MAY DAY! MAY DAY!


MANILA — Ilang buwan na rin ang nakararaan noong huling sumulat ako dito. Ang hirap kasi mag kwento kung puro problema lang ang laman ng isipan mo! parang doon din kasi babagsak ang ending Nega.! Sinong tao ba naman kasi ang gustong makarinig problema di ba?

Mahigit isang taon na rin siguro noong halos magsisigaw ako noon para humingi ng tulong para sa mga pinagdadaanan ko sa buhay. Hindi man finansyal, pero yung… alam mo na! Wala rin palang ibang tutulong sayo kundi sarili mo. Uulitin ko: Sinong tao ba naman kasi ang gustong makarinig ng problema di ba?

Salamat na lang sa mga “pagkakataon” na magpapa-realised sayo na hindi lang ikaw ang may mabigat na pasanin sa balikat… na hindi lang ikaw ang pinakamalas na tao. Kaya minsan mangingiti at mapapatanong ka rin sa taas. “Ayos ka din no? powertrip ka din minsan!” haha. 😀

Last year, naikuwento ko din dito na halos ma-dismissed na ko sa trabaho dahil sa magkakasunod na memo sa late. Makalipas ang mahigit kalating taon, nakakatawang isipin na napromote pa ako sa trabaho.

Mula sa pagiging Associate.., Specialist na ngayon ang designation ko. Malaking tulong kahit papaano ang increase na natanggap ko para makabawas sa mga obligasyon ko.

Bukod doon, maswerteng pinagkatiwaan ako sa bagong account na pumasok sa company namin. Bagong team. Bagong simula.

Mahirap kung tutuusin kasi bagong aral at training na naman. Pero mas mainam naman iyon dahil may bagong challenge.

Higit sa lahat, nahiwalay ako sa grupong aaminin kong puno ng mga negative vibes. Sana magtuloy-tuloy na ang mga positive vibes ngayon!!

Ang totoo, ilang beses na rin akong nag-isip magresign! Siguro nga tama yung nilalaman ng Limang (5) dahilan kung bakit nananatili at umaalis ang isang empleyado sa trabaho nito. Bukod sa shifting issue (Work/Life Balance) at lokasyon ng trabaho:

  1. SAHOD: Maswerte ako sa company ko dahil performance base kami. Taun-taon may inaasahan akong increase base sa naging performance ko. Hindi naman ganoon kalaki pero makatarungan naman kumpara sa dati kong kumpanya.
  2. BENEPISYO at RECOGNITION/REWARDS: May Townhall kami quarterly, kung saan may token ang mga nagbibida-bida sa kumpanya. Walang late at absent? May reward ka!. Marami kang production at mataas quality ng gawa mo? May reward ka! Nakakuha ka ng commendation sa client mo? May reward ka pa rin! Yung mamention ka nga lang masaya na, yung mabigyan ka pa kaya ng eGCs? 😀
    • Iba pa yun sa P4P (pay for performance) na pwede mong gawing sideline na pwedeng umabot 5k Monthly! Medyo mahirap lang makakuha kasi pinagsama-sama syang attendance, production etc.
    • May healthCard kami na extended sa relatives mo kung iaaply mo din sila.
    • May Ayala Coop (na pwedeng lapitan)
    • May Ayala Acentives/Discount Card (na hindi ko nagagamit) haha
    • May mga “pabigay pa” tulad ng bag, jacket, tumbler at iba pa.
  3. TRUST, CHALLENGE, ACTIVITIES at SKILLS DEVELOPMENT TRAINING: Maswerte din akong napapagkatiwaan sa mga account na hinahawakan ko, kahit meron namang ibang pwede. Gaya nga paglipat sakin sa bago kong account. Bukod doon may mga internal training din sa’min tulad ng mg software at leadership trainings. (hindi lang talaga ako sumasali).
    Higit sa lahat, Saan ka nakakita na kasali ka na outing/team building bibigyan ka pa ng extra leave.
  4. KATRABAHO at WORKING ENVIRONMENT:  Naaalala ko noong job interview ko, sabi ko. “hindi lang po ako naghahanap ng masayang katrabaho, yung pwede ko rin pong ituring na kapamilya”. Pero mahirap din makakuha ng ganoon ngayon. Marami kasi ngayong may kanya-kanyang agenda. Yung iba pinaninindigan nila na mataas sila. Yung pinaparamdam nila kaya ka nilang pabagsakin anytime kung gugustuhin nila. Yung hawak nila leeg mo dahil sila magbibigay ng grade mo, kaya hindi ka pwedeng magreklamo basta-basta. Yung hihingian ka ng suggestions pero ang totoo for the sake na masabi nilang nanghingi naman sila ng reaction at suggestions. Hindi ba nila alam yung pakiramdam na kinoconsider at napapakinggan ka? Wag ganun!

