Category Archives: LITERATURE

PARA KAY B


Mag-iisang buwan na rin pala mula noong huli akong magsulat dito. At sa loob ng halos isang buwan na iyon nang hindi pagtipa ng mga letra sa keyboard ko, marami akong natuklasan. Nasasanay na akong… tanggapin na ang isang tao kapag nawala… kahit anong gawin mong pagtambling ay hindi ka na babalikan nito, pero nandoon pa rin ang pag-asa. Nasasanay na rin akong isipin s’ya palagi kahit ayaw ko. Palagi ko siyang naalala at nakikita saan ko man ilagi ang paningin ko kahit wala naman s’ya doon sa paligid. Naiinis ako sa nararamdaman ko pero natutuhan ko na rin itong tanggapin para hindi ako lalong mainis.

Tulad noong isang araw:

Napadpad na naman ako sa lugar kung saan ay minsan ko siyang hinintay. Sa pagitan ng mga librong nagsisigawan, nagtatakutan at mga nagpapalit-palit ng talsik ng laway. Nagulat na lang ako sa minsang pagbuklat ko ng isang libro at di inaasahang nakita ko ang sarili kong akda na dawalang taon na ang nakalilipas mula ng ipinasa ko ito sa isang publication.

Masaya ko itong binalita sa kanya. At agad-agad kong pinapapunta kung saan ako nakatayo sa tabi ng mga nagtataasang patungan ng mga binibentang libro.

Nang dumating s’ya at muling nakita, muli ko na namang narinig ang kantang Close to you ng Carpenter na madalas n’yang kinakanta at minsang itinuro sa akin habang naghihintay ng masasakyang Dyip. Kaso wala naman talagang musika nag-aambisyon lang ako noong oras na iyon na tila sa isang pelikula.

Noong mga oras na iyon wala akong sapat na pera para bilhin ang librong iyon, kaya kahit wala din s’yang gaanong pera ay pinautang n’ya muna ako pero hindi ko na iyon binayaran sa kanya. -P85.

NANG MAKADAMA na ako ng lungkot sa kinatatayuan ko, naglakad na lang ako at pumunta sa isang hilera ng mga libro ni Bob Ong napakarami na n’yang akda. Napakarami na ring nakapagbasa ng libro n’ya kabilang ako.

Pagkatapos noon, tiningnan ko naman ang libro ng paborito kong manunulat na si Manny Garcia -Kapeng Arabo. Hindi ko alam pero pagpumupunta ako sa National Bookstore hindi ko makakalimutang tignan kung ilan na lang ang libro ni MG sa patungan nito. Mayroon doong tatlo pang natitira.

At pagkatapos, hinanap ko na ang libro ni Ricky Lee -Trip to Quiapo na nabasa ko lang sa isang blog post. kaso wala akong nakita doon bukod sa isa pa n’yang akda na may titulong “Para kay B”. Isang librong may isang taong tila tumalon, habang nagkalat ang maraming papel sa loob ng letrang B -ang pabalat.

Sabi ko. Kapag wala akong makitang “Trip to Quiapo” ito ang bibilhin ko. Pero nagbakasali din akong meron pang natatago kaya nagtanong ako sa Customer Service. Sumagot naman ang babaeng may katabaan sa counter at tinuro sa pamagitan ng direksyon. “Punta ka doon sa circle tapos kaliwa..” (may kumpas ng mga kamay) “ay mali kanan pala, doon ‘yun nakalagay”. Sabi n’ya. Sabay balik sa pakikipag tsismisan sa mga kasama n’ya. Humabol pa ito at ganito ang sabi n’ya. “Kaya nung nabuntis ako hindi ako nalungkot dahil napatunayan kong hindi ako baog” (medyo nagtawan sila kahit korni). Gusto kong magwika ng wateber na noong matapos kong mabasa ang libro paborito palang gamitin iyon ni Bessie.

Bumalik ako sa CS at sinabi kong wala talaga akong nakita. Tumayo s’ya at nag tak.. tak.. tak.. sa keboard ng computer n’ya. Kaya wala pala kayong nakita kasi ubos na pala kuya.

Nagmumura ako sa isip ko. “Puta ka!” “Efal ka!” “Puwede mo palang tingnan muna d’yan sa computer mo kung may stock pa ba o wala na bago mo ako pabalikin sa pinagtignan ko kanina”. Pero hindi ko yun ginawa. hahaha.

“Okey” na lang ang nasagot ko sabay pila sa counter para bilhin ang alternatibong ipapalit ko sa Trip to Quiapo.

