Tag Archives: sanaysay para sa edsa 25

PANGARAP NG EDSA


Kung anong bagal ng trapiko mayroon sa kahabaan ng EDSA, siya namang bilis ng takbo ng panahon.

Tama! saktong ika-dalawampu’t limang taon na ng pagdiriwang ng aniversaryo ng kauna-unahan at natatanging People Power sa mundo.

Ilang milyong sasakyan at katao na kaya ang nagpapabalik-balik sa EDSA na masasabi nating napamura at nangarap na sana balang araw ay mawala na ang salot na trapiko dito? ‘Yun naman ang maganda sa mga Pilipino, na kahit ang salitang “trapiko”, ay naikukonekta pa rin talaga sa salitang “pangarap”, -pangarap na pagbabago: na sana dumating na ang panahon na mawawala na ang mala-usad-pagong na trapiko.

Nasa talbos pa ako ng kamote noong panahon ng Martial Law at EDSA revolution, pero ilang milyon katao din kaya ang nangarap ng pagbabago para sa pamahalaan noong mga panahon na iyon? sa kabilang banda, ilang milyon din kaya ang natuwa noong natupad ito? :D

Noon, hindi ko lubos maisip kung bakit kailangang pag-aralan at gunitain ang EDSA revolution higit (sa ganang akin lang) sa araw ng kasarinlan ng Pilipinas?

Naisip ko, marahil ito’y tinawag na paglaya sa makabagong panahon lalo na’t nakalaban ng mga Pilipino ang kapwa nito Pilipino.

At kumpara sa pandaigdigang pananakop, ni-hindi gumamit ng dahas o anumang armas, ang mga nakikidigma bagkus prinsipyo, pagkakaisa at dasal ang mga isinamo dito.

At doo’y naisakatuparan at natamo ang inaasam-asam na pangarap na pagbabago na s’ya namang hinangaan at tinuran ng buong mundo.

Nakakatuwa at nakakalungkot nga’t hanggang ngayon ay tinutularan pa rin ng ibang bansa partikular ng Ehipto, Tunisia at marahil sundan na rin ng Libya. Nakakatuwa dahil nagkakaisa ang mga kani-kanilang mamamayaman at nakakalungkot dahil hindi maiwasang may masaktan dahil sa pansariling interes ng iilan.

Ngayon natamo na natin ang Pagbabago, may mga bagay pa ring hindi pala lubusang napupuksa na s’yang nagiging ugat para mabuo ang isang rebolusyon -kurapsyon.

At hangga’t may nananatiling ugat sa hindi mapuksa-puksang kurapsyon sa bansa, mananatili ang pangarap ng EDSA para sa pagbabago.

Natuwa-tuwa ang tema ng selebrasyon ng EDSA ngayon taon, akmang-akma kasi sa aral ng EDSA. Na sa atin naman talaga kasi magsisimula ang pagbabago. Kung mananatili tayong tapat sa kapwa at magiging disiplinado, tayo rin naman ang makakatamo ng pagbabago.

Gaya ng trapiko sa EDSA kung magiging mapagbigay at disiplinado lang tayo, hindi man lubusang mawala ang trapiko mabawasan man lang ang piligro dito.

At gaya pa rin ng trapiko sa EDSA na mala-pagong sa bagal, naniniwala akong anu’t pano pa man ay makakauwi pa rin tayo sa pagbabago. Hindi man ganoon kabilis pero siguro ako dito. Isipin nyo na lang, kung ang diktador na nanakot ng dahas at armas ay hindi tayo na kontrol, paano pa ang trapiko na tayo din naman ang kumukontrol dito? Anu’t ano pa man, ang aral na pinamana sa atin ng edsa ay ang bukas na katotohanan sa salitang pagbabago.