KUNG AKO LANG SANA SI ASTROBOY!

2010 Pebrero 8

Ibinalik muli ng SM Manila yung promo nilang sine na P10 peros lang. Kailangan mo lang mag add ng 5 pesos para dun sa amusement tax na tinatawag nila kaya 15 pesos na. Kaso pinapalabas doon yung mga movie na napalabas na. Pero okay pa rin naman kasi karamahin sa mga pinapalabas ay hindi ko pa napapanood.

Syempre weekend na naman! at sobra akong nabuburo sa bahay kaya lumabas ako at pumunta sa SM para magpalamig. Nakakapagod maglakad kaya naisipan ko nalang maupo at manood sa sinehan sa halagang 15 pesos. At tiyempo uli na ASTROBOY yung palabas (hindi ko pa napapanood).

Noon ko lang nalaman na ganun pala ang istorya ni Astroboy, na mula sa isang normal na bata, at dahil sa isang aksidente ay naglaho s’ya. Sa pamamagitan ng DNA gumawa ng robot ang kanyang ama na kawangis ng kanyang anak, na parehong-pareho  talaga. Gumana ito at nabuhay sa kagustuhan ng ama. Kaso dahil robot nga si Astroboy at sa pamamagitan ng Blue Core Ball (positive) na inilagay dito, naging malakas si Astroboy at nagkaroon ng katangian na wala sa normal na bata bukod sa talinong taglay na ni (kobe*) noon.

Kaso sa isang kuwento hindi puwedeng di mawalan ng kontra bida. Nais itong buwagin ng isang opisyal kaya hindi sila tumigil para sirain si Astroboy hanggang sa napadpad ito sa tambakan ng mga luma at mga sirang robot.

Doon nya nakilala yung mga kaibigan n’ya. Matagal bago nila natuklasan na robot pala si Astroboy. Noong una hindi nila matanggap na robot pala si Astroboy pero kalaunan natanggap na nila ito dahil wala namang masamang nagawa si Astroboy sa kanila bagkus naging mabait pa nga ito sa kanila.

Hanggang dumating na nga sa lupa yung kalaban ni Astroboy para kuhain yung blue core na nasa katawan n’ya. Ganda ng labanan! tuwang-tuwa ako sa mala rocket na paa nya. pati puwet n’ya nagkakaroon ng machine gun. At habang pinapanood ko yun para akong bumalik sa pagkabata.

Noon ko lang nalaman na ang swerte pala ni ASTROBOY na sa kabila ng katayuan n’ya maraming nagkakagusto sa kanya. Marami s’yang natulungan. At kaya n’yang ialay yung pangalawang buhay na ipinagkaloob sa kanya.

Sana naging ASTROBOY na rin ako!, siguro gugustuhin din nila akong maging kaibigan. Alam kong meron ding kaaway na maglalayo sa’kin sa mga kaibigan ko. Pero sisiguraduhin kong kahit may kontrabidang maglalayo sakin sa kaibigan ko, mananatili pa ring kaibigan yun para sakin. Kahit siya o sila pa ang umayaw sakin.

At para sa kontrabidang iyon, may karma ka din! Sasabog din ang Red Core Ball (negative) mo!

SABI NI OTEP…

2010 Pebrero 4
ni otep

Wala namang maling pagmamahal, hindi mo naman mamahalin ang isang tao kung walang dahilan, sadyang may maling sitwasyon lang talaga na kahit anong gawin mong paraan para mapasakamay ito ay hindi mo magagawa.

Teka babalik ako, gerbaks muna..

PAGLALAKBAY

2010 Enero 29

Nakakailang pahina na rin ako sa isinusulat ko, pero malayong-malayo pa ito sa gusto kong mangyari. Kasing layo ng nararating ko para lang makahanap ng maganda-gandang daloy ng istorya.

Kamakailan, dinala na naman ako ng mga paa ko kung saan-saan. Mula sa Manila City Hall, sumakay ako ng LRT (Central Station) at bumaba sa Edsa Taft. Mula doon muli na naman akong sumakay ng tren (MRT).  Para akong adik na hindi ko mawari kung saan ako pupunta. Ang dami ko ngang mall na nadaan sa EDSA. Hanggang makarating na ako sa dulong istasyon nito -North Avenue. Pumasok ako sa loob ng mall doon -ang Trinoma. Matagal-tagal nadin akong di nakapunta doon at natatandaan ko pa noong huling punta ko, noong autograph signing pa ng I-Witness DVD sa Powerbooks.

Gaya ng dati, wala na naman nangyari sa pinunta ko doon, hindi pa rin ako makapulot ng kuwento. Matapos pagmasdan ang mga makukulet na tubig na naglalaro sa mall na iyon, lumabas ako at pumunta sa kabilang mall -SM North EDSA. Pumunta ako sa IMAX at binalak na manood ng AVATAR na binibida sa akin ng isang kabigan na ubod daw ng ganda. Kaso medyo may kamahalan, wala naman akong kasama para may manlibre sa’kin.

