TATLONG KLIMA NG BANSA


Ang Pilipinas ay matatagpuan malapit sa imahinasyong linya na naghahati sa hilaga at katimugang hemispiro ng mundo, na kung tawagin ay ekwador -ang sentro ng init mula sa araw. Kaya hindi na nakapagtataka na mainit talaga dito. Ang ating kapuluan ay matatagpuan din sa rehiyong tropikal ng kanlurang bahagi ng Karagatang Pasifiko kung saan umuusbong ang mga malalakas na bagyo.

Tatlong buwan bago matapos ang taong 2006, tatlo ring mga bagyo ang tumatak sa aking isipan. Kung ating babalikan animo’y sinumpa ang Pilipinas sa sunod-sunod na dagok na dala ng pinaka-malalakas na bagyo ng taon. Nauna nang namasyal si Milenyo sa kalakhang Maynila at karatig nitong lalawigan, na matapos mamasyal iniwan na nakatiwangwang ang mga bilbord sa kalsada na aakalain mong malaking lata ng sardinas na inapakan ng kung sino man. At mga poste sa aming daan, upang ang koryente sa aming bayan ay mawala ng ilang araw. Nainggit at humabol naman itong si Reming sa biyahe ng kanyang kaibigan at ang punterya n’ya naman ay makita ang makapigil hiningang ganda ng bulkang Mayon sa ka-Bikulan, na matapos pagsawaang dayuhin ay nag-iwan ng daan-daang taong wala nang buhay na inalon ng putik at nabaon ng buhay. Nagsawa ang mga bagyo sa isla ng Luzon kaya itong si Seniang ay nagbago ng direksyon, sa mga isla naman ng Visayas ang kanyang tuloy. At nais pa yatang dumalo sa pagtitipon ng ASEAN. Subalit ang tagapangasiwa ng nasabing okasyon ay hindi sumang-ayon, kaya ito’y sinuspindi at Enero na nang natuloy. Nagngitngit itong si Seniang kaya nag-Boracay na lang, iniwn n’ya ang kapuluan ng Aklan na guray-guray na kung iyong pagmamasdan ay lubha talagang nag-pakasaya itong si Seniang.

Ganoon pa man, nand’yan pa rin ang iba nating kababayan para tumulong at dumamay, mag-abot ng kahit kaunti alang-alang sa pagka-makabayan. Hindi tulad ng iba na kahit puno ang bulsa ay ayaw magpakawala ng grasya dahil may nais itong paggamitan para sa sariling ikaliligaya. Kung sana ito’y para sa kabutihan, pero kung tutuusin para rin sa sariling kapakanan.

Animo’y isang bahay na bato na kung iyong kakatukin ay ayaw kang pagbuksan. At kung iyo namang pakikinggan ay kukutyain ka at sasabihin sa iyo na ‘mayroon pa namang iba d’yan ‘. Mabuti pa nga itong may ari ng kubo na kahit hindi mo kilala ay nais magpapasok upang magbigay saya at magbigay pag-asa.

Mayroon namang nagbibigay kung iyo namang tatanggapin, malalaman mo na ito’y hindi sa pagpapakatao, kundi sa pagpapakitang tao lang!

Matapos ang mga sigwang nagdaan, nahaharap naman tayo at ang ating pamahalaan sa problemang dala ng kakulangan sa patubig ng Angat Dam. Ito raw ay dahil sa nalalapit na pagdayo ni El Niño sa tag-init. Pero alam n’yo ba na may mas mainit pa sa tag-init? Kung inaakala ninyong dalawa lang ang klima ng bansa, ang tag-init at tag-ulan ay magisip-isip na kayo dahil wala pa man, damang-dama na ito.

Ang klimang tinitukoy ko ay mas makalat, mas madumi, mas malupit at mas lalong magulo pa sa dulot ng mga bagyo. At higit sa lahat mainit pa nga sa tag-init –ang eleksyon…, ang pulitika ng bansa.

Hindi na iba ang eleksyon sa atin, eleksyon na di mo malaman kung ang hangad aay mapabuti ang bayan o ang sariling kapakanan. Asahan mo na!, na sa papalapit na halalan kani-kanila na silang propaganda, propaganda para sa ikabubuti ng kanilang kandidatura. at propagandang ikasisira ng iba. Kung tutuusin mabuti kung ganito lang, ang masaklap ay nauuwi pa sa karahasan. Ngayon pa nga lang marami ng patutuo dito, ang pagpapasabog ng sasakyan ng pulitiko pati na rin ang patayan sa ibang lalawigan. Ang pulitika nga naman gagawin talaga ang lahat makuha lang ang upuang inasam-asam.

Anong ingay man ang dala ng ikatlong klima ng bansa, siguradong may dala naman itong mga ngiti para sa mga peryodista ng pahayagan. Siguradong magbabayad ng malaking halaga si pulitiko para bumango ang kanyang pangalan at sumingaw naman ang bahong tinataglay ng kanyang kalaban. Mapa-dyaryo, radyo at maging sa telebisyon man.

Syempre anong dumi man ng ikatlong klima ng bansa sigurado ring kita ang dala nito sa mga manlilimbag ng bansa. Buhay na buhay panigurado ang industriya ng imprentahan sa ating bayan dahil sa pagpapagawa ng mga: istrimer, baner, t-shirts, sumbrelo at mga flayers na gagamitin sa pangangampanya na kung titignan, dumi talaga ang dulot sa lansangan.

Ganyan talaga ang dulot ng ikatlong klima ng bansa. Sakit man sa ulo para sa karamihan, masagad man ang bulsa ni pulitisyan na galing rin naman sa kaban ng bayan, nakatitiyak naman akong dagdag laman ito sa bulsa ni pressman.

Nakakalungkot mang isipin na sa bansang mayaman sa kahirapan, ay naroon pa ang mga taong sakim sa kapangyarihan. Nakakainis mang isipin na kung kailan ang bansa ay may sugat pa dahil sa sigwang nagdaan, ay nagagawa pa nilang magbunganga at magpatayan. Bakit di nalang kaya nila idako ang kanilang atensyon sa mga taong nangangailangan. Mabuti pa ang ibang tao, wala mang puwesto sa pamahalaan ay nagagawang tumulong sa nakakaranas ng gutom at nawawalan ng masisilungan.

Tatlo, apat o lima man ang matitinding unos na magdaan, pito, walo o siyam-na-daan man ang mawalan ng buhay na dala ng sigwa sa kabayanan, o kahit sampu pa ang klima ng ating bayan, nakatitiyak ako na tayo’y babangon at mapapatuloy sa buhay, kung walang sakim at kung walang pang-sariling interes na maghahari sa buhay ninuman.

6 thoughts on “TATLONG KLIMA NG BANSA”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s