(DAY 77/366) ANG TAKOT AT TIWALA


ANONG MAS MATIMBANG SAYO DITO?

Takot: “Tandaan mo ang nangyari kahapon!”

Tiwala: “Yung nangyari kahapon ay hindi na mauulit ngayon”

Mahigit isang linggo na akong nagka-kaganito. Mga bagay na hindi dapat pinapaulit-ulit isipin pero patuloy at nagkukusa silang nagsusumiksik sa isipan ko. Tila isang nakangingilong tunog mula sa isang pagkamot sa dingding gamit ang sarili kong mga kuko. Doon, makabubuo ako ng isang imaheng tanging ako lang ang nakakaramdaman at ako din ang may kakayahang magsalarawan dito.

Simple pero malalim kung bakit ko naiisip ang mga bagay na kayo na rin ang makapagsasabi na hindi ko dapat iniisip dahil nasa mabuti at masaya naman akong ugnayan.

TAKOT

Lahat tayo dumaan sa nakaraan. At ang nakaraan na iyon ay ang maaring nagdudulot sa atin ng masaya subalit hindi magandang pagtatapos. Doon marami tayong natutunan, at dahil natuto na tayo pilit natin itong iniiwasan… -ang mangyaring muli.

Dito pumapasok ang takot. At ang takot naman na iyon, ay s’yang nagkakahon sa atin upang hindi tayo makagalaw.

Sa isang kibot, dadalawin tayo ng isang masamang panaginip na tila doon na naman mapupunta at magtatapos.

Sinong tao ba ang hindi takot mawalan? kung meron man, sinong tao din ba ang may kakayahang tumanggap ng mabilisan? Maswerte kayo kung ganoon kayong nilalang. Napakaswerte din ninyo kung alam nyo ang kahulugan nito at nalalaman nyo din na ang lahat ay mawawala at matatapos din kalaunan.

Hindi katulad ko, duwag akong tanggapin ang mga bagay na may hangganan dahil naniniwala ako sa panghabang-buhay.

Tulad mo din ba ako na naniniwala sa hiwaga ng panghabang-buhay sa piling ng isang nilalang? Na sa kabila ng mga unos at pasakit na magdadaan ay mananatiling matatag? Katulad mo din ba akong nangangarap na sa kabila ng kahinaan at mga kapintasan ay makakatagpo ng nilalang na kaya kang tanggapin at hindi ka magagawang iwanan?

Kung nakatagpo na kayo ang kailangan na lang ay…

TIWALA

Inaamin kong nakasakit ako. Naging madamot. At naging makitid ang pag-iisip. Hindi ko nagawang makiramdam sa taong may kinalaman dito kung ano man ang mararamdaman nya.

Nagawa ko s’yang maging isang literal na bagay na tila hindi nakakaramdam ng anumang emosyon tulad ng kalungkutan na ibinabato at pinaparamdam ko sa kanya.

Hindi naman sa kawalan ng tiwala, pero ganoon na pala ang napaparamdaman ko sa kanya. Hindi ko napapansin na tila umiikot lang ako sa nararamdaman ko at hindi sa nararamdaman ko sa kanya, ganoon din sa nararamdaman nya para sa akin. Naging madamot at makasarili ako.

TAPANG

Ngayong natuto na ako at nakauunawa na, hindi pa huli ang lahat. Hindi pala masamang matakot kung gagamitin mo ito sa tamang paraan.

Minsan ang takot ay pwede mo rin palang maging tapang. Kung natatakot ka na balang araw ay mawalan at maiwanan ka, gawin mong lakas ng loob ang TAKOT upang hindi ka makagawa ng ikasasama ng loob nya. Kasabay ng matatag na tiwala sa kung ano man ang namumutawi o magmumula sa mga labi nya.

Iwasan nating maging malungkot habang kasama natin ang mga mahal natin sa buhay dahil isa iyong malaking insulto para sa kanila.

Huwag tayong mamuhay para maging masaya, maging masaya tayo habang nabubuhay!

“Ang totoo, mas malaki na ang tiwala ko sayo kaysa sa tiwala ko sa sarili ko”

4 thoughts on “(DAY 77/366) ANG TAKOT AT TIWALA”

  1. Goodluck na lang lagi sa iyo.. ayaw ko maging mapangahas, sa usapin ng “TIWALA” at “TAKOT” at “TAPANG” baka may lumuha kung maglalahad pa ako ng kurokuro dito. Mali kasi ang konsepto ng karamihan sa tatlong salita na ito…

    “Iwasan nating maging malungkot habang kasama natin ang mga mahal natin sa buhay dahil isa iyong malaking insulto para sa kanila.”

    — ang pagpapahayag ng damdamin, oo totoong malaki ang gagampanan nito sa kahihinatnan nang isang sitwasyon, ngunit, subalit, datapwat, hindi ba ang pagtaTAPAT ng isang emosyon, kung talagang mahal mo sa buhay ang pagsasabihan, hindi ba dapat niya itong maintidihan. Kung hindi ka gulity, hindi ka maiinsulto…

    pananaw ko yan….

  2. tunay na hindi talaga maiwasan ang takot .. madalas din mangyari sa akin ang mapanaginipan ang mga bagay na kinatatakutan ko .. pero.. mas mainam talaga na maging matapang ang wag magsawang maglaan ng sapat na tiwala.. pero aaminin ko rin sigurong kulang pa ko sa tapang ..

    🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s