     

    “Iba ang naghahanap ng mali, sa hinahanapan ka ng kamalian”

    ISO certified ang company namin kaya medyo mahigpit kami pagdating sa mga errors. Noong bagong hired ako, sumabak muna kami sa NEO o New Employee Orientation. Doon naunawaan ko agad ang kahalagahan ng QUALITY!!… na sa isang maliit na pagkakamali pwedeng malaking disaster ang kapalit nito. Pero hindi ko talaga maunawaan na may  mga taong parang proud na proud sa sarili kapag nakakakita ng kamalian ng iba. Hindi mo mahagilap ang mga salitang “team” o “group“. Kuha nyo? Walang perpektong tao, lahat may mali at nagkakamali. Hindi naman yun nakamamatay. Kung tutuusin matututo ka pa nga sa mga pagkakamali mo, pero bakit nagiging kumplekado? Saan ka nakakitang sasabihan ka pa ng “disappointed” imblis na i-coach at i-cheer-up ka!? lalo ka lang magiging down sa sarili mo dahil ganoon ang approach nila sayo. 😦

    Pero wala na yun, wala na kong masamang tinapay. Natanggap ko na ang realidad sa mga opisina.

    Ang sarap kaya sa pakiramdam na magkaroon ng mga kaworkmates na pwede mong gawing kapamilya at kaibigan sa loob at labas ng trabaho. Ang gaang-gaang maghanap-buhay sa araw-araw.

    #HugotLang. haha

  5. MASAYA KA at may EXCITEMENT. Sa lahat, ito ang pinaka importante. Masaya ka sa ginagawa mo. Yung lagi kang may nilo-look forward sa pagpasok palang sa opisina. Hindi yung kapapasok mo lang nag ka-countdown ka na pauwi. Pero tingin ko. ito yung pinagsama-samang mga dahilan kung bakit gusto mong manatili sa trabaho mo. Dito mo masasabi na kahit kagaano kaliit o kalaki sahod mo kung masaya ka naman sa ginagawa mo. solb na!

Hindi man perpekto, pero maswerte talaga ako sa trabaho ko ngayon. Kaya wala kang ibang pwedeng gawin kundi pagbutihan mo ang pagtatrabaho at ibalik ang pagtitiwala nila sayo.

Ngayong araw ng paggawa, marapat lang na alalahanin natin kung bakit o para saan ba tayo nagtatrabaho, dahil kabilang tayo dito. Walang madaling trabaho. Lahat puno ng mga challenges. Higit sa lahat, lahat tayo nangangailangan nito. Kaya marapat lang na pagbutihin natin ang paggawa. Kapwa kailangan ng empleyo at mga empleyado ang bawat isa. Ganoon din ang mga empleyado sa kapwa nito mga empleyado. Kaya isang malupet na desinteng pagtutulungan dapat ang inaabot natin sa bawat isa. Sa huli, tayu-tayo din naman kasi ang makikinabang nito.

ICYMI:

===============
2016 Araw ng Paggawa:
Kinabukasan Sigurado sa Disenteng Trabaho
===============

MT APO: LEAVE NOTHING BUT FOOTPRINTS (Part I)


mt apo
Elevation: 2,954 masl  (official) Coordinates: 6°59′15″N 125°16′15″E [1] Trail: Sta Cruz | Mountain type: Stratovolcano |  Listing: Country’s high point Ultra prominent peaks
DAVAO CITY — Sa taas na 10,311 talampakan, itinuturing na pinakamataas na bundok ang Apo. Matatagpuan ito sa lalawigan ng Davao del Sur, isla ng Mindanao.

Dahil sa taas na katangian nito, kinakailangang mong maging physically at mentally fit bago umakyat dito. Isa sa mga iminumungkahing paghahanda ay ang pagka-cardio o pagja-jogging araw-araw dalawang linggo bago ang pagsuong dito. Syempre mas mainam kung may ibang mga bundok ka munang naakyat bago ang Apo.

