Category Archives: PERSONAL

ANG RESULTA: “FAKE” SEIZURES


Sa pagkakataon na ito malabo na akong makabalik sa school ngayong pasukan o makabalik sa trabaho, dahil hindi pa rin ako mabibigyan ng medical certificate/clearance. Lumalabas kasi na wala pa ring improvement sa kalusugan ko at wala pa ring proof sa health condition ko… ang resulta – “fake seizures”

Nakakalungkot mang isipin, tutunganga na naman ako sa mahabang panahon. Tinatamad na rin akong bumalik sa neurologist/psychologist ko. Nawawalan na rin kasi ako ng objective o target sa buhay. Lalo na’t nalaman ko na hindi pala sakop  ng health card ko ang pagpapacheck-up ko. Napaka-lungkot na pinagkakagastusan pala talaga ako. Napaka-swerte ko pala talaga sa magulang ko.  Pero dahil sa sobrang pagmamahal sa akin, nagiging over protective ito, ganito ang nagiging resulta.

Habang naghihintay tawagin ni Doc sa De La Salle University Medical Center, Dasmarinas City.

Sa ngayon, lalaklak na naman ako ng napakaraming gamot at muling babalik sa pangatong pagkakataon.

Siguro nga hindi ko pa ito taon. I-eenjoy ko na lang ang mga araw na wala akong magawa o ginagawa at isiping nagbabakasyon. Bubuo na lang siguro ako ng mga kwentong katatawanan, maikling kwento, sanaysay at mag ba-blog tutal ‘yun naman ang kinahihiligan ko.

Nakakalungkot man, pero miss na miss ko na yung mga kaibigan, kamag-aral at mga co-bloggers ko. Hanggang pangarap na lang muna siguro ako na muli kayong makakadaop-palad.

Miss you guys!!! 😦

 

 

PULAG: KAPAGURANG GUGUSTUHIN MO


After 4 years… balik tayo please. Hindi ko pa natapos yung kwento haha

Libre Lang Mangarap!

5Napapagod ka na ba? Yung pakiramdam na pwede mo namang iwaksi at iwasan ang isang bagay pero hindi pwede dahil kailangan? E, yung ‘pagod’ na kahit alam mong hirap na hirap ka na pero disidido ka pa ring tapusin ‘to dahil alam mong dito ka masaya?

Sigurado akong minsan mo ring naramdaman ‘to. Yung pagkakataong… pwede ba sa isang araw man lang ay makatakas tayo sa pagod at sa positibong pagkakataon naman ito maranasan?

Halos mag-iisang taon na rin noong maganap ang kakaibang karanasan kong ito. Pakiramdam ko ito na yung tinatawag na “nagpabuhay sa katawang-lupa ko”. Sa loob ng dalawang araw at tatlong gabi, nalayo ako sa problema ng syudad. Wala akong ibang naiisip kundi ang mga bagay kung paano ko malalagpasan at mapagtatagumpayan ang pakay kong maakyat ang pinaka mataas na bundok sa Luzon sa taas na 2,922 meters (above sea level), at pangatlo sa buong Pilipinas matapos ang bundok Dulang-dulang at Apo sa Mindanao.

‘Araw’…

View original post 996 more words

MABUHAY ANG AMBISYOSO!


Halos isang buwan na lang, magtatapos na sa kursong Edukasyon na kinuha ko noon ang mga kapwa ko kamag-aral sa TUP. Sayang! Hindi ako mapapabilang dito. Masyado ko kasing ginalingan! Kaya ayun, isang gabi bigla na lang akong bumulagta! At halos kulang-kulang dalawang taon din na ang nakakalipas, bago ako nagkamalay at maintindihan kung ano ba talaga ang nangyayari sa paligid ko.

SEIZURE / AMNESIA
Tandang-tanda ko pa ang unang pagkamulat ko noon. Pamilyar ang mga nasa paligid ko, pero hindi ko mabanggit kung ano o sino nga ba ang mga ito. Ganoon din sa mga taong umaalalay sa’kin; kilala ko sila sa paningin, pero hindi ko alam ang kanilang mga ‘ngalin. Walang magawa ang emosyon ko kun’di magkusang lumuha. Litung-lito kung bakit nangyayari itong masamang biro ng tandaha.

