa mga collection kong libro na nagsiwalaan na tulad ng kay Bob Ong, Ricky Lee at Philippine True Ghost Stories (series) na minsang napasama na ang kwento ko. Kung naaalala nyo pa.. iyon ‘yung may title na “Zigzag” na nabuo habang nasa byahe ako. Ganun kalikot ang utak ko! Naalala ko pa nga noong minsang binayaran pa ko ng isang publication para dun. Wag nyo ng itanong kung magkano.) 😛 Kinumpleto ko bawat series ng librong ‘yun dati.

Pati mga magazine ko ng FHM, UNO at Iba pa. Hindi ko lang talaga mawari kung saan na nagsipunta ang mga koleksyon ko. 😦 Ayaw ko namang mambintang. Kung sa tingin nyo kalaswaan ang pangongolekta ng mga adult magazines at sadyang pinagnanasahan ko lang ang mga nasasapaloob nito… Hindi yun ganun! Bilang isang Senior Graphic/Paginator/Layout artist ng isang kumpanya, napakalaking tulong sakin ang pangongolekta ng mga babasahing Ito. Nagkaroon ako ng malawak na imahinasyon at dimensyon kung paano ko pa mapapalawak ang pagpukaw ng atensyon ng isang mambabasa sa isang pahina.

66013891_437336483535865_2551262156381224960_n (1)

Ngayong unti-unti na kong bumabalik sa normal, kahit medyo nangangapa pa ko sa mga dati kong nakasanayan (salamat sa Trainor kong hindi pa rin ako sinusukuan). Wala pa ring ibang tutulong sa’tin kundi ang mga sarili natin. Kailangan lang talagang nating maging organize at alamin ang mga dapat i-prioritize.

Sobrang dami ko pang babalikan at aaralin. Mabuti na lang sa lahat ng mga aral na natutuhan ko noon, ang pagsuko ang isa sa hindi ko nakalimutan. Tuloy-tuloy lang ang buhay.

 

KUWENTONG DUYAN


Pinost ko ‘to sa FB ko kanina, naisip ko pang blogpost na pala sya sa haba. hahaha 😀 Kaya naman hayaan n’yong i-share ko rin ‘yan dito.

Kanina kasi, habang nasa Alabang ako pauwi sa Cavite may nakasabay akong manong na nagtitinda ng mga anek-anek tulad ng duyan, relo at Iba pa. Nacurious ako kung magkano Yung duyan so nagtanong ako… naalala ko kasi yung mga mountain climbing days ko. Wala naman akong balak bumili kasi wala pa naman akong pera nagsisimula palang ako uli mag work sa mahal kong kumpanyang Ayala.

“Manong, magkano duyan nyo”? Tanong ko.

“P280 lang kuhain mo na” Sabi ni manong.

“Ang mahal pala!” gulat ko. :O

“Bilin mo na, sige na, pangkain ko lang” sagot nya.

Wala naman talaga akong balak bumili, kasi nga wala naman talaga akong pera. Pero patuloy syang bumuntot sakin.

“Tinanong ko lang po, Wala po akong pera” binuksan ko pa ang wallet ko para makita nya.

“O a’yan oh ang dami” – sabi n’ya matapos makita yung tupi-tupi kong benteng pamasahe ko sana pauwi sa Bulihan.

“O sige, P140 na lang”. Patuloy nya.

Nagawa ko namang bilangin laman ng wallet ko at sapat namang aabot ito ng P140.

Wala na kong nagawa kundi iabot Ito kay Manong at sya rin namang abot sakin ng Duyan.

Noong nasa terminal na ko. Doon ko naalala na kailangan ko pa palang mamasahe.

Pinawisan ako ng malagkit sa kaba. Hindi na kakasya pamasahe ko pa Bulihan. Dahan dahan kong binuksan wallet ko at binilang… Haaaaayyy.. sumakto namang may 36.00 pesos pang natitira.

So anong aral ang natutuhan natin ngayon? Wag tayong masyadong pusong mamom. Porket naawa… Bibigay tayo agad. Sa huli, tayo rin ang mag sasakripisyo.

