All posts by otep

SA BABASA : Ang BLOG na ito ay hindi perpekto, marami ring pagkakamali: sa baybay ng mga salita, sa daloy na istorya/katha [HINDI PO AKO DALUBWIKA]. Kaya walang sinumang may karapatang dungisan ang sarili kong buhay sa mundo ng pagba-blog. Subalit ang lahat ay malayang makakapagkumento at makapagbibigay ng kanilang saloobin. Ang KOMENTO ay KOMENTO... gaano man kasakit, gaano man kaganda sa tipong nakakataba ng puso. | PAUNAWA: Hindi ko po matutugunan lahat ng puna n'yo, pero makasisiguro kayong lahat po ng iyon ay nababasa ko at sobra ko pong kinatutuwa. Salamat po! :D | Sa lahat ng mga nangangarap, LIBRE lang po!!

ANG MUNDO SA KALAWAKAN (Tulang Mema)


Ni Otep Zablan

Hindi napipigil ang alon sa katubigan
Gan’on man, may angkla na handa kang tulungan.
Nagpapatangay ka sa alon,
Pero bakit mo pinipigilan?

Maliwanag ang buwan,
bitui’y nagliliwanag.
May susunod na kinagabihan pa naman,
Bakit ginugusto mong sana wala na lang?

Ang init ng araw ay nakakapaso,
Liwanag na nagbubunsod ng labis na uhaw,
mga likidong nakakahapo.
Ngunit gano’n ba talaga?
Matapos ang mga kinahuhumalingan mong pagkapaso,
ang iniiwasan mong taglamig naman ang dadapo.

Kinabukasan ay walang kasiguraduhan,
Maaaring walang masilayan bunsod ng bumabalot na kaputian.
Dapat lang siguro nating tandaan,
Na habang may isang taong naglalaro sa kaulapan,
Maaaring may isang tao ding patuloy nababasa sa lilim ng ulan.

Nakatitig sa magandang nasisilayan.., nagpapatila.
Pinanghihinayangan bawat kisap-matang di mapipigilan.
Anong magagawa ng isang tulad kong hangang tinggin lang;
Kung ang mga mata mo’y nasa ibang parte ng kagandahan.

Siguro nga’y ang puso ng mundo sa sitwasyon ko ay nasa kalagitnaan.
Nararamdaman ko ang init nito… sa patuloy na pag ikot nito sa araw.
Ano kaya ang unang mararating ko — ang gitna ng mundo o ang dulo ng kalawakan?

featured image not mine credit to the owner. :)

ANG RESULTA: “FAKE” SEIZURES


Sa pagkakataon na ito malabo na akong makabalik sa school ngayong pasukan o makabalik sa trabaho, dahil hindi pa rin ako mabibigyan ng medical certificate/clearance. Lumalabas kasi na wala pa ring improvement sa kalusugan ko at wala pa ring proof sa health condition ko… ang resulta – “fake seizures”

Nakakalungkot mang isipin, tutunganga na naman ako sa mahabang panahon. Tinatamad na rin akong bumalik sa neurologist/psychologist ko. Nawawalan na rin kasi ako ng objective o target sa buhay. Lalo na’t nalaman ko na hindi pala sakop  ng health card ko ang pagpapacheck-up ko. Napaka-lungkot na pinagkakagastusan pala talaga ako. Napaka-swerte ko pala talaga sa magulang ko.  Pero dahil sa sobrang pagmamahal sa akin, nagiging over protective ito, ganito ang nagiging resulta.

Habang naghihintay tawagin ni Doc sa De La Salle University Medical Center, Dasmarinas City.

Sa ngayon, lalaklak na naman ako ng napakaraming gamot at muling babalik sa pangatong pagkakataon.

Siguro nga hindi ko pa ito taon. I-eenjoy ko na lang ang mga araw na wala akong magawa o ginagawa at isiping nagbabakasyon. Bubuo na lang siguro ako ng mga kwentong katatawanan, maikling kwento, sanaysay at mag ba-blog tutal ‘yun naman ang kinahihiligan ko.

Nakakalungkot man, pero miss na miss ko na yung mga kaibigan, kamag-aral at mga co-bloggers ko. Hanggang pangarap na lang muna siguro ako na muli kayong makakadaop-palad.

Miss you guys!!! 😦

 

 

PULAG: KAPAGURANG GUGUSTUHIN MO


After 4 years… balik tayo please. Hindi ko pa natapos yung kwento haha

Libre Lang Mangarap!

5Napapagod ka na ba? Yung pakiramdam na pwede mo namang iwaksi at iwasan ang isang bagay pero hindi pwede dahil kailangan? E, yung ‘pagod’ na kahit alam mong hirap na hirap ka na pero disidido ka pa ring tapusin ‘to dahil alam mong dito ka masaya?

