“AMAZING RACE”


Isang media network sa bansa ang naglunsad ng bagong programang pantelebisyon hango sa isang reality show sa Amerika -ang The Amazing Race. Bagama’t marami itong pagkakatulad sa orihinal na palabas tulad ng paglibot sa iba’t ibang lugar at mga pagsubok, malaki pa rin ang pagkakaiba nito dahil ang mga kalahok dito ay pawang may mga kapansanan. Paano kaya nila malalagpasan ang lahat ng pagsubok at sinu-sino kaya sa magkakaparehang sina Bulag at Duling, Pipi at Ngongo, Pilay at Sakang, at magkaparehang sina Bingi at Kuba ang mangunguna at tatanghaling kauna-unahang mga Amazing Race champion?

Sa unang pag-ere nito sa telebisyon isa-isang pinakilala ang bawat kalahok:

“Si Bulag 22 years old, lalake, mula sa lungsod ng Paranaque, sinilang na may mga mata pero hindi nakakakita” Pakilala ng host na si Derek Parazzi. Sinunod n’yang pinakilala si Duling isang magandag babae, bente anyos “Kung si Bulag ay pinagkaitan ng paningin, ang susunod naman na kahalok ay sumobra ang panginin -si Duling” Palakpakan ang mga studio audience. “Sila po ang unang magkapareha sa edisyong ito. Magkakitaan kaya sila? Alamin sa pagbabalik ng Amazing Race, Philippines!” (cut).

Habang patalastas pinaglapit sila ng mga crew sa studio. Kinapa-kapa ni Bulag ang hangin hanggang mahawakan n’ya si Duling sa balikat pababa hanggang maabot nito ang palad at nakipagkamay. “Ako pala si Bulag, ang ganda mo pala?” pambobolang sabi ni Bulag. “hmmp. Tigilan ako! Nakakakita ka pala?” tanong ni Duling. “Hindi. Ibig kong sabihin ang ganda pala ng boses mo. Narinig kasi kita kanina”.

“Derek! Stand by.. 5, 4, 3, 2….” Sigaw ng direktor, hudyat na muling eere ang programa.

Ngumiti sa kamera si Derek at nagsimula na ang mga litanya “Nakilala na po natin ang unang pares na sina Bulag at Duling. Ipakilala na natin ang susunod na magkapareha, panoorin po na’tin ‘to” romolyo ang VTR (Video Tape Recorder) at doon nga ipinakilala si Pipi. Bukod sa hindi sya nakapagsasalita hindi rin s’ya nakaririnig. Ganoon pa man sa kanya pa rin binigay ang codename na Pipi. Si Pipi ay isang guro sa Philippine Institute for the Deaf. Mahusay s’ya sa sign language. Matapos ang pagpapakilala bumukas ang likurang bahagi ng stage at doon lumabas si Pipi. Ang daming fans! Mga kapwa n’ya guro at mga estudante. Wala mang mga nagsisigawan dahil mga kapwa hindi din sila nakapagsasalita, umulan naman ng palakpakan at “eehhrr!, eehhrr!” hindi man maliwanag ang mga kanilang isinisigaw alam ng lahat na iyon ay isang pagsuporta.

“Pipi, ready ka na ba sa magiging kapareha mo?” tanong ni Derek. Nakalimutan nito na hindi nga din pala nakakarinig si Pipi kaya kinailangan pa ng isa pang marunong mag sign language. Simple lang ang naisagot ni Pipi sa pamamagitan ng pagtungo na ibig sabihin ay “yes”.

Naging maiksi lang ang pagpapakilala kay Ngongo –ang magiging kapareha ni Pipi. Tulad ng ibang may kapansanan pinanganak s’yang may bingot at dahil sa kahirapan hindi na ito napaayos. Bumukas muli ang likod na bahagi ng stage at lumabas ang makisig na si Ngongo. Madami ding fans si Ngongo. Hindi tulad ni Pipi na puro palakpakan lang ang narinig sa studio mula sa kanyang mga tagasuporta. Puro sigawan naman ang narinig para kay Ngongo na laki sa Tondo.  “Ngongo!, Ngongo!”

