MAKUHA KA SA TINGI!


Totoo nga siguro ang sabi nila, na ang isang tao kapag galit sa kapwa nito, gumawa ka man ng tama, mali ka pa rin sa paningin nito. Kaya ako, kaysa pag-ukulan ng panahon ang mga usaping wala namang nananalo, mabuting pag-ukulan na lang na pansin ang sariling pag-unlad o pag asenso.

Noon pa man kultura na ng maraming Pilipino ang tumangkilik sa patingi-tinging bagay na mabibili sa mga pamilihan. Hindi na mabigat sa bulsa, natutugunan pa nito ang iba pang mga pangangailangan. Ang bawat tingi ay nagmumula sa bultuhan. At sa bawat bultuhang iyon maraming pwedeng mangailangan; maraming puwedeng makinabang.

Sa edad kong malapit nang itakwil ng kalendaryo, nasa sitwasyon na ako kung saan minumulto na ako ng hinaharap. Nakakatakot. Hindi ko mawari kung saan ba ako tutungo o kung saan ba ako mananatili. Hanggang naisipan kong magsimula muli sa butil. Mahirap damputin pero pinipilit kong pagsama-samahin. Ewan ko ba, nakatapos na naman ako pero bakit kumukuha pa ako ng bagong kurso, hindi ko alam kung “calling” ba itong maituturing o dahil sadyang hindi ko lang talaga alam ang pakinabang ko sa mundo.

Kulang ang 24 oras sa tulad kong pinagsasabay ang pag-aaral at paghahanap-buhay. Maswerte na nga ako kung pagkakalooban ako ng tatlo hanggang apat na oras na tulog. Nakakainggit minsan yung ilan na napakaraming oras para mamuna, manlait, mang-away at kung anu-ano pa. Kung maaari nga lang sanang manghingi ng mga oras nila para idugtong sa oras nang pagtulog ko, nilimos ko na.

Minsan naitatanong ko na rin sa sarili kung ano bang napapala nila sa paulit-ulit na diskusyon. Lalo na sa mga pagkakataong, ang isang mapanlinlang na balita ay tatapatan din ng isa pang huwad na balita. Nakakasawa.

Naalala ko pa ang napakagandang balitang napirmahan na ng Pangulong Duterte ang pagsasabatas ng pagkakaroon ng libreng edukasyon sa kolehiyo. Akala ko makakapagpahinga na ang mga litid sa lalamunan ng mga aktibista pero nakakatawang refund naman ngayon ang isinisigaw nila.

Totoo nga siguro ang sabi nila. Na ang isang tao kapag galit sa kapwa nito, gumawa ka man ng tama, mali ka pa rin sa paningin nito. Kaya ako, kaysa pag-ukulan ng panahon ang mga usaping wala namang nananalo, mabuting pag-ukulan na lang na pansin ang sariling pag-unlad o pag asenso. At isipin kung paano ka ba makakaambag sa bansang nahahati sa maraming kulay.

Bilang mag-aaral sa larangan ng edukasyon, tungkulin kong pahalagahan ang katawagang iskolar ng bayan. At sakaling mapagtagumpayan ko ang larangang tinatahak ko, tungkulin ko namang gampanan ang profesyon na panunumpaan ko.

Kung tutuusin, kawalang-edukasyon ang ugat ng lahat ng ito. Kaya naniniwala akong ang edukasyon din ang sulusyon sa suliraning droga, krimen, kahirapan at sa marami pang aspeto.

Butil ang isa sa pinaka maliit na bahagi na mahirap hagilapin kapag nawala na, pero sa butil din nagsisimula ang lahat. Kaya sakaling matagpuan mo iyon sa sarili mo, ganoon na rin sa iba, sikapin mo itong hulmahin sa tama at sa paraang alam mo.

Nakakalungkot isipin, napakahirap ng ibalik sa dati ang isang bagay na alam mong bulok na. Mahirap tanggapin pero iyon ang katotohanang nasa huling bahagi na sila. Ang tanging pwede mong gawin ay agapan ang mga binhing malaki ang potensyal na namulaklak malayo sa mapesteng lipunan.

Bahagi tayo ng kabuuan, at ang bawat kabuuan natin ay may mga bahaging handa namang magbahagi para sa ikabubuo ng iba.

Hindi lahat ng hati ay patungkol lang sa kawalan ng pag-kakaisa, tungkol din ito sa pagtutulungan o kung paano ka makakaambag sa bayan na alam mong puno pa naman talaga ng pag-asa.

One thought on “MAKUHA KA SA TINGI!”

  1. Gahhd binabasa ko to ngayon. Nkikita ko mga pangarap mo. Gusto kitang yakapin. Yung mahigpit. Sobra. Hindi ko sasabhin miss kna nmin. Dahil playing safe yon. Pero miss na kita. Bigyan ka pa Sana ni Lord Ng pagkakataon maging masaya pa. Kulang pa Yung Saya.

    Like

Leave a comment