Sigurado akong minsan mo ring naramdaman ‘to. Yung pagkakataong… pwede ba sa isang araw man lang ay makatakas tayo sa pagod at sa positibong pagkakataon naman ito maranasan?

Halos mag-iisang taon na rin noong maganap ang kakaibang karanasan kong ito. Pakiramdam ko ito na yung tinatawag na “nagpabuhay sa katawang-lupa ko”. Sa loob ng dalawang araw at tatlong gabi, nalayo ako sa problema ng syudad. Wala akong ibang naiisip kundi ang mga bagay kung paano ko malalagpasan at mapagtatagumpayan ang pakay kong maakyat ang pinaka mataas na bundok sa Luzon sa taas na 2,922 meters (above sea level), at pangatlo sa buong Pilipinas matapos ang bundok Dulang-dulang at Apo sa Mindanao.

‘Araw’…

View original post 996 more words

MABUHAY ANG AMBISYOSO!


Halos isang buwan na lang, magtatapos na sa kursong Edukasyon na kinuha ko noon ang mga kapwa ko kamag-aral sa TUP. Sayang! Hindi ako mapapabilang dito. Masyado ko kasing ginalingan! Kaya ayun, isang gabi bigla na lang akong bumulagta! At halos kulang-kulang dalawang taon din na ang nakakalipas, bago ako nagkamalay at maintindihan kung ano ba talaga ang nangyayari sa paligid ko.

SEIZURE / AMNESIA
Tandang-tanda ko pa ang unang pagkamulat ko noon. Pamilyar ang mga nasa paligid ko, pero hindi ko mabanggit kung ano o sino nga ba ang mga ito. Ganoon din sa mga taong umaalalay sa’kin; kilala ko sila sa paningin, pero hindi ko alam ang kanilang mga ‘ngalin. Walang magawa ang emosyon ko kun’di magkusang lumuha. Litung-lito kung bakit nangyayari itong masamang biro ng tandaha.

Madaming buwan din ang lumipas ang nilagpasan ko para labanan ang sakit sa isipan. Kung tutuusin nga, parang mas gugustuhin ko pang literal na masugatan kaysa tirahin ang pag-iisip mo o ang pagiging emosyonal. Sobrang hirap pong labanan! Nagkukusa ang mga luha ko, pilitin ko mang huwang pakawalan.

THANK YOU!
Pasalamat ako sa pamilya ko lalung-lalo na sa Mama ko na kinailangan pang umalis sa pinatatrabahuhan n’ya para maalalayan ako. Ganoon din sa mga kapatid at pamangkin ko na nagpapalit ng mga nababasa kong damit at nadudumihang salawal ko. Ang lakas maka-baldado ng sakit ko! Nakakahiya!

Kulang-kulang dalawang taon din akong tulog o walang malay, kaya noong namulat ako ang dami ko nang pamangkin. Nabago na ang bahay namin at putol na ang mga punong inaakyat ko lang noong kabataan ko pa.

Nabago ang bahay namin, ang kwarto ko ay kinailangang buwagin para maging bagong tirahan ng isang bagong pamilya. At ang sala namin ay s’ya namang naging tulugan na rin namin. 2-in-1 ika nga.

Hindi naman sa sumikip ang mundo ko, sadyang naging limitado lang ang bawat galaw o kilos ko. Bawal akong umalis mag-isa! Nauunawaan ko naman ang pag-aalala nila pero sadyang hindi ko maiwasang mainis. Naitatanong ko tuloy sa sarili; kung hindi ako ngayon magkikilos mag-isa… kailan pa!?

Sobrang lungkot kung tutuusin. Ilang taon na rin kasing hindi ko nakikita ang mga pinaka-malalapit at pinagkakatiwalaan kong tao. Sigurado akong ibang-iba na sila ngayon. Tulad noong pagkakataong nakita ko sa unang pagkakataon ang mga pamangkin ko na naglalakihan na. Sadyang mabilis na tumakbo ang oras para sa akin. Pakiramdam ko tuloy ang bata-bata ko pa.

Ngayong nalalagpasan ko na ang mga pagsubok ng pagkatao ko. Katulad ng panginginig ng mga braso ko, pagiging malungkutin at iba pang aspeto; naniniwala akong kaunting panahon na lang makakabalik na’ko sa mga naumpisahan ko.

TULOY ANG PANGANGARAP!
Ngayong darating na pasukan, susubukan kong balikan ang naudlot na kursong Technical Education na naiwan ko. Maraming buwan pa ang hihintayin, pero sa panahon ngayon, naniniwala akong sandali na lang ang apat buwan at sigurado akong magaling na magaling na ako nun! 😀

Naniniwala akong may dahilan pa kung bakit binuhay pa ko ng Diyos kahit umay-na-umay na ko sa buhay ko ngayon. hahaha 😀

Biniyayaan tayo ng bagong buhay, edi bigyan natin ng bagong kulay! Malungkot man ang kalagayan ko ngayon, naniniwala akong gagantihan din ako ng kaligayahan pagnagkataon. Labanan na ito ng mga kabiguan sa mga plano at pangarap na muling sisimulan.