“Kamusta ka Ngongo? Masaya ka bang si Pipi ang makakapareha mo?” tanong ng host. “o-ey aman moh, ahit meme moh sahaa hehi aman moh hat maanta “ (Okey naman po, kahit Pipi po sya sexy naman po at maganda). “Paano yun bukod pala sa hindi nakakapagsalita si Pipi, hindi rin pala s’ya nakaririnig?” muling pagtatanong ng host. “o-ey paah ren mow, mee molmen ant mamel haman moh.”  (Okay pa rin po, may bolpen at papel naman po) paliwanag ni Ngongo. “Ayos kayo Ngongo ha! May strategy na agad kayo para magkaintindihan sa game na ‘to” pagkamanghang nasabi ng host.

Muling nagsigawan ang mga fans kasabay ng pagtutok ng camera sa audience. Bahagyang lumabo ang ilaw at humina ang tunog ng mga stereo sa studio na ibig sabihin ay commercial break na.

Halos nangangalahati na ang programa ng ipakilala na ang pangatlong magkapareha. Magkasunod ding lumabas ang mga VTR nina Pilay at Sakang. Kapwa sila lalake at halos magkaedad sa  gulang 28 at 29. Bagama’t iika-ika, nakakapaglakad pa rin naman itong si Sakang buhat noong tamaan s’ya Polio at iba pang sakit sa buto noong kabataan nya. Maganda ang naging entrada nila sa stage, may mga usok effect pa. Tulak tulak ni Sakang si Pilay na nakasakay sa wheelchair habang pinapakita sa TV ang mga pamilya nila. Kapwa sila pamilyadong tao at sa kabila ng kanilang mga kapansahan sila pa rin ang mga bread winner ng kani-kanilang pamilya. Naging malaking bentahe iyon para sila ang mapili sa programa.

“Kamusta kayo? Pilay kwento mo naman sa amin kung paano ka nasagasaan ng 18 wheeler truck” usisa ng Derek. “Galing po ako sa trabaho noon, ay! sa inuman pala” pabirong biglang-bawi sa sinagot n’ya. Nagtawanan ang audience. Pati mga pipi’t bingi nakikitawa, mabuti na lang at may malaking screen na may nagsa-sign language kaya naiintindihan nila. Nagpatuloy si Pilay “Yun nga po, papatawid ako nun sa kahabaan ng Romualdez, malas lang po talaga kasi lasing din pala yung driver” Hindi alam ni Derek kung matatawa o maaawa s’ya kay Pilay noong malamang kapwa pala lasing ang salarin at biktima. “Maswerte ka pa rin Pilay dahil nabuhay ka at ngayo’y binubuhay mo pa rin ang iyong pamilya” sabi ni Derek. Hindi na pinahaba ng host ang talakayan kaya nagwika na lang s’ya ng “Goodluck” para sa dalawa.

“Kilalanin natin sa pagbabalik ang huling magkapareha dito lang sa pinaka malaking paglalakbay, -ang Amazing Race….. Philippines!” (cut).

Matapos ang commercial, pinalabas agad sa programa ang VTR ni Bingi. Ayon dito, naimpeksyon daw ang tenga n’ya dahil sa labis na paglilinis at ngayon ay nasa stage 3 na ng cancer. Naging malaking bentahe ang sitwaston n’ya kaya s’ya natanggap sa programa.., ang pangarap nyang malibot ang Pilipinas bago man s’ya bawian ng buhay.

