Category Archives: SANAYSAY

TATLONG KLIMA NG BANSA


Animo’y isang bahay na bato na kung iyong kakatukin ay tila mga nagbibingi-bingihan. At kung iyo namang pakikinggan tila kinukutya ka pa at ituturo sa kawalan. Mabuti pa nga itong may ari ng kubo, nanais ka pa ring papasukin kahit halos hindi na rin matirhan.

Ang Pilipinas ay matatagpuan malapit sa imahinasyong linya na naghahati sa hilaga at katimugang hemispiro ng mundo, na kung tawagin ay ekwador -ang sentro ng init mula sa araw. Kaya hindi na nakapagtataka na mainit talaga dito. Ang ating kapuluan ay matatagpuan din sa rehiyong tropikal ng kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko kung saan umuusbong ang mga malalakas na bagyo.

Tatlong buwan bago matapos ang taong 2006, tatlo ring mga bagyo ang tumatak sa aking isipan. Kung ating babalikan animo’y sinumpa ang Pilipinas sa sunod-sunod na dagok na dala ng pinaka-malalakas na bagyo ng taon. Nauna nang namasyal si Milenyo sa kalakhang Maynila at karatig nitong lalawigan, na matapos mamasyal iniwan na nakatiwangwang ang mga bilbord sa kalsada na aakalain mong malalaking lata ng sardinas na inapakan ng kung sino man. At mga poste sa ating kakalsadahan, kaya ang kuryente sa mga bayan ay mawalan liwanag. Nainggit at humabol naman itong si Reming sa biyahe ng kanyang kaibigan at ang punterya n’ya naman ay makita ang makapigil hiningang ganda ng bulkang Mayon sa ka-Bikulan, na matapos pagsawaang dayuhin ay nag-iwan ng daan-daang taong wala nang buhay na inalon ng putik at nabaon ng buhay. Nagsawa ang mga bagyo sa isla ng Luzon kaya itong si Seniang ay nagbago ng direksyon, sa mga isla naman ng Visayas ang kanyang tuloy. At nais pa yatang dumalo sa pagtitipon ng ASEAN. Subalit ang tagapangasiwa ng nasabing okasyon ay hindi sumang-ayon, kaya ito’y sinuspindi at Enero na lang daw itutuloy. Nagngitngit itong si Seniang kaya nag-Boracay na lang, iniwan n’ya ang kapuluan ng Aklan na guray-guray na kung iyong pagmamasdan ay lubha talagang nag-pakasaya itong si Seniang.

Ganoon pa man, nand’yan pa rin ang iba nating kababayan para tumulong at dumamay. Mag-abot ng kahit kaunti alang-alang sa pagka-makabayan. Hindi tulad ng iba na kahit puno ang bulsa ay ayaw magpakawala ng grasya dahil may nais itong paggamitan para sa sariling ikaliligaya. Kung ito sana ay para sa kabutihan pero kung tutuusin para rin sa sariling sisidlan.

Animo’y isang bahay na bato na kung iyong kakatukin ay tila mga nagbibingi-bingihan. At kung iyo namang pakikinggan tila kinukutya ka pa at ituturo sa kawalan. Mabuti pa nga itong may ari ng kubo, nanais ka pa ring papasukin kahit halos hindi na rin matirhan. Mayroon namang nagbibigay kung iyo namang tatanggapin, malalaman mo na ito’y hindi sa pagpapakatao, kundi sa pagpapakitang tao lang!

Matapos ang mga sigwang nagdaan, nahaharap naman tayo at ang ating pamahalaan sa problemang dala ng kakulangan sa patubig ng Angat Dam. Ito raw ay dahil sa nalalapit na pagdayo ni El Niño sa tag-init. Pero alam n’yo ba na may mas mainit pa sa tag-init? Kung inaakala ninyong dalawa lang ang klima ng bansa, ang tag-init at tag-ulan ay magisip-isip na kayo dahil wala pa man, damang-dama na ito.

Ang klimang tinitukoy ko ay mas makalat, mas madumi, mas malupit at mas lalong magulo pa sa dulot ng mga bagyo. At higit sa lahat mainit pa nga sa tag-init –ang eleksyon…, ang pulitika ng bansa.