Makuha ka sa tingi!


Noon pa man kultura na ng maraming Pilipino ang tumangkilik sa patingi-tinging bagay na mabibili sa mga pamilihan. Hindi na mabigat sa bulsa, natutugunan pa nito ang iba pang mga pangangailangan. Ang bawat tingi ay nagmumula sa bultuhan, at sa bawat bultuhang iyon maraming pwedeng mangailangan; maraming pwedeng makinabang.

Sa edad kong malapit nang itakwil ng kalendaryo, nasa sitwasyon na ako kung saan minumulto na ako ng hinaharap. Nakakatakot. Hindi ko mawari kung saan ba ako tutungo o kung saan ba ako mananatili. Hanggang naisipan kong magsimula muli sa butil. Mahirap damputin pero pinipilit kong pagsama-samahin. Ewan ko ba, nakatapos na naman ako pero bakit kumukuha pa ako ng bagong kurso, hindi ko alam kung “calling” ba itong maituturing o dahil sadyang hindi ko lang talaga alam ang pakinabang ko sa mundo.

Kulang ang 24 oras sa tulad kong pinagsasabay ang pag-aaral at paghahanap-buhay. Maswerte na nga ako kung pagkakalooban ako ng tatlo hanggang apat na oras na tulog. Nakakainggit nga minsan yung ilan na napakaraming oras para mamuna, manlait, mang-away at kung anu-ano pa. Kung maaari nga lang sanang manghingi ng mga oras nila para idugtong sa oras nang pagtulog ko, nilimos ko na.

Minsan naitatanong ko na rin sa sarili kung ano bang napapala nila sa paulit-ulit na diskusyon. Lalo na sa mga pagkakataong… ang isang mapanlinlang na balita ay tatapatan din ng isa pang huwad na balita. Nakakasawa.

Naalala ko pa ang napakagandang balitang napirmahan na ng Pangulong Duterte ang pagsasabatas ng pagkakaroon ng libreng edukasyon sa kolehiyo. Akala ko makakapagpahinga na ang mga litid sa lalamunan ng mga aktibista pero nakakatawang refund naman ngayon ang isinisigaw nila.

Totoo nga siguro ang sabi nila, na ang isang tao kapag galit sa kapwa nito, gumawa ka man ng tama, mali ka pa rin sa paningin nito. Kaya ako, kaysa pag-ukulan ng panahon ang mga usaping wala namang nananalo, mabuting pag-ukulan na lang na pansin ang sariling pag-unlad. At isipin kung paano ka ba makakaambag sa bansang nahahati sa maraming kulay.

Bilang mag-aaral sa larangan ng edukasyon, tungkulin kong pahalagahan ang katawagang iskolar ng bayan. At sakaling mapagtagumpayan ko ang larangang tinatahak ko, tungkulin ko namang gampanan ang profesyon na panunumpaan ko.

Kung tutuusin, kawalang-edukasyon ang ugat ng lahat ng ito. Kaya naniniwala akong ang edukasyon din ang sulusyon sa suliraning droga, krimen, kahirapan at sa marami pang aspeto.

Butil ang isa sa pinaka maliit na bahagi na mahirap hagilapin kapag nawala na, pero sa butil din nagsisimula ang lahat. Kaya sakaling matagpuan mo iyon sa sarili mo, ganoon na rin sa iba, sikapin mo itong hulmahin sa tama at sa paraang alam mo.

Nakakalungkot isipin, napakahirap ng ibalik sa dati ang isang bagay na alam mong bulok na. Mahirap tanggapin pero iyon ang katotohanang nasa huling bahagi na sila. Ang tanging pwede mong gawin ay agapan ang mga binhing malaki ang potensyal na namulaklak malayo sa mapesteng lipunan.

Bahagi tayo ng kabuuan, at ang bawat kabuuan natin ay may mga bahaging handa namang magbahagi para sa ikabubuo ng iba.

Hindi lahat ng hati ay patungkol lang sa kawalan ng pag-kakaisa, tungkol din ito sa pagtutulungan o kung paano ka makakaambag sa bayan na alam mong puno pa naman talaga ng pag-asa.

***

Ang sanaysay na ito ay lahok sa para patimpalak sa Saranggola Blog Awards 9 na may temang “sachet”

Note: Ang larawan sa itaas ay hindi ko pagmamay-ari, kuha ito mula sa internet,