Tag Archives: Kwentong Pambatang may aral

ANG ALAMAT NG TSINELAS


Sa isang malayong lalawigan na napapaligiran ng mga bundok at iba’t ibang anyong tubig tulad ng talon, sapa at mababatong ilog, isinilang si Tsi. Marahil mayroon siyang mga singkit na mata tulad ng mga Tsino kaya ito na ang ipinangalan sa kanya ng kanyang ama’t ina.

“Anak, bukang liwayway na, bumangon ka na’t maghanda na sa pagpasok” gising ng kanyang Ina.

Lumaking masipag na bata si Tsi, –ang nag-iisang anak ng mag-asawang sina Mang Tarding at Aling Elsa. Kaya naman bilang solong anak, alam nya na agad ang mga responsibilidad sa pagsisimula palang ng umaga. Bitbit ang maliliit na lalagyanan ng tubig, agad na syang pumupunta sa Sapa upang punuin ang mga bangang wala ng laman dahil ginagamit ito ng kanyang Ina sa paghuhugas ng pinggan sa gabi.

“Ina, puno na po ang banga, nakaligo na rin po ako sa Sapa” sabi ni Tsi

“Mabuti anak, magbihis ka na’t kainin na ‘yung almusal mo” sagot naman ng kanyang Ina.

Agad namang nagbihis si Tsi ngunit parang may kulang. Wala pa kasi s’yang sapin sa paa. Madalas na napupuna ng kanyang Ina ang mga sugat nito sa paa. Malungkot man para sa isang Ina na makitang walang sapin sa paa ang kanyang anak, wala naman itong ibang magawa kundi mangako.

“Anak pasensya na ha, hayaan mo kapag nakaani ng higit sa regular na dami ang tatay mo, at naibenta sa mga negosyante at mamimili sa bayan, makabibili na tayo sa sapin mo sa paa” pangako ni Aling Elsa.

“Talaga po Ina? Mainam po iyon dahil hindi na po masusugatan ang mga paa ko” masayang naisagot ni Tsi.

“Oo anak, kaya pagbutihin mo pag-aaral mo ha, para mas lalong ganahan ang Tatay sa pagtatraho” wika ni Aling Elsa.

“Sige po Ina, aalis na po ‘ko. Pwede ko po bang kainin na lang sa daan ‘tong almusal ko?” tanong ni Tsi.

“Ikaw talaga ang bagal mo kasi kumilos, hindi mo na tuloy nakakain almusal mo. O sige mag ingat ka” pabirong sinabi ng kanyang ina.

Masayang lumabas sa bahay ni Tsi dala ang mga nilagang saging na Saba kasama ang pangakong binitawan ng Ina.

Sa paglalakad, halos inaabot ng dalawang oras si Tsi sa pagpasok sa paaralan. Nakakainip iyon. Mabuti na lang at mayroon s’yang nakakasabay sa paglalakad –si Nel. Kapwa sila nasa ika-apat na baitang ng mababang paaralan ng Bomod-Ok.

“O nilagang saging, kain ka” pang-aalok ni Tsi sa kanyang kaibigan.

“Sige sayo na lang katatapos ko lang din kumain e,, salamat” tugon naman ni Nel.

“Ano namang kinain mo? tanong naman ni Tsi.

“Saging din. Pero minatamis na saging” Sagot ni Nel.

“Wow! Saan naman kayo nakakuha ng asukal?. Bigtime na talaga kayo ha!” pabirong tanong ni Tsi.

“Haha! May asukal lang bigtime na agad? Di ba pwedeng nakadiskarte lang ang tatay? Pabiro din itong sinagot ni Nel.

Masayang nag-uusap at nagbibiruan ang dalawang magkaibigan habang naglalakad nang mapansin ni Tsi ang sapin sa paa ni Nel.

“Wow Nel! May sapin ka na pala sa paa, napaka-swerte mo!” wika ni Tsi.

“Akala ko di mo mapapansin e. Binili ‘yan ni Nanay at Tatay kahapon sa bayan, nakakapanibago nga e”. sagot naman ni Nel.

Nakakainggit naman. Pwede ko din bang subukan ‘yan?” pagtatanong ni Tsi.

“Naku, pasensya na ha, bilin kasi ni Ina na ‘wag ko daw papasuot ito sa iba, bukod kasi sa baka masira agad, baka madumihan pa sa loob… Isa pa, hindi naman tayo magkasukat ng paa di ba? Paliwanag ni Nel.

Malungkot pero nauunawaan naman ni Tsi ang paliwanag ng kaibigan. Sa kanilang paglalakad kapansin-pansin ang pagbabago ng kapaligiran.

“Nel, kakaiba na ang tubig ng ilog ng Bumod-Ok ngayon no?” nagtatakang tanong Tsi

“Oo, sabi kasi ni Tatay gawa daw yan ng pagmimina nila sa taas ng bundok” paliwanag ni Nel.

“Pagmimina? Ano namang minimina nila sa bundok?” muling pagtatanong ni Tsi.

“Edi ginto. Hindi ko sinasadyang marinig si nanay habang kausap ang tatay kanina, ‘yan daw yung dahilan kung bakit mas maayos na ang buhay namin ngayon.” Paliwanag ni Nel.

“Talaga? Ang galing naman. O tara na tawid na tayo sa ilog” tugon ni Tsi at agad na ring nag-aya sa pagtawid ng ilog. “Teka, huhubarin ko muna sapin ko sa paa baka agusin e” pag-aalala ni Nel kaya hinubad n’ya muna ito.

Kinahapunan, sa muling pagbabalik ni Tsi sa kanilang tahanan, agad n’yang naikwento sa kanyang mga magulang ang bagong sapin sa paa ng kaibigan n’yang si Nel.