Hindi na iba ang eleksyon sa atin, eleksyon na di mo malaman kung ang hangad ay mapabuti ang bayan o ang sariling kapakanan. Asahan mo na!, na sa papalapit na halalan kani-kanila na silang propaganda: propaganda para sa ikabubuti ng kanilang kandidatura, at propagandang ikasisira ng iba. Kung tutuusin mabuti kung ganito lang, ang masaklap ay nauuwi pa sa karahasan. Ngayon pa nga lang marami ng patotoo dito, ang pagpapasabog ng sasakyan ng pulitiko pati na rin ang patayan sa ibang lalawigan.Ang pulitika nga naman gagawin talaga ang lahat makuha lang ang upuang inasam-asam.

Anong ingay man ang dala ng ikatlong klima ng bansa, siguradong may dala naman itong mga ngiti para sa mga peryodista ng pahayagan. Siguradong magbabayad ng malaking halaga si pulitiko para bumango ang kanyang pangalan at sumingaw naman ang bahong tinataglay ng kanyang kalaban. Mapa-dyaryo, radyo at maging sa telebisyon man.

Syempre anong dumi man ng ikatlong klima ng bansa sigurado ring kita ang dala nito sa mga manlilimbag ng bansa. Buhay na buhay panigurado ang industriya ng imprentahan sa ating bayan dahil sa pagpapagawa ng mga: istrimer, baner, t-shirts, sumbrelo at mga flayers na gagamitin sa pangangampanya na kung titignan, dumi talaga ang dulot sa lansangan.

Ganyan talaga ang dulot ng ikatlong klima ng bansa. Sakit man sa ulo para sa karamihan, masagad man ang bulsa ni pulitisyan na galing rin naman sa kaban ng bayan, nakatitiyak naman akong dagdag laman ito sa bulsa ni pressman.

Nakakalungkot mang isipin na sa bansang mayaman sa kahirapan, ay naroon pa ang mga taong sakim sa kapangyarihan. Nakakainis mang isipin na kung kailan ang bansa ay may sugat pa dahil sa sigwang nagdaan, ay nagagawa pa nilang magbunganga at magpatayan. Bakit di nalang kaya nila idako ang kanilang atensyon sa mga taong nangangailangan. Mabuti pa ang ibang tao, wala mang puwesto sa pamahalaan ay nagagawang tumulong sa nakakaranas ng gutom at nawawalan ng masisilungan.

Tatlo, apat o lima man ang matitinding unos na magdaan, pito, walo o siyam-na-daan man ang mawalan ng buhay na dala ng sigwa sa kabayanan, o kahit sampu pa ang klima ng ating bayan, nakatitiyak ako na tayo’y babangon at mapapatuloy sa buhay, kung walang sakim at kung walang pang-sariling interes na maghahari sa buhay ninuman.

MAKUHA KA SA TINGI!


Totoo nga siguro ang sabi nila, na ang isang tao kapag galit sa kapwa nito, gumawa ka man ng tama, mali ka pa rin sa paningin nito. Kaya ako, kaysa pag-ukulan ng panahon ang mga usaping wala namang nananalo, mabuting pag-ukulan na lang na pansin ang sariling pag-unlad o pag asenso.

Noon pa man kultura na ng maraming Pilipino ang tumangkilik sa patingi-tinging bagay na mabibili sa mga pamilihan. Hindi na mabigat sa bulsa, natutugunan pa nito ang iba pang mga pangangailangan. Ang bawat tingi ay nagmumula sa bultuhan. At sa bawat bultuhang iyon maraming pwedeng mangailangan; maraming puwedeng makinabang.

Sa edad kong malapit nang itakwil ng kalendaryo, nasa sitwasyon na ako kung saan minumulto na ako ng hinaharap. Nakakatakot. Hindi ko mawari kung saan ba ako tutungo o kung saan ba ako mananatili. Hanggang naisipan kong magsimula muli sa butil. Mahirap damputin pero pinipilit kong pagsama-samahin. Ewan ko ba, nakatapos na naman ako pero bakit kumukuha pa ako ng bagong kurso, hindi ko alam kung “calling” ba itong maituturing o dahil sadyang hindi ko lang talaga alam ang pakinabang ko sa mundo.