Ayokong isiping nabudol ako kasi feeling ko napamura ako. Ayaw ko ding isipin na nauto ako ni manong dahil naghahanap buhay lang naman Ito. Siguro kinasangkapan lang talaga ako para nakakain ang isang taong nagugutom.

Ang mahalaga… Nakauwi na ko. May duyan pa ko at rest day ko pa! Sarap magduyan nito!

God bless everyone!

Happy Weekend!

DAPIT HAPON


Ito ang una kong lathala sa ikatlong taon ko dito sa blogospero, ayokong magpaka-nega., pero ito na lang talaga ang paraan ko upang mailabas kung ano ang tunay kong nararamdaman sa mga bagay-bagay na nakapalood sa’kin.

Nitong buong linggo, ang dami na namang pumapasok sa isip ko -mga balak na sa isang desisyon ay may tiyak na mababago. Hindi ko nga lang alam kung sa maganda o pangit ang kahihinatnan nito.

SA TRABAHO
Ilang buwan na ring pumapasok sa isip ko ang pag-reresign dahil saganang akin ay tila na hindi na natutugunan nito ang pangangailangan ko. Ayoko namang umalis dahil ayokong iwanan ang pinaghirap ko, makapasok lang sa Dyaryo.

Sakaling umalis naman ako tiyak na magbabago ang lahat ng mga -sa aki’y ordinaryo na pero nagbibigay pa rin ng kakaibang supresa.

Tulad ng makikita n’yo sa taas, mga kuha ko ‘yan sa mga panahong nagiging pula, bughaw, dilaw ang kalangitan. maswerte nga ako e, dahil sa araw araw na ginagawa ng diyos nasasaksihan ko ang iba’t ibang kulay ng dapit hapon.

Hindi ko nga maipaliwag ang nararamdaman ko kapag nakakasaksi ako ng mga ganyan. Maaaring masaya  dahil pinagkalooban naman ako ng Diyos ng makulay na araw at maaring malungkot dahil natapos na naman ang saglit na kasiglahan. Maaring masaya dahil natakasan ko ang lumbay ng buong araw at maaaring masaya dahil bukas pagsikat ng araw malilimutan ko ang malungkot na kahapon.

Sadyang maraming kahulugan ang paglubog ng araw, maaring sa masaya at malungkot na bagay. Pero kung bibigyan natin ng magandang interpretasyon ang dapit hapon, ito’y paglimot ng nakakapoot na maghapon at sisikat ang magandang pag-asa.., kinabukasan.

SA PAG-IBIG
Isang araw nangarap ako na sabay naming pagmamasdan ito -ang paglubog ng araw, at paghihintay ng araw na magsasama kami bilang iisang nilalang na lang sa mundo.

Sa harap nito, unti-unti naming pangangarapin ang magandang bukas na magiging gabay sa pag-abot nito.

Sa harap nito, susumpang magiging matapat sa isa’t isa. At sakaling hindi ito maaninag dahil may sigwang nagdaan, mangangakong sa pagtila ng ulan sabay pa rin naming pagmamasdan ang paglubog nito.

SA KAIBIGAN
Tulad ng sinabi ni Cool Water Works ukol sa tatlong uri ng kaibigan, maikukumpara ko pa rin ang dapit hapon dito.

dapit hapon na sabay na pinagmasdan, pero kalaunan ay di na nasilayan,

dapit hapon na sabay na pinagmasdan, pero kahit anong pilit, para ito’y masilayan ay hindi na mapagbibigyan

At dapit hapon na sabay na pinagmasdan, hindi man napagmasdan ngayon, tiyak na mamamasdan pa din kinabukasan.

At sa hindi mapalabok na pagpapaliwanag:

Pagkakaibigan na nariyan ngayon; bukas ay tila kinain na ng Lion

Pagkakaibigan na nariyan ngayon; bukas ay nasa kabilang Nayon

At pagkakaibigang na riyan ngayon, bukas, mamaya at sa buong maghapon.

***

Ambisyoso Lang Talaga

%d bloggers like this: