Kagabi, isang text mula sa isang malapit na kaibigan ang aming natanggap. Muli na naman palang isinugod sa ospital ang kapwa-kaibigan namin na pawang kaibigan din ang salarin sa kagkakalobo ng kanyang tiyan. ( friendly e.) 😀
Kaya naman bilang kaibigan agad kaming nagplano ng isang paglusob este pagbisita sa ospital. Huli na ng malaman naming nakauwi na pala sila sa bahay at kagabi pa pala naganap ang pag-sugod.
At dahil maaga naming nalaman ang balita, kamuntikan naming naabutang naglalakad na agad ang bata. toinks!
Ayun, kaya napagpasyahan na lang naming bumisita sa bahay nila at imblis na prutas, pizza ang aming dinala.
Noong nandun na kami sa tahanan nila, umandar na agad ang aming kakengkuyan. Pero ang totoo na miss lang namin ang isa’t isa. Iba na talaga pag bigtime na ang mga kaibigan mo bibihira na lang kung magkita-kita at ang masaklap na katotohanan, kung wala pang ma oospital hindi pa kami magkikita-kita.
umandar agad ang kalokohan ko at umaktong may namatayan pagpasok sa kuwarto kung saan doon s’ya nakahimlay este nagpapahinga.
OTEP: Aneng! bakit mo kami iniwan huhuhuhu..
KAIBIGAN1: Huhuhuhuhu… mabuti naman at naabutan ka pa naming buhay..
KAIBIGAN2: Huhuhuhuhu.. nandito na kami..
Sabay tawanan.. Nyahahahahahaha (miss ko tuloy yung scene 😦 )
Syempre naging mausisa na kami kung bakit muli na naman s’yang naospital.
Hindi ako maalam sa pagbubuntis dahil hindi naman ako Duktor o Nurse at mas lalong wala akong matres.
nakabuka na daw kasi yung Kuwelyo ng nilalabasan ng bata.
OTEP: biruin mo yun, may damit na agad ang bata pag labas. 😛
MGA KAIBIGAN: (tawanan) Nyahahhahha 😀
kaya ilang buwan na rin s’yang nakahiga, first baby kasi n’ya at bawal ang magkikilos.
At dahil maselan ang kanyang pagbubuntis may mga pagkakataong nakadarama s’ya ng matinding sakit. Anim na buwan pa lang ang dinadala n’ya kaya hindi puwedeng basta-basta na lang lumabas ang bata. Kaya noong nakadama s’ya ng muling pagsakit at kinakitaan ng pagdurugo dinala s’ya sa ospital pero hindi pa doon natapos ang kuwento.
Kapwa nagtatrabaho naman ang mag kasintahan (mag-asawa) pero dahil nga sa pangyayari kailangan munang i-give-up ni babae ang pagtatrabaho at dahil maselan nga ang pagbubuntis, pati si lalaki at kailangang lumiban muna sa trabaho. Kapwa din naman sila may pamilya pero dahil hindi naman sila mayayaman may pagkakataong magigipit sila.
At ito na nga ang istorya, makailang ulit daw silang pinagpasa-pasahan ng mga ospital. Lahat may kani-kanilang paliwanag kung bakit hindi sila maaaring tanggapin
- ke-kulang daw sila sa pasilidad at equipment tulad ng incubator
- ke-puno ang lugar
- at ke* ke* buretse nila
at ang pinakamasakit sa lahat ang hindi sila tanggapin sa pribado dahil wala silang pampayad ng ganoong kalaking halaga na sakaling operahan ang anim na buwang buntis na kaibigan ko.
Nakakatawa at nakakinis na isipin ganoong emergency na ang kalagayan ng pasyente nakukuha pa nilang magtawaran porsyon na tila nasa isang game show, at ayon sa kaibigan ko umabot pa daw sa estimation ng P200,000.00 pesos hindi pa daw kasama doon ang professional fee ng hinayupak na duktor ng kinakausap nila.
In short, ginagawa nila iyong dahilan upang mapilitang umalis ang pasyente.
Sa isa pa ninyang kuwento noong pumunta naman sila sa isang pampublikong ospital, tila hindi naman daw maituturing na ospital ang ganoong ka-dukyot, nagkalat di umano ang mga dugo sa lapag at mas lalo na daw pagdating sa palikuran. At ang kanilang emergency room ay maihahalintulad di umano sa palengke ang mga tiles.
at sa pang-apat na ospital naman na pinuntahan nila, napaka walang-pinag-aralan daw kung umasal ang isang duktor nila doon, habang halos ipahiya ang labing-walong taong gulang na babae na nakunan na kasabayan n’ya ospital noong mga oras na iyon.
Nangyari na ang nangyari para sa babaeng tinutukoy ng kaibigan ko at bilang propesyonal na duktor marapat lang na matuto s’yang hawakan ang pasyente n’ya at hindi sabihan ng mabibigat na salita. Hindi ko na lang isusulat dito ang saktong sinabi ng duktor sa babae dahil hanggang ngayon inis na inis pa rin ako. At baka pati kayo hindi makapaniwala.
Hindi naman lahat ng duktor ay ganun, at kahit sabihin na’ting pagod ang isang duktor hindi n’ya dapat sinasabi ng ganoon lalo na sa isang babaeng nasa ganoong kalagayan.
Ang dating kasi, parang walang karapatang magkamali ang isang tao.
Sa ibang banda, kung mayroon lang sana tayong sapat na budget para sa Kalusugan hindi na siguro nangyayari sa tulad ng kaibigan ko ang pagpasa-pasahan na tila bola at hangin lang ang laman ng tiyan nito at hindi tao.
Kung mayroon lang sigurong sapat ng budget para sa Kalusugan hindi na magagawang pumila ng napakahaba ang mga pasyente dahil magkakaroon na ng mga pasilidad na puwedeng umukupa sa mga pasyente.
Kung mayroon lang sigurong sapat na budget para sa Kalusugan hindi na siguro mag-aalisan ang mga magagaling nating duktor at hindi na sila mauuwi sa pag-nanurse. Kung mayroon din sana tayong sapat na budget maiiwasan na siguro ang pagkamatay ng mga sanggol, na tulad ng sinasabing dahilan ng isang ospital kung bakit ayaw siyang tanggapin o ayaw muna nilang tumanggap dahil sa sakit na dumadapo sa mga sanggol.
Ayon sa nakalap kong datos na makikita n’yo sa ibaba, nakakapanlumong doble-doble ang taas na nilalaan natin sa ibang bagay o pambayad utang kaysa sa nakalaan sa Edukasyon at Kalusugan, na ang matinding tanong tayo rin ba ang nakinabang sa inutang natin (nila) o napunta lang sa ibang kamay?
Hangga’t may mga virus sa ating lipunan na nagbabanta at patuloy na lumalaganap hindi pa rin mawawala sa ating isipan kung hanggang kailan tayo mag-titiis.
Sa mga panahong ito, ngayong nalalapit na naman ang eleksyon nabubuhayan na man tayo ng pag-asa para sa pinapangarap nating pagbabago sa ating bansa.
Ang pangarap nating hindi man maging isang daang porsyento ang pagbabago mabawasan man lang.
Naniniwala akong hangga’t may nabubuhay na sanggol sa mundo, may pag-asa! na tutupad sa mga pangarap natin para sa bayan na susugpo sa tinaguriang kanser ng lipunan.