“Ladies and gentlemen, salubungin na’tin si Bingi!” wika ng host. Tulad ng mga entrada ng mga unang kalahok sinalubong ni Derek ang binging si Bingi sa high-tech na pintuhan ng stage. “Kamusta Bingi?” bati ni Derek. Ngumiti-ngiti lang si Bingi habang unti-unting tinataas ang mikropono at nagsalita. Mangiyak ngiyak ito habang nagpapasalamat “Ang pagsali ko po dito ay isa pong katuparan sa mga pangarap ko. Masyado lang pong maiksi ang buhay para hindi po natin makita ang ganda ng kapaligiran. Kaya po kung may pagkakataon kayo, pilitin nyo pong makita ang likhang bigay sa atin ng Diyos na hinulma naman po ng ating kalikasan. Thank you po”. Inabot ni Bingi ang mic kay Derek habang nagpatuloy ang malalakas na palakpakan.

Ang huling kalahok ay si Kuba, maganda ang istorya nya, pero hindi sya maganda. Tulad sa mga palabas na Kampanerang Kuba at ng blusang itim, sa simbahan din s’ya nakatira. Doon, siya ang nagpapatunog ng kampana. Halos pareho sila ni Bingi na mapangarapin sa buhay. Kung si Bingi ay nais marating ang buong Pilipinas si Kuba naman ay nangangarap na makalembang ang lahat ng mga kampana sa bansa.

“Kuba, nakakainspire ang kwento mo, balak mo din ba mag artista?” pang-iisyu ni Derek. “Ahh e..” kinikilig na nauutal habang sumasagot si Kuba “Opo sana kung mabibigyan ng chance”. “Wow! E sino naman ang gusto mong makapareha Kuba?” muling pagtatanong ni Derek. “Ahehe.. kayo po syempre, Idol ko po kayo e”. Nanlaki ang mata ni Derek kaya tinapos na nito agad ang programa. “Nakilala na natin ang apat na magkakapareha, tunghayan natin sa susunod na linggo ang kanilang tunay paglalakbay dito lang sa Amazing Race… Philippines!”

Unang destinasyon ng programa ang lungsod ng Baguio. Gamit ang mga bus ng Victory liner na syang isa sa mga sponsor ng Amazing Race. Hindi pa man nakakasakay, isang pagsubok na agad ang kanilang naranasan na susubok sa talas ng kanilang isipan. “Ano ang kulay ng Sun Flower?”-tanong ni Derek. Sa sobrang dali ng tanong agad itong nasagot ng lahat at isa-isa nang umarangkada ang mga bus maliban sa magkaparehang si Bulag at Duling. Malas lang talaga dahil isa lang sa magkapareha ang pwede sumagot nito at si Bulag pa ang nabunot na minsan sa buhay n’ya ay hindi pa nakakakita ng bulaklak . Nabanggit naman n’ya ang lahat ng kulay, sinawing palad lang talaga dahil huli nyang nabanggit ang kulay Dilaw.

Sa itaas ng Groto ng Lourdes sa Baguio ang end point. At doon mula sa apat na pares ay magiging tatlo na lang sila. At sa taas na iyon nandoon na si Derek, nauna pa rin s’ya doon kahit huli pa s’yang umalis dahil sumakay s’ya ng chaper. Unang nakarating si Pipi at Ngongo. Hirap man pero halos kasunod na nila si Bingi at Kuba.

Dalawang pares na lang ang hinihintay, sina Pilay at Sakang at magkaparehang Bulag at Duling. Dahil hirap makaakyat si Pilay dahil naka wheelchair ito matagal sila nakapag-isip kung paano maaakyat ang Groto. Naabutan pa tuloy sila ni Bulag at Duling. Doon gumana ang adrenalin rush ni Sakang at sa pagmamadali naisipan nyang ipasan na lang si Pilay. Nagmadali din syempre sina Bulag habang akay –akay s’ya ni duling. Papalapit na sila kay Derek nang madulas sina Duling at Bulag ng magkamali sila sa huling hakbang. Kaya dumausdos sila hanggang sa pinaka baba na baitang na kung bibilangin ay halos nasa mahigit dalawang daan. Halos duguan ang dalawang kalahok habang isinusugod sa Baguio General Hospital.

