DUGUAN


Habang tumitingin ako sa kalendaryo ngayon, pitong araw na lang pala ang nalalabi ko sa harap ng computer kong ito.

Masakit dahil minahal ko ang trabaho ko, ang masaklap lang, pakiramdam ko hindi ako minahal ng kumpanyang pinapasukan ko. Naniniwala ako sa kasabihang ‘kung hindi ka na masaya sa ginagawa mo wala ng dahilan para manatili ka dito.’

Ganun na nga ang ginawa ko. Pero kung babalikan ko ang dahilan, simple lang naman, sa pera pa rin mauuwi ang puno’t dulo nito. Saganang akin kasi pakiramdam ko mas malaki pa ang kinikita ng simpleng empleyado o factory worker. Malayo sa kinikita ko ganoong nakapagtapos din naman ako sa kolehiyo.

Siguro panahon na rin para ilabas ko ang ang sama ng loob sa kanina, tutal isa sa mga dahilan ko kung bakit ako gumawa ng blog para ihayag ang nararamdaman ko tulad nito. Magiging unfair sa kanila, pero paraan na rin ito para iwanan ko ang trabaho ko kasabay ng pag-iwan ng mga panget pero nagpatibay talaga bilang buhay ordinaryong empleyado.

Ang hirap kasing humugot ng mga bagay na pagpapasaya sa’yo ganoong wala na talaga. Para na akong nabubuhay kasi sa wala. Magkakaroon nga ng inspirasyon tulad ng pinangarap, pero mawawala din makalipas ang ilang sandali. Dahil ang totoo, imposible naman talagang magkatotoo sa sitwasyon ko ngayon.

Natatandaan ko pa ang mga unang araw ng pagtungtong ko dito, noong tinanggap ko ang posisyong ito. Tinanggap ko ang sa salary ko sa pangakong tataas pa naman daw ito. At dahil undergrad pa ako noon at unang trabaho ko ito, oo na lang ako ng oo. Hanggang ngayon umaasa ako sa pangakong iyon, hanggang sa tuluyan na itong napako.

Natatandaan ko din noong christmas party kami (hindi ko alam kung paano nangyari) hindi ko nagawang mag time in at time out. Kaya ayun -absent. Nakakatawa lang ganoong alam naman ng lahat na nandoon ako. Hindi ako nagawan ng kunsiderasyon kaya ang maliit mong sahod, mas lalo pang lumiit ito.

Ganoon din sa mga hating gabi na pag-uwi mo. Minsan, sa sobrang pagmamadali, makakalimutan mo pang mag time-out. Gabi na dahil sa pag chacharity work mo, na HALFDAY ka pa! O di ba ang ganda ng policy nila? At kahit kaninong santo ka pa magpa pirma hindi nila iyon tatanggapin.

Marami ding pagkakataon na dahil mahalaga ang ads sa dyaryo, kahit hindi ko na kaya kukuhain pa rin nila dahil sa pakiusap umano ng advertiser. At dahil kailangan din ng kumpanya, kahit mali-mali na ay kailangan pa ring mai-printa. Ramdam mo ang mga kadismayahan, pero hindi nilang magawang magalit sayo ng harap-harapan. Mas lalo kang malulungkot dahil alam mong may mali ka.

Napaka hightech ng kumpanyang ito, may pagkakataong magsisiksikan kami sa isang computer, sa akin kasi nakakonekta ang printer. Pa-print dito, pa-print doon, sa tingin nyo  matatapos ko kaya ng maaga sa ginagawa ko? Madalas ginagawa ko talagang mag pa late dahil kung aagahan ko man, ganoon pa rin ang siste hindi ka rin agad makakaupo dahil may gumagamit; gumagawa ng affidavit, gumagawa ng report, gumagawa ng letter para sa mga advertiser at kung anu-ano pa. Marami ding pagkakataon na ganoong sobrang rush ka na, may makikisingit pa sa’yo para gumamit ng internet dahil hightech din ang computer n’ya! Wala kang magagawa dahil utos daw iyon ng manager kaya pagbibigyan mo.

At dahil late ka nga madalas dahil sa mga dahilan mo. Ayun! mauuwi sa napaka-laking kaltas sa payslip mo. Bigla mo lang maiisip mga binabayaran at mapapaisip ka na talaga para humanap ng part time para matustusan mga bayarin mo, wala pa kong luho nyan.

Ilan lang yan sa mga dahilan ko, pero may masisisi pa ba ako? wala naman di ba? dahil ginusto kong makapasok sa balita na pinapangarap ko.

Siguro sa kulang-kulang na dalawang taon na nilagi ko dito naging masaya naman ako, tiniis ko ang lahat dahil mahal ko ang pangarap ko. Pero minsan kailangan natin itong iwan dahil hindi na tayo nagiging masaya dito. Bata pa naman ako, pero gaya ng sabi ng nakakarami hindi ganoon kadali makahanap ng bagong trabaho. Kaya naman nag print ako ng napakaraming resume para ibenta ang sarili ko.

Kanina sumugod ako sa giyera dala ang mga bala mula sa mga natutuhan at iiwan ko na halos naging pangalawang tahanan ko na. Malungkot pero mas pipiliin ko na ang mas magandang oportunidad – kumpanyang mas magtitiwala at papahalagahan ang mga kakayanan ko.

Malaki ang utang na loob ko sa kumpanyang ito, Kaya marapat lang din silang pasalamatan. Duguan man akong maituturing, dahil sa mga naranasan ko, alam kong mas madugo pa ang mga susuungin ko. Nagsisimula pa lang ang laban ko para makahanap ng bagong trabaho.

Sana sa loob na ng Intramuros ang susunod kong trabaho.

#LibreLangMangarap.