Kulang ang 24 oras sa tulad kong pinagsasabay ang pag-aaral at paghahanap-buhay. Maswerte na nga ako kung pagkakalooban ako ng tatlo hanggang apat na oras na tulog. Nakakainggit minsan yung ilan na napakaraming oras para mamuna, manlait, mang-away at kung anu-ano pa. Kung maaari nga lang sanang manghingi ng mga oras nila para idugtong sa oras nang pagtulog ko, nilimos ko na.

Minsan naitatanong ko na rin sa sarili kung ano bang napapala nila sa paulit-ulit na diskusyon. Lalo na sa mga pagkakataong, ang isang mapanlinlang na balita ay tatapatan din ng isa pang huwad na balita. Nakakasawa.

Naalala ko pa ang napakagandang balitang napirmahan na ng Pangulong Duterte ang pagsasabatas ng pagkakaroon ng libreng edukasyon sa kolehiyo. Akala ko makakapagpahinga na ang mga litid sa lalamunan ng mga aktibista pero nakakatawang refund naman ngayon ang isinisigaw nila.

Totoo nga siguro ang sabi nila. Na ang isang tao kapag galit sa kapwa nito, gumawa ka man ng tama, mali ka pa rin sa paningin nito. Kaya ako, kaysa pag-ukulan ng panahon ang mga usaping wala namang nananalo, mabuting pag-ukulan na lang na pansin ang sariling pag-unlad o pag asenso. At isipin kung paano ka ba makakaambag sa bansang nahahati sa maraming kulay.

Bilang mag-aaral sa larangan ng edukasyon, tungkulin kong pahalagahan ang katawagang iskolar ng bayan. At sakaling mapagtagumpayan ko ang larangang tinatahak ko, tungkulin ko namang gampanan ang profesyon na panunumpaan ko.

Kung tutuusin, kawalang-edukasyon ang ugat ng lahat ng ito. Kaya naniniwala akong ang edukasyon din ang sulusyon sa suliraning droga, krimen, kahirapan at sa marami pang aspeto.

Butil ang isa sa pinaka maliit na bahagi na mahirap hagilapin kapag nawala na, pero sa butil din nagsisimula ang lahat. Kaya sakaling matagpuan mo iyon sa sarili mo, ganoon na rin sa iba, sikapin mo itong hulmahin sa tama at sa paraang alam mo.

Nakakalungkot isipin, napakahirap ng ibalik sa dati ang isang bagay na alam mong bulok na. Mahirap tanggapin pero iyon ang katotohanang nasa huling bahagi na sila. Ang tanging pwede mong gawin ay agapan ang mga binhing malaki ang potensyal na namulaklak malayo sa mapesteng lipunan.

Bahagi tayo ng kabuuan, at ang bawat kabuuan natin ay may mga bahaging handa namang magbahagi para sa ikabubuo ng iba.

Hindi lahat ng hati ay patungkol lang sa kawalan ng pag-kakaisa, tungkol din ito sa pagtutulungan o kung paano ka makakaambag sa bayan na alam mong puno pa naman talaga ng pag-asa.

KM3: TINIG (HIGIT SA TINIG)


Sa panahong napapamura ka sa hirap ng buhay kasabay ng pagdaing ng naghuhumiyaw mong sikmurang kumakalam, madalas mong tampulan ng sisi ang pamahalaan.

“‘tang ina! kung hindi dahil sa mga Buwaya sa gobyerno hindi tayo magkakaletse-letse!”

Sa sitwasyon tila mahirap ka pa sa dagang naninir’han sa suluk-sulok ng siyudad. Habang tumatae sa tinatawag na ilog ng buhay. Masasabi mong pinagkaitan ka ng panahon, sinakluban ng pagkakataon. Bukod pa sa sinasabi mong langit at lupa.

Continue reading KM3: TINIG (HIGIT SA TINIG)