“Nakakalungkot man, pero dito nagtatapos ang journey nina Bulag at Duling –tanggal na po sila” paliwanag si Derek “Ganoon pa man, ligtas na po sila at nagpapagaling na, kaya naman tuloy pa rin ang karera sa susunod na tanggalan sa isla ng Mindanao ng mga natitira nating kalahok” pagpapatuloy ng host.

Isang milagro ang naganap sa ospital. Unti-unti nang gumagaling ang mga bukol, bali at sugat nila, at sa pagkamulat ng mga mata ni Bulag bigla itong nakakita! Mangiya-ngiyak ito at hinanap niya si Duling. “Sino po sa mga pasyente si Duling?” nanginginig si Bulag habang sinasabi niya iyon nang nakita n’ya si Duling sa pagkakaturo ng Nars. “Duling! Nakakakita na ako, buksan mo na ang mga mata mo”. Pilit na pinamulat ni Bulag ang mga mata ni Duling subalit hindi n’ya ito minulat kasabay ng pag-ahos ng mga namumuong emosyon. “Tuluyan na po syang nabulag sa pagkakabagok nya sa semento Sir Bulag, ay! ano pala..” alangan ang Nars sa pagpapaliwanag habang hindi n’ya mawari kung ano nga ba ang tunay na pangalan ni Bulag ngayong nakakakita na ito.

Hindi iniwanan ni Bulag etse Tisoy (tunay na pangalan ni Bulag) si Duling hanggang gumaling ito.

Sa Mines View kapwa sila umupo habang pinagmamasdan ang mga nagdadaang mga ulap sa bundok. “Alam mo Duling, nakakatuwa pala ang mga ulap kapag nagbibigay sila ng lilim sa mga bundok no?” sabi ni Tisoy. “Oo, ilang ulit ko na rin yang nakita mas marami pa dyan dahil nadodoble sila haha” biro ni Duling. “Hindi ka ba nalulungkot ngayon? Dati kasi limitado ka na sa panginin mo ngayon tuluyan pang nawala?”. “Hindi naman, sa totoo nyan nagpapasalamat pa nga ako dahil kahit papaano nasilayan ko pa ang mundo” paliwanag ni Duling “Saka hindi naman talaga limitado, somobra nga di ba? As in sobra-sobra na yung nakita ko sa loob ng dalawang dekada kong pamumuhay sa mundo, kaya okay na akong ganito ngayon. ‘Kaw ba? ngayong nasisilayan mo na ang lahat, sakaling may magtanong sayo na isang bulag paano mo ilalarawan ang mundo?” patuloy at pagtatanong ni Duling. “Alam mo, maraming bagay ang hindi nakikita ng ordinaryong mga mata sa mga matang hindi nakakakita, iyon yung pwede kong isagot sa kanya. Mapanlinlang ang mga mata kaya madalas nasisilaw ang tao. Ang paningin dapat ay hindi lang pisikal kundi kung paano ito ikalulugdan ng isa sa limang senses mo. Kung mawalan ka man ng isa, meron ka pang apat. Ang liwanag ng araw at malamig na hangin ay kayang makita ng pandama mo, ang ganda ng ulan at tilamsik ng mga patak nito kasama ang hampas ng alon sa dagat ay kayang ilarawan ng mga pandinig mo. Ang mga makukulay paru-paro at bulaklak ay kayang masilayan ng pang-amoy mo, pati ang mga katakam-takam na putahi sa unang tingin mo, hindi mo man makita kayang ipaliwanag ng panlasa mo” mahabang paliwanag ni Tisoy. “Grabe Tisoy na speechless ako ha! pero sa tingin mo, posible kayang magkagusto ang mga normal na mata sa tulad kong may mga mata nga pero wala ng silbi dahil hindi na nakakakita?” tanong ni Bebang (Tunay na pangalan ni duling). “Sa tingin mo? Este sa palagay mo? Hahahaha! Syempre oo naman!” ang matamis na sagot ni Tisoy. Unti-unti na noong dumidilim dahil takipsilim na, natapos ang araw na iyon sa kanilang matamis na halik at sa kasabihang binitawan ni Tisoy “Totoo nga!… Love is blind”.