Naubos lang ang oras ko kakalakad. Kung totoo lang sana yung kasabihan sa radyo na nakadaragdag ng tangkad ang paglalakad okay pa sana.

Sabi : Sa bawat 100 kilometro daw na paglalakad mo katumbas ito ng 1 inch na kalyo, so kung susundin mo ito at maglakad ng 500 kilometro sa kabuuan may 5 inches ka na agad. At kung 5′5 ka na ngayon magiging 5′10 ka na. (not bad). e iyon ay ayon lang sa korning joke napakinggan ko sa radyo ukol sa pagtitipid ng gasolina.

Bumalik ako sa Trinoma at nanood na lang ng Sine -Salomon Kane. Kasamaan laban sa Mabuti parang ganun. Demonyo laban sa dating masamang tao? (parang ganun uli). Hindi makatotohan ang istorya pero makatotohanan ang aral sa dulo na kahit anong pagiging masama at naging kasalanan mo noon puwede ka pa ring gumawa ng mabuti sa dulo.

Sa huli natapos ang araw ko sa panonood ng sine. Alas 12:00 na nang umaga noong nakalabas ako sa Trinoma at nag isip kung paano makakabalik sa bahay. Nakita ko ang MRT at naalalang weekdays pa rin pala kaya hanggang ala-una pa ang MRT.

Sana pala sa ganitong sitwasyon lagi ang MRT kakaunti lang ang tao, walang init kang mararamdaman higit sa lahat wala kang nakikitang nakatayong tao sa loob ng tren. at mas higit sa lahat mas matititigan mo ng lubos pag may nakita kang bagong crush lols. :D

Noon ko namasdan lahat ng tao sa loob ng tren, pawang mga inaantok at may kani-kanilang iniisip kahit ang iba’y tila tuluyan ng nakatulog. Noon ko din naisip na lahat nga pala tayo ay may kani-kaniya ding kuwento.

Bumalik uli sa isip ko yung isinusulat kong kuwento, wala pa rin palang ibang puwedeng pagkuhaan ng ibang kuwento kundi ang sarili mong karanasan.

Siguro sa ganitong paglalakbay gamitin na lang nating mga tauhan ang mga nakakasalubong na’tin sa buhay at iyon ay walang iba kundi sila ding taong naging parte ng iyong sariling karanasan.

My site was nominated for Best Foreign Language Blog!

****

Participate @

GUSTO KONG MAGSULAT?

2010 Enero 17

Pinangako ko sa sarili ko na bago matapos ang taon, makakabuo rin ako ng sarili kong libro,  na may limang daang pahina na may 10points ang bawat letra. ambisyoso no?

Kagabi (sabado) inisip ko nang magsimula habang nagsusunog na oras. Hala! hindi ko na alam kung paano sisimulan. Ni-hindi ko nga alam kung sa anong letra magsisimula ang unang salita na isusulat ko.

Nakadapa, Kagat-kagat ang ballpen habang magkasalubong ang kilay at bahangyang tumitingin sa bubungan namin. Walang gustong pumasok sa utak ko!

Ambisyo lang talga ako, kung ang mga batikan at sikat na awtor nga ng Pinas kahit na yung mga porenger ay inaabot ng madaming buwan katumbas ng taon at higit pa. Ako itong si adik ay gusto na agad na makatapos ng kuwento.

Akala ko tulad din ng pagsusulat ng libro ang pagsusulat sa blog, na sa bawat pagtipa ng isang pangungusap susundan na ito ng madaming talata dahil gustong-gusto kumawala ng mga naiisip mo agad-agad. Ganoon din naman sa pagbuo ng kuwento sa pamamagitan ng literal na pagsusulat. Pero bakit tila naiistrok ang mga daliri ko para hindi maglapat ang ballpen sa isang buong yellow pad na binili ko.

Hmm.. kung iniisip n’yo na bakit hindi ko na lang itype sa computer tulad ng pagbablog ang isusulat kong nobela ang gawin ko, para tuloy-tuloy din ang daloy ng isip ko…. -hindi ko din alam. Siguro takot lang akong mawala ang pinagpaguran ko sa isang saglit lang tulad ng mga karanasan ng mga paborito kong awtor.

Ang pagiisip ng walang maisip ay mas nakakapagod no! kaya tinabi ko na lang yung yellow pad na gamit ko at naisip na iblog nalang na hindi ako makapag-isip.

Habang ibinablog ko ito ngayon.. nakita ko yung mga luma kong blog posts na nasa borador ko. Hala! ang dami at panay emo posts.. mga sakit na naranasan ko at mga kalungkutang hindi ko kayang ilahad sa inyo.