Umuwi ako sa bagay at nagsimulang magbasa. Medyo tinamad lang ako dahil puro babae ang bida.  Pero sa bawat pahina ay nagpatuloy ako sa pagbabasa hanggang abutin ako ng alas-singko ng umaga. Natapos ko s’yang basahin at doon ko nalaman ang sagot sa tanong na kung kabilang ba ako sa quota ng pag-ibig. At sa tanong na Kung Paano Dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin.

Maraming beses ako napangisi sa mga nabasa ko. Maraming beses din akong nagugulat sa nababasa ko. Maraming beses din akong nalibang sa istilo sa paglimbag na may akda dito, habang may mga naglalampungang pusa sa bubungan namin kaya dudungaw ako sa bintana at sasawayin ko sa pamamagitan ng “Shyuu!” “Shyuu!” na ibig sabihin ‘nun ay “doon kayo mag sex sa ibang bubungan wag dito”. At babalik muli sa pagkakahiga na walang pang-itaas at magkukumot.

Pagkatapos kong basahin ‘yon. Matagal muna bago ko pinikit ang naluluha kong mata sa antok at nanlalabong paningin dahil as 100watts na ilaw na ginamit ko sa kuwarto.

Sobrang lalim ng iniisip ko, at inisa-isa ang bawat karakter at pilit na idinidikit ang sarili ko kahit wala akong puwang dahil puro babae nga sila. Naalala ko si Lucas isa din sa mga karakter hindi ko masabi ko kung paano o bakit pero tulad n’ya gusto ko ding maging writer. At pag nangyari ‘yun susulat ako ng isang nobela. Nobela ng Pag-ibig na itutukoy ko sa sariling kuwento.

Papabasa ko ito sa kanya kahit pabayaan o itapon pa n’ya ang manuscript ko. Gusto kong malaman n’ya na kahit anung gawin kong paglimot sa kanya ay hindi ko magawa.

At sa pamamagitan ng manuscript na iyon masasagot ko na rin ang tanong ko dahil sa daan-daang pahinang iyon, masasaad ko isa-isa lahat kung bakit ko nararamdaman ito at kung bakit hindi ako dalawin ng kalimot.

Hindi ko lang alam kung paano ko tatapusin ang nobela ko, sa love story with sad love ending ba? o sa love story with very very sad ending ba?

P.S.

Maraming salamat pala sa mga bumati noong birthday ko. lalung-lalo na kina Jerome at Leonard na hindi ako pinabayaang malugmok sa importanteng araw ko.

Hindi man lubos ang kasiyahan ko, sobra-sobra kong naramdaman na may kaibigan ako.

Hindi ko man nakuha ang pinakamagandang regalo mula sa simpleng pagbati mula sa kanya, kontento na ako sa pinagkaloob sa akin noong buong araw na iyon.

UHAW SA PANAGINIP


Ilang beses na rin akong nagising mula sa isang malalim na pagkakatulog. Hindi ko man mawari o maipaliwag kung ano ang mga pakuhulugan nito sa kasalukuyan, na kung mamalasin pa nga’y ni-isang detalyeng kaganapan ay wala akong matandaan. Basta’t ang natatangi ko lang nalalalaman at nararamdaman  habang pilit-humahalukay sa isipan ay isa iyong magandang karanasan.

Nakangiti.

Yakap ang unan.

Bakas ang panis na laway.

Bakat ang haliparatot na bagay.

Hindi na naman lingid sa kaalaman ng karamihan ang katamaran. Kaya muling ipipikit. At kahit hindi man pilitin ay kusang magpapaubaya ang mga matang malumanay. Pilit na hahabulin kung saan natapos ang huling eksena.

Magpapatuloy.

Tutunog ang orasan.

Hahanapin kung saan nakalagay.

Papatayin at sasabihing “limang Minuto pa”.

Muling magpapaubaya ang mga mata. Subalit sa muling pagkakahimbing ay nasa iba ka na palang planeta. Magpapaindayog kahit hindi naman alam kung ano ang nakikita. Bubuo ng bagong kuwento kahit wala ka naman talagang kontrolado dito. Tila nabubuhay sa diwa na patay naman ang kaluluwa.

Napakasaya.

Nangyayari talaga siya.

Alam kong isa itong hiwaga.

Pero bakit pilit-pikit akong nagpapaubaya?

At sa huling kabanata ng mga pinagtagpi-tagpi kong kwento ni isa wala akong naalala, maliban sa isang taong pilit kong ginagawang karakter sa loob ng isipan ko.

Gising.