Madaming buwan din ang lumipas ang nilagpasan ko para labanan ang sakit sa isipan. Kung tutuusin nga, parang mas gugustuhin ko pang literal na masugatan kaysa tirahin ang pag-iisip mo o ang pagiging emosyonal. Sobrang hirap pong labanan! Nagkukusa ang mga luha ko, pilitin ko mang huwang pakawalan.

THANK YOU!
Pasalamat ako sa pamilya ko lalung-lalo na sa Mama ko na kinailangan pang umalis sa pinatatrabahuhan n’ya para maalalayan ako. Ganoon din sa mga kapatid at pamangkin ko na nagpapalit ng mga nababasa kong damit at nadudumihang salawal ko. Ang lakas maka-baldado ng sakit ko! Nakakahiya!

Kulang-kulang dalawang taon din akong tulog o walang malay, kaya noong namulat ako ang dami ko nang pamangkin. Nabago na ang bahay namin at putol na ang mga punong inaakyat ko lang noong kabataan ko pa.

Nabago ang bahay namin, ang kwarto ko ay kinailangang buwagin para maging bagong tirahan ng isang bagong pamilya. At ang sala namin ay s’ya namang naging tulugan na rin namin. 2-in-1 ika nga.

Hindi naman sa sumikip ang mundo ko, sadyang naging limitado lang ang bawat galaw o kilos ko. Bawal akong umalis mag-isa! Nauunawaan ko naman ang pag-aalala nila pero sadyang hindi ko maiwasang mainis. Naitatanong ko tuloy sa sarili; kung hindi ako ngayon magkikilos mag-isa… kailan pa!?

Sobrang lungkot kung tutuusin. Ilang taon na rin kasing hindi ko nakikita ang mga pinaka-malalapit at pinagkakatiwalaan kong tao. Sigurado akong ibang-iba na sila ngayon. Tulad noong pagkakataong nakita ko sa unang pagkakataon ang mga pamangkin ko na naglalakihan na. Sadyang mabilis na tumakbo ang oras para sa akin. Pakiramdam ko tuloy ang bata-bata ko pa.

Ngayong nalalagpasan ko na ang mga pagsubok ng pagkatao ko. Katulad ng panginginig ng mga braso ko, pagiging malungkutin at iba pang aspeto; naniniwala akong kaunting panahon na lang makakabalik na’ko sa mga naumpisahan ko.

TULOY ANG PANGANGARAP!
Ngayong darating na pasukan, susubukan kong balikan ang naudlot na kursong Technical Education na naiwan ko. Maraming buwan pa ang hihintayin, pero sa panahon ngayon, naniniwala akong sandali na lang ang apat buwan at sigurado akong magaling na magaling na ako nun! 😀

Naniniwala akong may dahilan pa kung bakit binuhay pa ko ng Diyos kahit umay-na-umay na ko sa buhay ko ngayon. hahaha 😀

Biniyayaan tayo ng bagong buhay, edi bigyan natin ng bagong kulay! Malungkot man ang kalagayan ko ngayon, naniniwala akong gagantihan din ako ng kaligayahan pagnagkataon. Labanan na ito ng mga kabiguan sa mga plano at pangarap na muling sisimulan.

MAY DAY! MAY DAY!


MANILA — Ilang buwan na rin ang nakararaan noong huling sumulat ako dito. Ang hirap kasi mag kwento kung puro problema lang ang laman ng isipan mo! parang doon din kasi babagsak ang ending Nega.! Sinong tao ba naman kasi ang gustong makarinig problema di ba?

Mahigit isang taon na rin siguro noong halos magsisigaw ako noon para humingi ng tulong para sa mga pinagdadaanan ko sa buhay. Hindi man finansyal, pero yung… alam mo na! Wala rin palang ibang tutulong sayo kundi sarili mo. Uulitin ko: Sinong tao ba naman kasi ang gustong makarinig ng problema di ba?