Bukod sa paghahandang pisikalan,  kinakailangan mo din syempreng paghandaan ang budget o gastusin para sa paglalakbay na ‘to. Sa halagang P5,500 na all-in package (maliban sa airfare-balikan mula sa Maynila) puwede ka nang makarating dito. Mahal man s’ya kung tutuusin, wala namang katumbas na halaga ang pakiramdam na makatungtong sa tuktok nito. Sa kabuuang budget, hindi bababa sa P10,000 ang nagastos ko. Kaya mas mabuting makakuha ka muna ng murang airfare promo para maka menus.

DAY 0

Sa Davao International Airport na kami nagkita-kita ng mga kasama ko. Labing isa kami sa grupo. Tatlo sa kanila ay nakasama ko na sa Mt Pulag (pangatlo sa pinaka-mataas). Dahil nga sa 11 kami, siguradong hindi bababa sa apat na taxi ang kakailanganin papunta sa tutuluyan namin. Mabuti na lang may mga van sa airport na nag o-offer ng service sa halagang P500.00. Nakatipid kami kung tutuusin, nagkasabay-sabay pa kami.

Sa unang gabi namin sa Davao, tumuloy kami sa Green Windows Dormitel. Sa totoo lang, wala akong ideya sa tutuluyan namin. Akala ko transient house lang sya kaya sobrang natuwa ako nang sa isang mataas na gusali pala kami sa Davao magpapalipas ng gabi. May 8 double decker ang isang kuwarto na kakasya ang 16 na katao. Nakuha namin iyon sa humigit kumulang P3,000 lang.

DAY 1

Ala-5:00 ng umaga ang call time namin. Sa Dormitel na kami sinundo ng aming mga guide.

Mula sa tinuluyan namin, dalawang oras pa ang byahe sakay ng dalawang van papunta sa Lungsod Digos, Barangay Kapatagan. Doon na kami nag-agahan, bumili ng baon para sa tanghalian, nag-ayos pa ng ilang gamit at nag-orientation.

kapatagan
Kapatagan Public Market

Nagawa pa naming magpabawas at magpaiwan ng mga gamit. Katulad ng mga damit at iba pa na gagamitin sa sidetrip sa Samal Islands.

Alas-9:30 na nang magsimula ang 30-minute travel time papuntang jumpoff ng Sta Cruz trail sakay ng 4×4 truck.

Noong una, hindi ako makapaniwalang doon kami sasakay. Akala ko sa mga gamit lang. Labing lima kaming nagsiksikan doon kasama pa ang aming mga dala. Sumabit na nga lang ang mga guide.

truck
Sardinas mode.

Wala pa man sa totoong adventure, pero maituturing mo na talaga itong isang makalaglag-pusong adventure. Masakit sa balat ang init ng araw. Nakakatakot ang matatarik na paakyat-babang mga daan. Marami namang sementado pero marami pa ring lupang lubak-lubak at mababato. Masakit sa puwet ang maupo sa sahig ng truck. Nakaka manhid pa ng mga paa ang maipit nang mga kapwa mo nakasampa. Kung tutuusin mas gugustuhin mo na lang maglakad sana. Pero sabi ko nga, “Ginusto ko to e!” Hahaha Astig yun! 😛

Saganang akin, hindi naman ganun kaganda ang Mt. Apo sa unang tanaw. Para lang syang ordinaryong bundok na kakikitaan mo ng kalbo at mabatong bahagi sa itaas nito. Kung titignan nga, para lang syang abot-kamay sa lapit, na parang…. wala lang! Gugustuhin mo lang s’yang akyatin kasi s’ya ang pinaka mataas dito. Parang pang day-hike nga lang. lol 😛 Pero tatlong araw at dalawang gabi pala kayo mananalagi dito hanggang makumpleto n’yo ang paglalakbay. Pero lahat ng pananaw kong iyon nabago nang maranasan ko ito:

JUMPOFF

jumopoff
Jumpoff

Sa nag-iisa at natatanging tubig na nadaanan namin sa jumpoff, nakakatawang hirap na hirap na agad akong tawirin ito. Mahirap ng ma out of balance at mabasa ang sapatos ko! nagsisimula palang kaya kami!

Medyo paahon agad ang jumpoff. Para s’yang isang mataas na burol na pinahaba ang trail para hindi sya ganoon kahirap akyatin. Sa taas noon ay mayroong munting pamayanan.

_RMA0548
Sa mga sitwasyong halos tabunan ka ng alikabok, mas okay maging #TeamDulo.

Maalikabok ang trail. Literal na kumain kami ng alikabok! Marahil bibihirang makatikim ang ulan ng Mindanao sa mga panahong ito.

