Mga Imbak na Marka: Sanaysay

Makuha ka sa tingi!


Noon pa man kultura na ng maraming Pilipino ang tumangkilik sa patingi-tinging bagay na mabibili sa mga pamilihan. Hindi na mabigat sa bulsa, natutugunan pa nito ang iba pang mga pangangailangan. Ang bawat tingi ay nagmumula sa bultuhan, at sa bawat bultuhang iyon maraming pwedeng mangailangan; maraming pwedeng makinabang.

Sa edad kong malapit nang itakwil ng kalendaryo, nasa sitwasyon na ako kung saan minumulto na ako ng hinaharap. Nakakatakot. Hindi ko mawari kung saan ba ako tutungo o kung saan ba ako mananatili. Hanggang naisipan kong magsimula muli sa butil. Mahirap damputin pero pinipilit kong pagsama-samahin. Ewan ko ba, nakatapos na naman ako pero bakit kumukuha pa ako ng bagong kurso, hindi ko alam kung “calling” ba itong maituturing o dahil sadyang hindi ko lang talaga alam ang pakinabang ko sa mundo.

Kulang ang 24 oras sa tulad kong pinagsasabay ang pag-aaral at paghahanap-buhay. Maswerte na nga ako kung pagkakalooban ako ng tatlo hanggang apat na oras na tulog. Nakakainggit nga minsan yung ilan na napakaraming oras para mamuna, manlait, mang-away at kung anu-ano pa. Kung maaari nga lang sanang manghingi ng mga oras nila para idugtong sa oras nang pagtulog ko, nilimos ko na.

Minsan naitatanong ko na rin sa sarili kung ano bang napapala nila sa paulit-ulit na diskusyon. Lalo na sa mga pagkakataong… ang isang mapanlinlang na balita ay tatapatan din ng isa pang huwad na balita. Nakakasawa.

Naalala ko pa ang napakagandang balitang napirmahan na ng Pangulong Duterte ang pagsasabatas ng pagkakaroon ng libreng edukasyon sa kolehiyo. Akala ko makakapagpahinga na ang mga litid sa lalamunan ng mga aktibista pero nakakatawang refund naman ngayon ang isinisigaw nila.

Totoo nga siguro ang sabi nila, na ang isang tao kapag galit sa kapwa nito, gumawa ka man ng tama, mali ka pa rin sa paningin nito. Kaya ako, kaysa pag-ukulan ng panahon ang mga usaping wala namang nananalo, mabuting pag-ukulan na lang na pansin ang sariling pag-unlad. At isipin kung paano ka ba makakaambag sa bansang nahahati sa maraming kulay.

Bilang mag-aaral sa larangan ng edukasyon, tungkulin kong pahalagahan ang katawagang iskolar ng bayan. At sakaling mapagtagumpayan ko ang larangang tinatahak ko, tungkulin ko namang gampanan ang profesyon na panunumpaan ko.

Kung tutuusin, kawalang-edukasyon ang ugat ng lahat ng ito. Kaya naniniwala akong ang edukasyon din ang sulusyon sa suliraning droga, krimen, kahirapan at sa marami pang aspeto.

Butil ang isa sa pinaka maliit na bahagi na mahirap hagilapin kapag nawala na, pero sa butil din nagsisimula ang lahat. Kaya sakaling matagpuan mo iyon sa sarili mo, ganoon na rin sa iba, sikapin mo itong hulmahin sa tama at sa paraang alam mo.

Nakakalungkot isipin, napakahirap ng ibalik sa dati ang isang bagay na alam mong bulok na. Mahirap tanggapin pero iyon ang katotohanang nasa huling bahagi na sila. Ang tanging pwede mong gawin ay agapan ang mga binhing malaki ang potensyal na namulaklak malayo sa mapesteng lipunan.

Bahagi tayo ng kabuuan, at ang bawat kabuuan natin ay may mga bahaging handa namang magbahagi para sa ikabubuo ng iba.

Hindi lahat ng hati ay patungkol lang sa kawalan ng pag-kakaisa, tungkol din ito sa pagtutulungan o kung paano ka makakaambag sa bayan na alam mong puno pa naman talaga ng pag-asa.

***

Ang sanaysay na ito ay lahok sa para patimpalak sa Saranggola Blog Awards 9 na may temang “sachet”

Note: Ang larawan sa itaas ay hindi ko pagmamay-ari, kuha ito mula sa internet,

 

LABING-APAT NA PARAAN PARA MASAYA MONG IPAGPATULOY ANG 2014


Tapos na ako sa pagbabalik-tanaw nitong nakaraang taon at panahon naman para maglista ng mga bagay para magkaroon ka ng dahilan at inspirasyon para hindi mo masabi sa sarili mo na “pauulit-ulit na lang ang nangyayari sa buhay ko!” tse! 😀

Sa pangarap naman talaga nagmumula ang lahat, pagkatapos noon isusunod mo lang ang gawa. Ang tanong, paano mo sisimulan ang pagtupad o paggawa’?