Sa Diosdado Macapagal International Airport (Clark) magaganap ang susunod na pagsubok ng mga natitirang kalahok matapos ang mga pagsubok sa Baguio at bago sila lumipad papuntang Davao sakay ng AirAsia (isa rin sa mga sponsor ng programa). Gaya ng unang pagsubok sa bus station, talas pa rin ng isipan ang sumunod nilang laban –Pinoy Henyo. Ang pinakamabilis na makakahula o makakasagot ang siyang unang pares na sasakay sa unang flight papuntang Davao at sa susunod na flight na ang pangalawang makakasagot. Nasagot naman agad nila Pilay at Sakang at magkaparehang Bingi at Kuba ang easy word, samantalang sina Ngongo at Pipi ay medyo nahirapan dahil kailangan pang isulat sa papel ni Ngongo ang kanyang mga sinasabi dahil hindi nga pala nakakarinig si Pipi.

Ngongo : tao ma to?

Pipi : (iling)

Ngongo : ayup?

Pipi : (iling)

Ngongo : lungar?

Pipi : (iling)

Ngongo1 : mangaen?

Pipi : (tungo) na sagad ang ngiti 😀

Ngongo : mrutas ma?

Pipi : (iling)

Ngongo : ngulay?

Pipi : (iling)

Ngongo : nyank moods?

Pipi : (iling) medyo naiinis na.

Ngongo : unam?

Pipi : (tungo)

Ngongo : may samaw ma?

Pipi : (iling)

Ngongo : mrito ma?

Pipi : (tungo)

Ngongo : mrayd nyiken?

Pipi : (iling)

Ngongo1 : isna ma to?

Pipi : (iling)

Ngongo : mork nyap?

Pipi: (iling)

Ngongo: tohino?

Pipi : (iling)

Ngongo : hotnog?

Pipi : (iling)

Ngongo : itnog?

Pipi : eeerrhh!! Errrhh!! (madaming tungo)

Sa wakas!

“Itlog” ang easy word.

Halos oras lang ang pagitan ng makababa sa Davao International Airport ang unang dalawang pares na nakasagot sa easy word ng Pinoy Henyo. At dumeretso agad sa Eden Nature Park and Resort. Ang task nila ay makatawid sa zipline. Unang nakatawid pa rin sila Bingi at Kuba kahit mabigat ang dinadala nito sa likod. Halos inabot naman ng siyam-siyam sa pag-akyat  sina Pilay at Sakang sa taas ng zipline na may halos apat na palapag na gusali.  Ginamit nila muli ang pasan strategy pero hindi to naging sapat kaya kamuntikan pa silang maabutan nila Ngongo at Pipi. Sa huli, na elimated sa Mindanao ang magkaparehang sina Ngongo at Pipi.

Kinausap ni Derek si Pipi sa naging dahilan kung bakit sila nahuli, pero walang nasabi si Pipi😀

Mula sa Luzon at Mindanao susunod na tatahakin ng dalawang natitirang pares ang Visayas sa lalawigan ng Iloilo.

Kapwa sila sakay ng pribadong eroplano mula Davao papuntang Iloilo. Gabi na ng makalapag sa Aiport ang sinakyan nila at mula doon dalawang malaking puzzle ang sumalubong sa kanila na bubuuin nila na s’ya namang pag-uunahan nilang puntahan. Isa lang sa magkapareha ang pwedeng gumalaw sa puzzle. Si Pilay sa isa at Bingi naman sa isa pa habang nanonood lang ang kanilang mga kapareha. Unang nakabuo si Pilay -isang napakagandang simbahan ang kanyang nabuo –Miag-ao (isa sa mga pinagmamalaking world heritage ng bansa). Kaya agad nakaalis sina Pilay at Sakang sakay ng Dyip na may kakaibang disenyo na kilala at matatagpuan lang halos sa lalawigan ng Iloilo.