Matapos ang 45 minuto. Narating namin ang Sitio Cunan. Ito yung tinutukoy kong pamayanan sa tuktok matapos ang jumpoff. Dito kami unang nagpahinga. Halos 30 minuto din siguro kaming nanalagi dito.

culan
Munting Paaralan ng Culan.

Magtatanghali na nang marating namin ang Sitio Tumpis. Mula dito ayon sa signage ay 10.07 kilometro pa ang layo  namin sa summit. Dito naman namin kinain ang nabili naming tanghalian sa Kapatagan. Dito na rin ang unang water source, ang susunod na water source ay sa Campsite 1 pa. At dito na rin pala nawala ang cellphone ng kasama naming sir Ronnel.#PicturePaMore! Lol. 😛

Tinuloy-tuloy na rin namin ang paglalakad matapos mag tanghalian papuntang (pinaka) paanan ng bundok. Mga bukid ang dinaanan namin na pawang mga Carrots ang nakatanim. Isang malupit na ahon ang ginawa namin matapos nun.

Plant4
Dito ko nauunawaan kung bakit itinatanim o itinatali ang mga orchids sa mga sanga ng puno, sa mga bakuran natin. Ganoon pala ang natural habitat ng mga orchids sa bundok. kewl.

Matapos makalabas sa gubat, tila isang kapatagan ang bumulaga sa amin. Dito ang best view ng Apo para sakin. Pagkatapos ng maalikabok na jumpoff at paahon na bundok, matataas na damo naman ang sinuong namin. Napapabulong na nga lang ako. “Buti pa tong mga damo matatangkad” lol. 😛

best view
Ferns everywhere! Best part of the trail.

Literal na hawi ang gagawin mo sa mga damo para makita mo ang trail.  Natatangi ito sa mga nasuong ko nang bundok.

hawi
Hawi pa more!!

Sakaling malagpasan mo na ang matataas na damo, Isang gubat muli ang papasukan nyo. Dito na ang tipikal na trail sa loob ng bundok. Hindi mo alam kung magpapasalamat ka dahil nakatakas ka na sa init ng araw at alikabok, o isusumpa mo na ito dahil sa mga paahong parte.

assault
Halos isang oras din ata ang puro paahon.
Arrow Marking
THIS WAY.

Hindi naman nakakaligaw ang trail dahil tadtad ito ng dilaw na ribbon bilang marking o palatandaan, susundan mo na lang. Mababakas pa rin dito ang arrow marking na gawa sa yero/lata na niluma na rin ng panahon.

tarzan
ohhhh Woaaaahh!! Tarzan mode.

Jungle na jungle kung ilalarawan ko ang gubat, ito na siguro yung sinasabi nilang pwede ka na maglambitin sa mga baging mala-Tarzan. Pero hindi ko ginawa mahirap na. 😀

Plant2
Hindi nawawalan ng bulaklak sa paligid ang Apo.
Plant3
Ito pa.
Plant 1
Ito pa.

Inabot kami ng halos 6 na oras bago kami makarating sa Tinikaran Campsite 1. Apat na oras dito ang sa loob ng kagubatan. Laking panghihinayang ko nga dahil hindi ko dinala ang hammock ko. Ayos na ayos pa naman sana itong paglagyan dahil mapuno dito. Sobrang lamig nga lang.

campsite 1
Tinikaran Campsite 1: Sobrang okay mag Hammock sana dito.

Kasama sa package namin ang tent at mga sleeping bags. Pero hindi ko naisip na kasama din pala sa package ang pagtatayo nila dito. Kewl. Kumbaga sa hotel, matutulog ka na lang sir!

Tent Otep
Pangdalawahan at Pangtatluhang tao ang provided na tent sa amin.

Sa Campsite 1 ang huling water source hanggang makarating ng summit (kaya tipid-tipid din). Hindi ganun kaaya-aya ang water source. Isa lang syang bukal sa ilalim ng malaking bato, na may mga gumagalaw pang insekto sa ilalim. Sakaling kawkawin mo nga, lalabo agad ito. Wala namang sumakit na tiyan sa amin. Sa katunayan, yun din ang ginamit sa pang saing.

Bukal
Nag-iisang water source sa Campsite 1.

Sa mga maselan ang tiyan, mabuting magdala ng sapat na tubig-inumin.

Nakakalungkot nga lang, sobrang kalat ng lugar. Mga lata, bote, plastik pati dumi ng tao na hindi man ibinaon sa lupa. Kung hindi ko nga nalamang may clean-up drive naman twice a year ikalulungkot mo talaga ng husto yun.