Salamat na lang sa mga “pagkakataon” na magpapa-realised sayo na hindi lang ikaw ang may mabigat na pasanin sa balikat… na hindi lang ikaw ang pinakamalas na tao. Kaya minsan mangingiti at mapapatanong ka rin sa taas. “Ayos ka din no? powertrip ka din minsan!” haha. 😀

Last year, naikuwento ko din dito na halos ma-dismissed na ko sa trabaho dahil sa magkakasunod na memo sa late. Makalipas ang mahigit kalating taon, nakakatawang isipin na napromote pa ako sa trabaho.

Mula sa pagiging Associate.., Specialist na ngayon ang designation ko. Malaking tulong kahit papaano ang increase na natanggap ko para makabawas sa mga obligasyon ko.

Bukod doon, maswerteng pinagkatiwaan ako sa bagong account na pumasok sa company namin. Bagong team. Bagong simula.

Mahirap kung tutuusin kasi bagong aral at training na naman. Pero mas mainam naman iyon dahil may bagong challenge.

Higit sa lahat, nahiwalay ako sa grupong aaminin kong puno ng mga negative vibes. Sana magtuloy-tuloy na ang mga positive vibes ngayon!!

Ang totoo, ilang beses na rin akong nag-isip magresign! Siguro nga tama yung nilalaman ng Limang (5) dahilan kung bakit nananatili at umaalis ang isang empleyado sa trabaho nito. Bukod sa shifting issue (Work/Life Balance) at lokasyon ng trabaho:

  1. SAHOD: Maswerte ako sa company ko dahil performance base kami. Taun-taon may inaasahan akong increase base sa naging performance ko. Hindi naman ganoon kalaki pero makatarungan naman kumpara sa dati kong kumpanya.
  2. BENEPISYO at RECOGNITION/REWARDS: May Townhall kami quarterly, kung saan may token ang mga nagbibida-bida sa kumpanya. Walang late at absent? May reward ka!. Marami kang production at mataas quality ng gawa mo? May reward ka! Nakakuha ka ng commendation sa client mo? May reward ka pa rin! Yung mamention ka nga lang masaya na, yung mabigyan ka pa kaya ng eGCs? 😀
    • Iba pa yun sa P4P (pay for performance) na pwede mong gawing sideline na pwedeng umabot 5k Monthly! Medyo mahirap lang makakuha kasi pinagsama-sama syang attendance, production etc.
    • May healthCard kami na extended sa relatives mo kung iaaply mo din sila.
    • May Ayala Coop (na pwedeng lapitan)
    • May Ayala Acentives/Discount Card (na hindi ko nagagamit) haha
    • May mga “pabigay pa” tulad ng bag, jacket, tumbler at iba pa.
  3. TRUST, CHALLENGE, ACTIVITIES at SKILLS DEVELOPMENT TRAINING: Maswerte din akong napapagkatiwaan sa mga account na hinahawakan ko, kahit meron namang ibang pwede. Gaya nga paglipat sakin sa bago kong account. Bukod doon may mga internal training din sa’min tulad ng mg software at leadership trainings. (hindi lang talaga ako sumasali).
    Higit sa lahat, Saan ka nakakita na kasali ka na outing/team building bibigyan ka pa ng extra leave.
  4. KATRABAHO at WORKING ENVIRONMENT:  Naaalala ko noong job interview ko, sabi ko. “hindi lang po ako naghahanap ng masayang katrabaho, yung pwede ko rin pong ituring na kapamilya”. Pero mahirap din makakuha ng ganoon ngayon. Marami kasi ngayong may kanya-kanyang agenda. Yung iba pinaninindigan nila na mataas sila. Yung pinaparamdam nila kaya ka nilang pabagsakin anytime kung gugustuhin nila. Yung hawak nila leeg mo dahil sila magbibigay ng grade mo, kaya hindi ka pwedeng magreklamo basta-basta. Yung hihingian ka ng suggestions pero ang totoo for the sake na masabi nilang nanghingi naman sila ng reaction at suggestions. Hindi ba nila alam yung pakiramdam na kinoconsider at napapakinggan ka? Wag ganun!