At ngayong masaya na ako…. parang “Malungkot lang pala ako, kaya gusto kong gumawa ng Libro”. Paano ‘yan masaya ako? baka hindi na matupad ang pangarap kong libro.

Ayoko namang maging malungkot muli para makapagsulat.

Tinamad lang siguro.

My site was nominated for Best Foreign Language Blog!

****

Participate @

GAYA NG DATI

2010 Enero 12
ni otep

Madalas, sobrang napapaisip pa rin ako. Siguro sobrang saya mo na. Siguro bumalik ka na sa normal tulad ko, may mga problema, pero hindi na yung problemang hatid noong huli tayong nagtagpo.

Ilang buwan na ba? tatlto.. apat? lima? hindi pala ganun kadali yun. lalo na kung ayaw mo pa kumawala. Mahirap palang kalimutan yung mga bagay na pilit mong iniwawaksi.

Dati habang iniisip ko yung mga panahong kasama ka lagi akong umiiyak.

Ngayon wala na, natutuhan kong mas masayang alalahanin yung mga bagay na masasaya na hindi ka nalulungkot.

Ito pa, dati kapag naiisip ko yung mga bagay na iniyakan ko, nahihiya ako sa sarili ko ngayon, tinatawanan ko na lang. Tulad noong naupo ako sa hagdang bato habang kausap s’ya sa phone, hindi pala dapat kinakahiya yun bagkus naging patunay na minsan ay naranasan mong magmahal.

Dati iwas na iwas akong kumain sa mga fastfood.. Mcdo., Jollibee, KFC ect. lalong lalo na yung sa Chowking kung saan doon tayo unang kumain at Halo-halo pa nga yung inorder natin. Nagkataba-taba nga ako nun, kasi halos… walang pagkikita na hindi tayo kumakain.

Saka malilimot ko ba yung mcdonalds kung saan doon din natin tinapos?

Kakatawa talaga.

Ngayon, pagkumakain ako mag isa.. nangingiti ako at inaalala ko noong kasama pa kita.

Dati ni-ayaw ko na ring tumikim ng ice cream ikaw kasi naalala ko, iwas na iwas talaga akong makaalala ng mga bagay ng nakadikit sayo.

Ngayon, pagnakakakita ako ng ice cream parang gusto kong lantakan ang lahat kasi naalala ko yung mga oras na nilibre mo pa ako ng drumstick.

Dati sabi ko hindi na ako manonood ng sine, syempre dahil maalala na naman kita.

Ngayon kayang kaya ko na.. iniisip ko na lang na kahawak kamay na naman kita. Kakatawa pero ayos lang wala namang nakakakita.. saking nakangiti mag-isa.

Dati, tinatago ko na lahat ng mga bigay mo sakin. Galit na galit akong nakikita yun, lalo na noong sinabi mong napilitan kalang gawin yun dahil nahihiya ka sa mga binigay ko.

Ngayon, katabi ko pa sila matulog at idini-display pa sa taas ng telebisyon habang inaalala yung mga panahong inaabot mo sakin yun.

May naalala pa nga ako. Pinagtawanan pa ako sa isang event na pinuntahan ko, kasi nakakita daw sila ng manika sa bag ko. Asa naman sila! hindi Manika yun! Aso. nayahahhahaha :D

Marami pang iba.

Napatunayan ko na kaysa isumpa ang mga araw na yun, alalahanin na lang yung mga panahong masasaya.. mas madali kang makakamove on at mawawala pa yung “sama ng loob” na tinatawag.

Mas masaya ngayon kaysa dati :)

Kaso parang may kapalit din pala ang pagiging masaya… ewan ko ba!.

Noong mga nakaraang linggo sunod-sunod ang mag nagtetext sakin, nakakapagtaka lang dahil kapag tinatanong ko sila, sabi pinasa lang daw sa kanila.

“OK” na lang sagot ko.

Minsan nakipag kita ako dahil wala namang magawa.

Dati pag nakakakita ako ng may hitsura sobrang kinikilig na agad ako.. bakit ngayon wala?

Ewan na naman ang sagot.

Kanina nakita ko yung karas ko sa baba ng building namin, yung dating pag nakita mo s’ya pakiramdam mo buo na agad ang araw mo kahit nag-uumpisa pa lang…

Ngayon wala na yung kilig na nararamdaman mo.

Ito na ba yung kabayaran sa pagiging masaya ko? Nagiging kontento ako sa lahat ng bagay. At tila wala ng hinihintay… wala ding inaabangan.

Kung meron mas siguro yung tulad n’ya rin. (choosy? lols)

May magpapaliwag kaya sa nararamdam ko ngayon.?

Sa Huli…. Masaya ako. yun lang. :)

My site was nominated for Best Foreign Language Blog!