Halos magkarerahan ang dalawang Dyip. Naunang nakababa sina Pilay at Sakang pero kahit sila ang nauna nalagpasan pa rin sila nila Kuba at Bingi pagbaba papunta sa entrada ng simbahan. Mula doon, matatagpuan nila ang susunod at huling pagsubok.

Matapos kapwa mabasa ng dalawang pares ang clue tungkol sa pagkalembang ng kampana agad na silang nag-unahan sa pag-akyat ng kampanaryo. Pero dahil si Pilay at Bingi ang unang gumawa ng pagsubok sa Airport si Kuba naman at Sakang ang sususok ngayon at dito na rin malalaman kung sino ang mananalo ng dalawang milyong piso at isang milyon naman sa pares na magra-runner up.

Match na match ang dalawang may kapansanan sa pag-akyat sa makipot na hagdanan papunta sa kampana. Si kuba bigat na bigat sa kanyang pasan samantalang si Sakang naman hirap na hirap sa pag hakbang. Pero dahil sa nanaig ang pangarap ni Kuba na magkalembang ng isang kilalang kampana ng simbahan s’ya ang unang nakakuha ng makapal na lubid at nakapagpatunog ng Kampana! Kasabay noon ang magagarbong fireworks sa likod ng simbahan na nagpamangha sa lahat ng tao na nanood ng live.

Malakas na Ting! Ting! Ang pumailang-lang sa buong nasasakupan ng simbahan kasabay noon ang malakas na…

“Ay p*T@#$% !n@!” napasigaw si Bingi. “Ay sorry nagulat lang”

Napatigil ang lahat hindi lang dahil sa pagmumura ni Bingi kundi sa katotohanang nakakarinig pala sya.

Namulta si Bingi at hindi niya malaman ang gagawin kaya gumawa siya ng eksena.

“Yes! Praise the Lord! Nakakarinig na ako! Salamat sa milagrong hatid ng simbahan ng Miag-ao!” –sigaw ni Bingi.

“Ulol! Sinong maniniwala sayo!? Sipain kita dyan e!” sabi ni pilay.

Agad ding bumaba si Kuba at Sakang.

“Ang kapal ng mukha mo Bingi! hindi ka na nahiya sa aming may mga tunay na kapansanan” –sabi ni Sakang.

Hindi nakapagsalita si Bingi, parang napipi.

“Oo nga hindi ka na nahiya, kumpleto ka naman pero nagagawa mo pa rin manlamang. Hindi mo ba alam kung bakit ginawa itong special edition ng Amazing Race? para sa mga tulad naming walang gaanong kakanayan para makita ang mundo pero nabibigyan ng chance!?-sabi ni Kuba.

“Alam mo sa inasal mo, daig mo pa ang mga taong hindi nakakakita dahil sobrang nagbubulag-bulagan ka! Ganoon din sa mga hindi nakakarinig at nakakapagsalita dahil itinatago mo ang katotohanan!” sabi naman ni Pilay.

Naguilty bigla si Bingi (-bingihan) “Nagawa ko lang naman yun kasi fan na fan talaga ako ng Amazing Race, mag-o-audition dapat talaga ako dito, kaso hindi ko lang alam kung bakit naging special edition ‘to. Patawarin n’yo ko”

Dahil doon napagpasyahan na lang ng programa na bigyan na lang ng tig-iisang milyong piso ang nanalong si Kuba at ang mga runner up na sina Pilay at Sakang.

At sa huli natupad ang pangarap ng lahat na makapaglakbay sa kabila ng kanilang kapansanan lalo na si Kuba na bukod sa paglalakbay ay natupad din ang pangarap na pag-aartista.

ooooooOoooooo

Ang Maikling Kwentong  ito ay lahok sa ika-apat na paglipad ng Saranggola Blog Awards 2012. sa temang “LAKBAY”

9 thoughts on ““AMAZING RACE””

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s