     

    “Iba ang naghahanap ng mali, sa hinahanapan ka ng kamalian”

    ISO certified ang company namin kaya medyo mahigpit kami pagdating sa mga errors. Noong bagong hired ako, sumabak muna kami sa NEO o New Employee Orientation. Doon naunawaan ko agad ang kahalagahan ng QUALITY!!… na sa isang maliit na pagkakamali pwedeng malaking disaster ang kapalit nito. Pero hindi ko talaga maunawaan na may  mga taong parang proud na proud sa sarili kapag nakakakita ng kamalian ng iba. Hindi mo mahagilap ang mga salitang “team” o “group“. Kuha nyo? Walang perpektong tao, lahat may mali at nagkakamali. Hindi naman yun nakamamatay. Kung tutuusin matututo ka pa nga sa mga pagkakamali mo, pero bakit nagiging kumplekado? Saan ka nakakitang sasabihan ka pa ng “disappointed” imblis na i-coach at i-cheer-up ka!? lalo ka lang magiging down sa sarili mo dahil ganoon ang approach nila sayo. 😦

    Pero wala na yun, wala na kong masamang tinapay. Natanggap ko na ang realidad sa mga opisina.

    Ang sarap kaya sa pakiramdam na magkaroon ng mga kaworkmates na pwede mong gawing kapamilya at kaibigan sa loob at labas ng trabaho. Ang gaang-gaang maghanap-buhay sa araw-araw.

    #HugotLang. haha

  5. MASAYA KA at may EXCITEMENT. Sa lahat, ito ang pinaka importante. Masaya ka sa ginagawa mo. Yung lagi kang may nilo-look forward sa pagpasok palang sa opisina. Hindi yung kapapasok mo lang nag ka-countdown ka na pauwi. Pero tingin ko. ito yung pinagsama-samang mga dahilan kung bakit gusto mong manatili sa trabaho mo. Dito mo masasabi na kahit kagaano kaliit o kalaki sahod mo kung masaya ka naman sa ginagawa mo. solb na!

Hindi man perpekto, pero maswerte talaga ako sa trabaho ko ngayon. Kaya wala kang ibang pwedeng gawin kundi pagbutihan mo ang pagtatrabaho at ibalik ang pagtitiwala nila sayo.

Ngayong araw ng paggawa, marapat lang na alalahanin natin kung bakit o para saan ba tayo nagtatrabaho, dahil kabilang tayo dito. Walang madaling trabaho. Lahat puno ng mga challenges. Higit sa lahat, lahat tayo nangangailangan nito. Kaya marapat lang na pagbutihin natin ang paggawa. Kapwa kailangan ng empleyo at mga empleyado ang bawat isa. Ganoon din ang mga empleyado sa kapwa nito mga empleyado. Kaya isang malupet na desinteng pagtutulungan dapat ang inaabot natin sa bawat isa. Sa huli, tayu-tayo din naman kasi ang makikinabang nito.

ICYMI:

===============
2016 Araw ng Paggawa:
Kinabukasan Sigurado sa Disenteng Trabaho
===============

MARAMI PA RING DAHILAN PARA MAGPASALAMAT


Nitong mga nakaraang buwan, dumaan ako sa isang malaking pagsubok ng artehan. haha. 😛 Pakiramdam ko sinumpa ako ng pagkakataon. Hindi ko makontrol ang mga bagay-bagay, kaya tumigil na lang ako sa isang sulok at nag-abang ng mga himala. e, walang dumating. edi #nganga.

Dahil sa pag-aabang na yun, nagawa ko namang magmuni-muni. Mga plano ko sa buhay o kung ano bang dapat kong gawin sa mga desisyon kong kailangan talagang pagdesisyonan!

Hanggang kinailangan kong isakripisyo ang maraming bagay tulad ng trabaho at pag-aaral para mailigtas ko ang sarili sa tinatawag kong “artehan”.