“Ina, alam nyo po ba? Si Nel may bagong sapin na sa paa” pagbabalita nito sa Ina.

“Talaga anak? Huwag kang maiinggit sa kanya ha” paalala naman ni Aling Elsa.

“Nakakainggit nga po e, pero sabi ko naman po sa kanya na bibilhan nyo din ako kapag nakabenta ng madaming gulay si Itay. Totoo ba yun Tay?” patuloy ni tsi at pagtatanong nito sa kanyang Tatay.

“Ahh e.. sige pagbubutihan ng tatay” sagot naman ni Mang Tarding na may kasamang pagkabigla sa tanong ng anak.

“Ayan ang saya! da best po talaga kayo ‘tay! Sige po mag iigib na po ako pero po sa kabilang sapa na, medyo malabo na kasi yung sa likod, isa pa ginagahan kasi ako mag-igib e!” masayang may kahalong pabida ng anak.

“Malabo na ba? Baka dahil yan sa madalas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw. Sige mag-iingat ka” paalalang sabi ni Mang Tarding.

Dahil sa nagulat si Mang Tarding sa nabanggit ng anak tungkol sa sapin sa paa, agad nagkausap ang mag-asawa.

“Mahal, hindi mo dapat pinapangakuan ang anak natin ng ganyan, sa kadahilanang baka hindi na’tin ito matupad, baka sumama pa ang loob di ba?” wika ni Mang Tarding.

“Alam mo namang binibigyan ko lang ng pag-asa ang anak na’tin Tarding, sa ganoon mas lalo syang magsipag kahit pa ilang kilometro ang nilalakbay nya makapag-aral lang” paliwanag ni Aling Elsa.

“Haaay.. Alam mo Elsa parang gusto ko na ngang tanggapin yung alok ni Mang Isko sa itaas ng bundok para magmina, nang guminhawa naman ang buhay natin” salaysay ni Mang Tarding.

“Naku Tarding, kakayanin mo ba iyon?” Pag-aalalang tanong ng asawa.

“Susubukan ko nang matupad naman natin yung kahilingan ng bata kahit yung sapin man lang sa paa” sagot ni Mang Tarding.

At ‘di nga nagtagal tinanggap na rin ni Mang Tarding ang trabaho sa minahan. Kaya laking tuwa ni Tsi isang umaga nang nakita n’yang mayroong bagay nakabalot sa tabi ng kanyang unan. Nagulat na lang siya sa kanyang pagbubukas nang nakita nya ang isang asul na sapin sa paa. Agad nyang pinasalamatan ang kanyang mga magulang at agad ding isinuot pangpasok sa eskwela.

Sa pagpasok sa eskwela, muli na naman silang nagkasabay ni Nel.

“Aba Tsi! Asensado na rin kayo ha! May sapin ka na rin sa paa” masayang sinabi ni Nel.

“Tama nga sabi mo, malaki nga ang kita sa minahan. Salamat sa Tatay mo ha” sagot ni Tsi.

“Sabi ko sayo e!” Masayang tugon ni Nel.

Bilang Bumuhos ang malakas na ulan. Kasabay noon ang mabilis na pagtaas ng tubig –isang mabilisang pagbaha.

“Naku Nel! Kailangan na nating magmadali tumataas na ang tubig sa ilog” pangambang sambit ni Tsi. Sa bilis ng agos ng tubig sa Ilog, naging mabilis din ang pangyayari sa dalawang batang magkaibigan. Sa pagmamadali nilang makatawid, biglang nadulas si Nel sa bato sa gilid ng Ilog.

“Tsi, tulungan mo ko!” nagmamakaawang sigaw ni Nel. Hindi naman nagdalawang isip si Tsi para tulungan ang kaibigan nito.

“Hawakan mo kamay ko, kumapit ka lang, huwag kang bibitaw!” wika ni Tsi.

Isa pang rumaragasang tubig ang sumaklob sa magkaibigan upang kapwa sila lamunin ng tubig.

Hindi na sila muling nasilayan matapos ang masamang pangyayaring iyon, maliban sa magkabilang pares ng sapin sa paa ni Tsi at Nel.

Ikinalungkot iyon ng buong baryo Bumod-Ok. Lalung-lalo na ang pamilya ni Tsi at Nel. Wala silang ibang masisi kundi ang minahan na naging bunsod ng sakuna. Nawala na kasi ang mga punong sumisipsip ng tubig tuwing umuulan. Nadaragdagan pa ang lupa sa ilalim ng tubig mula sa pagmimina sa taas ng bundok kaya mas lalong bumababaw ang tubig na nagiging sanhi upang maging mabilis ang pagtaas ng tubig sa ilog.

Naging aral iyon sa buong baryo kaya gumawa sila ng paraan upang matigil at maipasara na ang minahan. Nagkaroon naman ng ibang pagkakakitaan ang baryo bukod sa pagtatanim, -ito ang turismo. Bumalik sa dating ganda ang ilog lalung-lalo na ang talon ng Bumod-Ok at dumami ang turista. Naging dahilan ito upang magkaroon ng pondo ang baryo para mabigyan ng mga sapin sa paa ang mga masisipag na batang tulad nila Tsi at Nel –ang mga batang kinuha ng kalikasan nang madulas sa minsang pag-ulan sa baryo.

At ang mga sapin sa paang iyon ay tinawag na Tsinelas (Tsi+Nel+Dulas) bilang pag-alala sa mga batang naging daan para lubos na maunawaan ng mga tao ang delubyong pwedeng maging sanhi ng ‘di responsableng pagmimina.

“Ang pag-aaruga ng magulang sa anak ay tulad din dapat ng pag-aaruga anak sa kanyang Inang Kalikasan”