Kinagabihan, masarap na Sinigang na Baboy ang kinain namin. Pop na Pop sakin yun!

Sa kaunting social habang kumakain at paglalaro ng baraha, natapos ang unang araw at gabi namin sa puso ng Bundok Apo.

Bukas uli!

BAKIT KAILANGAN MO PANG MABUHAY!?


Katatapos lang ng araw ng Mga Kaluluwa, pero hindi ito blog post hinggil dito, sadyang napapaisip lang talaga ako.

Ilang linggo na rin ang nakararaan nang nabalitaan ko ang pagpanaw ng celebrity chef na si Hasset Go. Sa totoo lang hindi ko sya kilala noon, ni-hindi ko nga sya napapanood sa mga cooking shows o pina-follow man lang sa mga social media sites. Hanggang mapansin ko ang mga facebook posts tungkol sa kanya. Na curious ako sa kung ano ba ang naging sanhi ng pagpanaw n’ya ganoong napaka bata pa n’ya para mawala. Kaya pinanood ko ang episode ng Kapuso mo, Jessica Soho sa Youtube kung saan, nakuha ko lahat ng impormasyon tungkol sa kanya. Napabilang lang ako sa mga nanghinayang sa pagkawala n’ya. Pumanaw pala sya sa sakit na liver cancer. Sa katulad na dahilan kung bakit pumanaw ang kanyang nakatatandang kapatid na naging viral pa noon matapos magpakasal sa loob ng ospital, ay binawian na rin agad ng buhay.

Kung iisipin, napakahirap ng dinadala ng pamilya Go sa magkasunod na pangyayaring ito sa buhay nila. Mapapatanong ka na rin kung bakit ‘kung sino pa yung taong may maiaambag pa sa mundo at kung sino pa ang mga pilit-lumalaban para mabuhay, sila pa yung kinukuha agad.’

Nadagdagan pa lalo lungkot ko noong mapanood ko ang season 6, episode 3 ng The Walking Dead. Yung … kahit alam mong tv series lang ito na hango sa comic book at hindi naman makatotohanan, nagiging apektado ka pa rin ng mga pangyayari. Namatay na rin kasi si Glenn Rhee (isa sa mga main character) kahit wala pa rin naman kasiguraduhan kung namatay nga ba sya. Pero mukhang sa scene na yun!!!… (hindi ko pa rin matanggap! ) parang.., parang hindi na talaga sya makakaligtas. 😦

Naisip ko si Maggie! Kung yung iwanan ka nga ng mahal mo ang sakit-sakit na, paano pa kaya yung tuluyang pagkawala nila. #Hugot.

Hindi tamang ipagsunod ko ang kwento ng pagpanaw ni Glenn at Hasset Go pero tulad ng dalawang kwento, lumaban sila para mabuhay. Samantalang tayo, lalung-lalo ako! madalas kong tinatanong kung bakit ba ako nabubuhay at kung ano ba talaga ang silbi ko sa lipunan.

Hindi ko alam kung tama bang sabihin na nai-inspired ako sa pagkawala nila o sadyang napaisip lang talaga ako. Tulad ni Hasset Go na sa murang edad nagawa naman nyang mag bahagi ng talento, nagkaroon ng pagkilala sa husay nya at naging matagumpay sa larangan ng negosyo. Si Glenn na mawala o nawala man ay naging malaking parte ng grupo. Nagawa nyang magmahal. Nakuha nyang magtiwala at pagkatiwalaan. At tulad ko, siguradong nagawa syang panghinayangan.

E ikaw kaya kapag nawala? may manghihinayang? Huwag tayong makuntentong maalala lang tayo dahil naging mabait tayo sa kanila o dahil namatay tayo sa murang edad. Naniniwala akong marami pa rin tayong pwedeng gawin sa mundo kahit hindi pa natin alam kung ano nga ba yun.

Marami pa namang araw para unti-untiing isipin kung anu-ano nga ba yun. Lahat naman nag uumpisa sa katiting di ba? Kaya simulan natin sa kapiranggot na pangarap.

Sabi nga nila, “Hindi mo kasalanan kung pinanganak kang mahirap. Pero kung mamatay ka ng mahirap pa rin, kasalanan mo na daw yun!”

PULAG: KAPAGURANG GUGUSTUHIN MO


5Napapagod ka na ba? Yung pakiramdam na pwede mo namang iwaksi at iwasan ang isang bagay pero hindi pwede dahil kailangan? E, yung ‘pagod’ na kahit alam mong hirap na hirap ka na pero disidido ka pa ring tapusin ‘to dahil alam mong dito ka masaya?