Narito ang fresh na fresh na listahan at ideya mula inspirado kong diwa: (may mapulot ka nawa) 😛

Continue reading LABING-APAT NA PARAAN PARA MASAYA MONG IPAGPATULOY ANG 2014

AKO SI OTEP, LAKING BULIHAN


Literal nang malayo ang narating ko. Sumakay sa mga bus na dumadaan sa kilo-kilometrong pazigzag at paakyat na lugar tulad ng sa Sagada at Baguio.  Sumakay ng eroplano at nagpaindayog sa hangin dahil sa milya-milyang layo makarating lang sa Davao at Iloilo. Sumakay ng mga bangka at barko habang magkaduwal-duwal sa mga hampas ng alon makapunta lang sa Guimaras at Mindoro. Mabasa man ng ulan o masunog ang balat sa tag-araw walang makakapigil mapuntahan lang ang mga pinapangarap kong lugar.

Wala namang kakaiba sa lugar namin. Walang magarbong park o plaza para dayuhin ng turista. Walang mall noon tulad ng Shoe Mart at Robinsons. Walang mga kainan tulad ng Jollibee at Mcdonalds. Walang nightlife. Wala. Walang-wala. Ang meron lang -alaala.

Noong nasa mababang paaralan ako na madalas ay nilalakad ko lang, naikwento ng guro ko noon ang pinagmulan ng aming lugar. Taniman daw iyon ng mga Buli na ang mga dahon ay madalas ihalintulad sa Anahaw. At tulad ng Anahaw na ginagawang abaniko madami din kapakinabangan ang Buli tulad ng paggawa ng banig at iba pa. Sa pagdaan ng panahon tinawag ang lugar namin bilang Bulihan.

Payak lang ang pamumuhay namin noon. Hindi lang lata ang bubungan namin pati na rin ang haligi. Lupa ang sahig namin at natutulog kami sa dalawang pinagtabing malalaking papag na yari sa kawayan. Mayroon kaming anim na puno noon, isang puno ng Mangga na laging hitik sa bunga, tatlong puno ng Guyabano at tig-isang puno ng Bayabas at Alatiris kaya ganoon na lang ang kalilim sa aming bakuran kahit tanghaling tapat pa. Mayroon din kaming mataas na bakod pero ang bakod na iyon ay gawa lang sa mayabong at malalagong halaman na hindi nauubusan ng bulaklak.

Sa gabi makakakita ka ng mga maliliit na liwanag mula sa mga alitaptap. Mayroon pa ngang usapang katatakutan na kung nasaan daw ang mga kulisap na iyon, ay nandoon din ang mga engkanto o aswang. Kaya walang masyadong naglalagi sa hindi pa sementadong daanan namin noon. Kaya naman sa pagpatak ng mga oras sa pagitan ng alas-otso hanggang alas-nuebe ng gabi halos wala ka nang makikitang tao sa labas dahil halos himbing na sa pagkakatulog ang lahat. Dahil malamig sa aming lugar noon sa Cavite literal kaming natututong mamaluktot sa iisang kumot.

Kahit simple lang ang pamumuhay namin noon dumadating kami sa oras na hindi na nagiging sapat sa limang magkakapatid ang salitang “simple lang”. Kinakailangan may magsakripisyo at madalas may kailangang iwanan.

Tulad ng magulang ko noon na kailangan lisanin pansamantala hindi lang ang lugar na iyon pati kami ng mga kapatid ko, hindi ko naisip na minsan sa buhay ko ay dadating din pala ako sa ganoong senaryo. Hindi para takasan ang mga kinakapos na simpleng pamumuhay kundi para maiayos kung ano man ang iiwanan para sa mas mahaba at mainam na babalikan.

Hindi naman ako OFW o mga bagong bayaning tinagurian, pero madalas kong gamitin ang mga litanyang “There’s no other place like home”. Kahit pa mukha ng squater area ang bahay namin na mayroon ng higit apat na pamilya. At kahit minsan literal ko nang nararamdaman at nasasabing parang wala na akong puwang sa bahay na iyon -masikip.

Madalas kong nararamdaman sa buhay ko na ang sarap palang balik-balikan ang mga ala-alang kahit hindi man kasing perpekto, pero alam mong bumubuo sa pagkatao mo.

Naisip ko, na kahit saan man pala ako mapadpad. Malibot ko man ang buong kagandahan ng Pilipinas o mundo, at matupad man ang mga pinapangarap kong mapuntahan, masarap isipin na bago ko muna pala sila narating dito ko muna pala sila unang pinangarap at nasilayan.

Ang larawan sa itaas ay ang tahanan namin. Ang lala na sobra! apat na pamilya na kasi ang naghahati-hati dyan, pero kahit ganyan na yan at mukha ng squater area (haha!), diyan po ako unang bumuo ng pangarap ko 🙂