Pilit bumabagon at kumikilos.

Magugutom kakain at saka maghihilamos.

Mapapaisip… Katuparan nga’y naaabot, subalit natatapos.

Papasok sa opisina. Sa Sakayan, sa daan at kahit saan ay laging mararamdaman -kalungkutan. Mabuti pa sa panaginip hindi man natatandaan pero may kasiyahan.., -may katuparan. Bakit sa kasalukuyang buhay, totoo naman ang nasa puso’t isipan pero madalas kabaliktaran pa rin ng kasiyahan ang nararamdaman?

►►►

Maraming Salamat sa mga  bago kong Subscribers/Followers:

maphnie
http://hiseyesthroughmyheart.wordpress.com
Million Feelings
http://singkitnamakulit.wordpress.com
Bahay Kubo Kahit Munti !
http://BahayKuboKahitMunti.wordpress.com
ambixioza
http://ambixioza.wordpress.com

Kung nais mong mag subscribe sa mga naisusulat ko, punta lang sa upper rightside ng blog na ito. Ilagay ang email o i-click ang  “SUNDAN SI OTEP”Maaari ding i-like ang facebook page ko sa www.facebook.com/librelangmangarap

ANG MUNDO SA KALAWAKAN (Tulang Mema)


Ni Otep Zablan

Hindi napipigil ang alon sa katubigan
Gan’on man, may angkla na handa kang tulungan.
Nagpapatangay ka sa alon,
Pero bakit mo pinipigilan?

Maliwanag ang buwan,
bitui’y nagliliwanag.
May susunod na kinagabihan pa naman,
Bakit ginugusto mong sana wala na lang?

Ang init ng araw ay nakakapaso,
Liwanag na nagbubunsod ng labis na uhaw,
mga likidong nakakahapo.
Ngunit gano’n ba talaga?
Matapos ang mga kinahuhumalingan mong pagkapaso,
ang iniiwasan mong taglamig naman ang dadapo.

Kinabukasan ay walang kasiguraduhan,
Maaaring walang masilayan bunsod ng bumabalot na kaputian.
Dapat lang siguro nating tandaan,
Na habang may isang taong naglalaro sa kaulapan,
Maaaring may isang tao ding patuloy nababasa sa lilim ng ulan.

Nakatitig sa magandang nasisilayan.., nagpapatila.
Pinanghihinayangan bawat kisap-matang di mapipigilan.
Anong magagawa ng isang tulad kong hangang tinggin lang;
Kung ang mga mata mo’y nasa ibang parte ng kagandahan.

Siguro nga’y ang puso ng mundo sa sitwasyon ko ay nasa kalagitnaan.
Nararamdaman ko ang init nito… sa patuloy na pag ikot nito sa araw.
Ano kaya ang unang mararating ko — ang gitna ng mundo o ang dulo ng kalawakan?

featured image not mine credit to the owner. :)

BANTAY-SALAKAY


I
Inabot mo ang iyong kamay,
Nanghingi ka ng tulong,
Pero kami pa ang iyong binigyan.

Nangako kang kami’y paglilingkuran.
Kaya ika’y pinagbuksan,
Pintuan at bintanang tatanawan.

Pinakain ka nami’t binihisan
Binigyan ng maayos na pwesto
At kumportableng matutulugan

Kapalit ng iyong panananggol,
laban sa mga manloloob
Dito sa simpleng naming kubol.

Pinagkalooban ka namin ng kapangyarihan
Ang gumawa ng desisyon
Sa ami’y magbibigay proteksyon.

II
Karapatang taglay nito’y pilit mong ipinaglalaban
Pananagutang panlipunan,
Sa Diyos at mga buhay na nasayang -kasinungalingan!

Pinaniwala mo kaming hindi ka makabasag-pinggan
Pero mga ari-arian nami’y,
Hindi mo binantayan!

Hunggang ka sa katotohanan!
Ngayon kami’y nakukulong
Sa krimen dala ng pagtitiwala lang!

Balatkayo!
Tanging mithi lang namin ay kapayapaan
Ganti at sukli naman ninyo’y Kahirapan!

__________________________________________

ANG PAMANA


Sa aking pinakamamahal na Ina,

Katulad ng mga liham panimula, nais muna kitang batiin ng “kumusta ka?” Alam kong kahit hindi mo sagutin, alam kong nasa mabuti ka dahil magkasama lang naman tayo di ba!? Kahit alam kong patuloy ka pa ring nakukunsume sa akin. Sabi mo nga, mas mainan na magkasama tayong dalawa dito sa Maynila kaysa makasama ang iba ko pang mga kapatid sa Cavite na lahat ay nagsipag-asawa na. Aminin mo, mas nakukunsume ka sa kanila. Haha.