Sigurado akong minsan mo ring naramdaman ‘to. Yung pagkakataong… pwede ba sa isang araw man lang ay makatakas tayo sa pagod at sa positibong pagkakataon naman ito maranasan?

Halos mag-iisang taon na rin noong maganap ang kakaibang karanasan kong ito. Pakiramdam ko ito na yung tinatawag na “nagpabuhay sa katawang-lupa ko”. Sa loob ng dalawang araw at tatlong gabi, nalayo ako sa problema ng syudad. Wala akong ibang naiisip kundi ang mga bagay kung paano ko malalagpasan at mapagtatagumpayan ang pakay kong maakyat ang pinaka mataas na bundok sa Luzon sa taas na 2,922 meters (above sea level), at pangatlo sa buong Pilipinas matapos ang bundok Dulang-dulang at Apo sa Mindanao.

‘Araw’ ko ang gabing iyon. At tulad ng marami sa atin, gusto nating maging kakaiba ang bawat pagdiriwang ng kapanganakan natin. Salamat na lang sa paanyaya ng mga dating kong mga kamag-aral sa kolehiyo kaya naging katangi-tangi talaga ang karanasan kong ito.

Maghahating gabi na noong umakyat kami sa Baguio at madaling araw na nang makarating dito. Malayo pa man kami sa pakay namin noong mga oras na iyon, pero umuusok na agad ang mga hininga namin dahil sa lamig ng Baguio. Para akong bata na nagpaulit-ulit na huminga para makitang lumalabas iyon sa bibig ko. 😀 Napakatagal na kasi noong huli akong nakahinga ng ganun. haha. 😛

Napatanong tuloy ako. Paano pa kaya sa pupuntahan namin?

Naghanda na rin kami para suotin ang mga panlamig namin. Hindi ko napangatawanan ang pagsa-sandals at shorts, kaya sinuot ko na ang ang makapal kong medyas at nagsapatos.

4

Naghanda na rin kami sa paglipat ng sasakyan papunta sa Bokod, DENR Office. Pero bago pa makarating doon, nag stop over muna kami sa isang kainan para sa aming heavy breakfast. Napakaganda ng lokasyon ng kainan na iyon. Sa likod noon ay mayroon napakalaking hanging bridge. (Inclusive iyon sa package, kaya maraming nagtatanong sa akin bakit hindi daw nila nakita iyon noong umakyat sila sa Pulag).

1

04

Matapos namin mag breakfast, bumalik na kami sa jeep. Sa pagkakataong ito mas pinili namin ng mga classmate ko na mag-topload! wooohooo!!

3

Pagkarating namin sa DENR Office, nagsimula na rin ang Seminar tungkol sa pag-akyat namin sa Pulag. Sa totoo lang, dahil sa matagal ko na talagang pinapangarap ang makarating dito, halos alam ko na rin ang nilalaman ng seminar dahil sa mga napapanood at nababasa ko.

Pero hindi ko pa rin lubos maisip yung mga kwento na may mga insidente na kinakailangan pagtulungang ibaba sa bundok ang ilang mountaineer dahil hindi nila kinakaya ang labis na lamig dito. Ayon din naman sa kwento, nabuhay pa naman daw sila. lels. 😛

Magtatanghali na noong makarating kami sa Ranger Station. Doon, heavy lunch naman ang kinain namin. Kailangan talaga heavy lahat? haha.

Dito na nagsimula ang totoong adventure. Wala nang atrasan.

03

Noong mga unang sandali kinakaya ko pa. Marahil nakakatulong talaga ang ganda ng kapaligiran na nakikita mo, dahil sa bawat makita, hinto. picture! haha

6

May sandali pang parang kinakapos ka na nang hininga. Normal daw iyon. Critical stage daw ang first 15 minutes ng pag-akyat mo. (May ganun?)

02

Kung yung mga unang sandali ng paglalakad ay picture ang pahinga, dadating ka sa punto na literal na pahinga na talaga ang gagawin mo! Ayaw mo nang kumilos. Halos higupin mo lahat ng fog na madadaanan mo para makabawi ka ng lakas. Hindi na rin kinakaya ng lamig ng kapaligiran ang mga pawis na nilalabas ng katawan mo kaya kinakailangan na rin bawasan ang kapal ng suot mo. Wala pa ako sa Camp 1 pero isang litro na ng tubig agad ang nauubos ko. Pero sa totoo lang, ang laki nang naitutulong ng mahamog na kapaligiran. Para kang may oxygen na nakasuksok sa loob ng ilong mo para tulungan kang huminga. Swabe ang natural oxygen!