Naramdaman nyo na ba yun? Yung mga katanungan… para kanino o para saan ka ba nabubuhay? dumating ako sa punto na ‘yun. Ang hirap pala mga dre! Mabibigla ka na lang sa isasagot mo na “oo nga no?”. Bigla na lang tumigil ang buhay ko na para bang gusto kong i-restart.

Matapos kong iwanan ang eskwela at isa pang trabaho, nangamba akong matanggal pa sa nag-iisa ko na lang na pinagkukunan ng pagkakakitaan. Muli akong napatanong. Paano na ang bahay? ang postpaid ko? ang mga credit cards? Para lang ako nagdagdag ng mga suliranin na mahirap nang sulusyonan.

Doon ko naisip na mahirap palang bumalik sa umpisa. Mahirap palang daanan ang mga daang nadaanan mo na. Lalo na’t alam mong sa mga daanang iyon ay may mga bagay kang iniwanan na kailangan mo din palang alisin para makatawid ka.

Hanggang isang gabi sa kalagitnaan ng trabaho ko, nakatanggap ako ng memo. Hindi lang basta memo kundi last na memo na! — matatanggal na ako.

Dahilan ng mga memo? Madalas kong pagkaka late sa trabaho o mga tardiness ko. Hindi ko naman masisi sa traffic dahil normal na naman ‘to. Ang totoo nyan, nawalan na kasi ako ng motivation sa trabaho. Wala akong inspirasyon o mga dahilan man lang para ganahan akong magtrabaho. Isabay mo pa d’yan ang environment ng opisina. Yung tipong yung taong dapat ay nagpapalakas ng loob ko, sya pang humihila sayo pababa. Pero ibang usapan na yun. haha 😛

Sa kabila ng lahat, totoo pala ang sabi nila, may mga bagay pa rin talaga na dapat pasalamatan. Marami pa ring magandang pagkakataon na masusupresa ka na lang bigla.

Naganap ang Town Hall Meeting na quarterly kung ganapin sa company namin.

Hindi ko inaasahan, pero natawag ako sa awarding (na minsan lang may nakakakuha sa department namin) Tapos, tatlo pa ang natanggap ko. #EdiWow! 😛

  • Elite-Wow Page Award
  • Elite-individual Award
  • Elite-Attendance Award (na nakakatawa kasi puro memo ako sa tardiness pero nakatanggap pa rin ako ng ganito. Doon ko nalaman na hindi lang naman kasi sa attendance ang qualification ng award na ‘to kundi kasama na rin ang productivity)

Laking pasasalamat ko, dahil nagkaroon ako ng dahilan para i-apela ang dismissal ko, na kahit madalas akong mahuhuli sa pagpasok ay hindi ko napapabayaan ang trabaho ko. Nagawa ko pa ngang lagpasan ang expectation nila. (Laki ulo). lol 😛

Ngayong linggo, natanggap ko na ang hatol na kinalugod ko talaga. Na waived ang dismissal ko, na syang pinanghahawakan ko ngayon at katunayan na hindi lang ako ang may pasan ng mabigat na mundo!

Minsan kasi pakiramdam natin, tayo na ang pinaka malungkot na tao sa mundo. Na tayo na ang pinaka problematic na tao. na wala ng sulusyon sa mga problema natin. Na kailangan na nating sumuko na bahala na ang pagkakataon. Pero minsan kailangan din na’ting daanan ito para masabi na’tin na ganito pala talaga ang realidad ng buhay. Hindi tayo matututo hanggang hindi na’tin mararanasan o mauunawaan na mahirap pala talaga kapag biglang may mawala sa buhay natin dahil sa mga binitawang desisyon.

Ganito pala talaga ang buhay. Madalas nag-aasam kasi tayo ng instant. Madalas din tayo sumuko. Hindi natin nakikita yung mga maliliit na bagay na pwede din naman natin gawing inspirasyon o motivation para ganahan sa buhay.

Tandaan natin na marami pa rin talagang bagay at dahilan para magpasalamat sa buhay. 🙂

Salamat!