Oo, na! Sa limang anak n’yo, ako na lang ang walang pang asawa. At kung tatanungin mo kung kailan ako mag-aasawa, tanging pagkakataon na lang ang magkapagsasabi –ang bata ko pa kaya! Sadyang haliparot lang talaga ang bunso n’yo, kaya nauna pa syang nakapag-asawa sa akin. Biro lang.

Alam ko ang hirap na pinagdadaan nila ‘Ma. Alam ko ang hirap ng buhay-may-asawa at pamilya. Saka na ako mag-aasawa kapag hindi ko na nagagawang mangutang sa inyo. Haha

Pero ang totoo ‘Ma, kung lalagay man na ako sa tahimik, mas gusto ko munang magkaroon ng ipon. Ganoon din ang pagkakaroon ng bahay at lupa para hindi na madagdagan ng bagong palapag at pinto ang bahay nating nagmumukha ng tenement. Peace!

Ganoon pa man, hinding-hindi ko ipagpapalit ang bahay na’tin na iyon!

Mahigit dalawampung taon na akong nabubuhay sa mundo. At sa maraming taong iyan, naging saksi ako sa maraming kasiyahan at kabiguan natin biglang isang ordinaryong pamilya sa bahay na ito. Nand’yan ang mga biglaang pagbubuntis at pambubuntis ng mga kapatid ko, ang pagkawala ni Papa, ang pagsusuntukan naming magkakapatid, ang pagsalo-salo sa iisang lata ng sardinas (natapon ko pa! haha) ang pagtatapos namin sa pag-aaral ng mga kapatid ko (kahit ako lang ang nakatuntong sa kolehiyo) at marami pang iba. Naging piping-saksi ang apat na sulok ng bahay natin ‘Ma, isama pa ang lupa nating sahig at yerong laging nililipad ng bagyo. Kung makakapagsalita nga lang siguro sila, mas marami pa tayong maririnig na mga kuwento.

Tandang-tanda ko pa ang mga kuwento n’yo tungkol sa mga unang araw n’yo dito, noong hindi pa ako ipinapangak, noong luklukan pa ng nagtataasang talahib dito, noong wala pang kuryente at naglalayuan pa ang mga pagitan ng bahay dito. Salamat na nga lang at nagkaroon tayo ng poso kaya naging sikat tayo sa tuwing mawawalan ng tubig ang buong baryo. Bukod doon, ang kwento kung paano nyo ako iniluwan sa tulong ng madronang kapit-bahay natin.

Pero sa lahat ng kwento n’yo tungkol sa bahay natin, ang kwento kung paano n’yo ipinaglaban na makaalis sa puder ng pamilya ni Papa at mapadpad nga dito. Nahahabag ako sa tuwing maririnig kong halos magmukha kayong kaawa-awa kasama ang mga nakakatanda kong kapatid habang nakikisama sa iisang bubong. Kaya sabi n’yo nga, mas mainam na tumira sa ganito kaysa makisama sa pamilyang hindi naman kayo tinatrato bilang tunay na bahagi ng pamilya.

Salamat sa mga kapatid mo ‘Ma, at natulungan tayong magkalupa. Ganoon naman di ba? Sino pa ba ang magtutulungan kundi kayu-kayong magkakapatid lang din naman.

Kaso lang may problema. At ito nga ang dahilan kung bakit ako lumiliham sa inyo. Gusto ko lang humingi ng sorry dahil wala akong maitulong para tuluyan ng mailipat sa atin ang pangalan ng titulo. Sorry ‘Ma, nahihiya talaga ako dahil sa kabila ng pagpapaaral n’yo sa akin at nag-iisang nakatapos, ang siyang hindi man lang makapag bahagi para mapasakamay na natin ang titulo.

Alam ko po ang kahalagahan ng pagkakaroon nito. At bilang magulang sa katauhan n’yo, nararamdaman ang kagustuhan n’yong may maiwan man lang bago dumating ang araw na ayaw ko munang isipin.

Minsan naiinis na rin ako sa sarili ko sa tuwing binabanggit n’yong, sana bago man lang kayo mawala ay maayos na ito.

Hayaan nyo ‘Ma, patuloy pa rin akong magsisikap at mangangarap para malipat na sa pangalan n’yo ang titulo.
Hanggang dito na lang muna,

Nagmamahal na inyong Anak,

Otep.

______________________________________________________