7

Pinili ko na lang na magpahuli talaga. At least, kahit alam kong nahuhuli ako, sigurado akong makakabalik pa ako sa Maynila. haha 😀

Pakiramdam ko isang henerasyon na akong naglalakad. Para kasing walang katapusan. Hanggang makarating na rin ako sa Camp 1, na inabot din ng hindi bababa sa dalawang oras. Nakakainis na nakakatuwa kasi halos tapos na silang magpahinga noong nakarating ako doon, samantalang ako magsisimula pa lang maghabol ng hininga.

8 Ilang minuto lang din kami nagpahinga doon at muli na ring nagpatuloy sa paglalakbay. Damang-dama mo na pataas na kayo nang pataas. Wala namang mga obstacle sa mga madadaanan nyo pero napakalayo talaga ng apat hanggang limang oras na lakaran. Sabi nga nila ang Ambangeg trail, ay trail ng pang-artista. Para ka lang nag ka-cutwalk nang napakahaba. haha. Hindi mo kinakailangan yumakap sa mga lupa at ugat ng mga puno para makaakyat ka. Marami ring pagkakataon na para kang nilalamon ng makapal na habog na ikalulugod mo, dahil sobrang pambihira talaga ang halina nito.

Para kang nasa isang paraiso na may mga kakaibang nabubuhay sa paligid mo na doon mo lang talaga makikita. Napaka sarap langhapin ang mga naaamoy mo. Yung mga kaluskos, parang musika lang sa pandinig mo. Hindi ka man lang makaramdam ng takot sa paligid mo dahil sa ganda ng lugar, hindi mo iisiping may masamang nilalang na ninirahan dito. —heaven talaga! swear! lels. 😛

Hapon na nang makarating kami sa Camp 2. Para akong nakawala sa pagkasarap-sarap na pagkakatinik sa mga napagdaanan ko.

9

HIWAGA! —yan ang salitang pwede kong ilarawan. Napaka-kapal ng ulap sa taas. Napakalamig. Umuulan. Halos mga higante ang mga anino sa likod ng mga ulap nito. Hindi ka makapaniwalang nahahawakan mo ang mga ulap kahit alam mong tagus-tagusan naman ito sa buong katawan mo. Hindi naman sa pagmamalabis pero para kang nasa loob ng isang panaginip. lumulutang at pawang puti lang ang nakikita.

Ang mga halaman o damo sa itaas ay tila perpekto sa pagkakapantay-patay sa pagkakatabas. Wala pa kami sa pinaka tuktok pero sulit-sulit na ang pagkakatungtong ko dito.

Pero gaya ng masayang panaginip, bangungot na ang mga sumunod. Ang malakas na ulan! hindi lang basta ulan! kundi malakas na ulan na tila wala nang katapusan. Ulan! at ulan! Agad-agad din kaming naghanap na mag pu-pwestuhan ng tent namin. Kinakailangan namin itong magawa kung gusto naming magkaroon ng matutulugan para magkaroon din lakas sa pag suong namin patungong summit ng Mt. Pulag bago magbukang-liwayway. Nagawa naman namin iyon. Pero sa kasawiang palad ay pinasok din kami. Halos nabasa ang lahat ng gamit ko. Ang suot ko. -Kalbaryo. 😦

Kinagabihan, nawala naman ang ulan. unti-unti na ring lumalabas ang bituin na sobra mong kamamanghaan. Kumain kami ng hapunan. At doon, kahit hindi makatulog ng maayos dahil kinailangan naming mangapit-tent, (dahil hindi na talaga puwedeng matulugan ang na-Yolanda naming titirhan) natuto kaming mamaluktot sa wala ni-isang kumot.

Goodnight! huhu.

FB_IMG_1443808314360

Tulog muna, bukas na lang ang Part 2..

MARAMI PA RING DAHILAN PARA MAGPASALAMAT


Nitong mga nakaraang buwan, dumaan ako sa isang malaking pagsubok ng artehan. haha. 😛 Pakiramdam ko sinumpa ako ng pagkakataon. Hindi ko makontrol ang mga bagay-bagay, kaya tumigil na lang ako sa isang sulok at nag-abang ng mga himala. e, walang dumating. edi #nganga.

Dahil sa pag-aabang na yun, nagawa ko namang magmuni-muni. Mga plano ko sa buhay o kung ano bang dapat kong gawin sa mga desisyon kong kailangan talagang pagdesisyonan!

Hanggang kinailangan kong isakripisyo ang maraming bagay tulad ng trabaho at pag-aaral para mailigtas ko ang sarili sa tinatawag kong “artehan”.

Naramdaman nyo na ba yun? Yung mga katanungan… para kanino o para saan ka ba nabubuhay? dumating ako sa punto na ‘yun. Ang hirap pala mga dre! Mabibigla ka na lang sa isasagot mo na “oo nga no?”. Bigla na lang tumigil ang buhay ko na para bang gusto kong i-restart.

Matapos kong iwanan ang eskwela at isa pang trabaho, nangamba akong matanggal pa sa nag-iisa ko na lang na pinagkukunan ng pagkakakitaan. Muli akong napatanong. Paano na ang bahay? ang postpaid ko? ang mga credit cards? Para lang ako nagdagdag ng mga suliranin na mahirap nang sulusyonan.

Doon ko naisip na mahirap palang bumalik sa umpisa. Mahirap palang daanan ang mga daang nadaanan mo na. Lalo na’t alam mong sa mga daanang iyon ay may mga bagay kang iniwanan na kailangan mo din palang alisin para makatawid ka.

Hanggang isang gabi sa kalagitnaan ng trabaho ko, nakatanggap ako ng memo. Hindi lang basta memo kundi last na memo na! — matatanggal na ako.

Dahilan ng mga memo? Madalas kong pagkaka late sa trabaho o mga tardiness ko. Hindi ko naman masisi sa traffic dahil normal na naman ‘to. Ang totoo nyan, nawalan na kasi ako ng motivation sa trabaho. Wala akong inspirasyon o mga dahilan man lang para ganahan akong magtrabaho. Isabay mo pa d’yan ang environment ng opisina. Yung tipong yung taong dapat ay nagpapalakas ng loob ko, sya pang humihila sayo pababa. Pero ibang usapan na yun. haha 😛

Sa kabila ng lahat, totoo pala ang sabi nila, may mga bagay pa rin talaga na dapat pasalamatan. Marami pa ring magandang pagkakataon na masusupresa ka na lang bigla.

Naganap ang Town Hall Meeting na quarterly kung ganapin sa company namin.

Hindi ko inaasahan, pero natawag ako sa awarding (na minsan lang may nakakakuha sa department namin) Tapos, tatlo pa ang natanggap ko. #EdiWow! 😛

  • Elite-Wow Page Award
  • Elite-individual Award
  • Elite-Attendance Award (na nakakatawa kasi puro memo ako sa tardiness pero nakatanggap pa rin ako ng ganito. Doon ko nalaman na hindi lang naman kasi sa attendance ang qualification ng award na ‘to kundi kasama na rin ang productivity)

Laking pasasalamat ko, dahil nagkaroon ako ng dahilan para i-apela ang dismissal ko, na kahit madalas akong mahuhuli sa pagpasok ay hindi ko napapabayaan ang trabaho ko. Nagawa ko pa ngang lagpasan ang expectation nila. (Laki ulo). lol 😛

Ngayong linggo, natanggap ko na ang hatol na kinalugod ko talaga. Na waived ang dismissal ko, na syang pinanghahawakan ko ngayon at katunayan na hindi lang ako ang may pasan ng mabigat na mundo!

Minsan kasi pakiramdam natin, tayo na ang pinaka malungkot na tao sa mundo. Na tayo na ang pinaka problematic na tao. na wala ng sulusyon sa mga problema natin. Na kailangan na nating sumuko na bahala na ang pagkakataon. Pero minsan kailangan din na’ting daanan ito para masabi na’tin na ganito pala talaga ang realidad ng buhay. Hindi tayo matututo hanggang hindi na’tin mararanasan o mauunawaan na mahirap pala talaga kapag biglang may mawala sa buhay natin dahil sa mga binitawang desisyon.

Ganito pala talaga ang buhay. Madalas nag-aasam kasi tayo ng instant. Madalas din tayo sumuko. Hindi natin nakikita yung mga maliliit na bagay na pwede din naman natin gawing inspirasyon o motivation para ganahan sa buhay.

Tandaan natin na marami pa rin talagang bagay at dahilan para magpasalamat sa buhay. 🙂

Salamat!

Ambisyoso Lang Talaga

%d bloggers like this: