Tag Archives: Truck ng Basura

ANG PANGARAP NI BENJIE


Sa mundong ating kinagagalawan realidad ng maituturing na mayroon talagang hindi pagkakapantay-patay. At isa sa pinaka payak na halimbawa dito ang pagitan ng mahihirap sa mayayaman.

Anila, kailangan daw ng mahihirap sa mundo para bumalanse ito. Katulad sa sitwatwasyon ng isang basurero. Sino na nga ba ang maghahakot ng mga basura kung wala ito? Ganoon din sa ibang trabaho tulad ng pagiging tubero at mga naglilinis ng mga poso-negro?

Kung iisipin nga naman, kung ikaw ay isang edukadong tao bakit mo nga naman aatimin ang mga ganitong uri ng hanap buhay? Syempre hindi di ba? kaya nga tayo nag-aaral para hindi maranasan ang ganitong trabaho.

So ano ba pinupunto ko?

Kagabi, pinanood ko ang I-Witness episode ni Sandra Aguinaldo ukol sa mga ‘BOY KAHOY’. At gaya ng pagkakaintindi na’tin sa titulo, patungkol ito sa mga batang magkakahoy na sa murang edad ay nagbabanat na ng mga buto. Hindi lang para sa sarili, kundi para din sa kanilang pamilya para matugunan ang mga dumadaing o kumakalam nilang tiyan.

Gaya mo at gaya ko, may kani-kaniya tayong pangarap sa buhay. Maaaring pangarap sa sarili, sa pamilya o kahit sa bayan. At tulad ni Benjie, mayroon din s’yang pangarap. Hindi man kasing tayog gaya ng pwede nating isipin pero napakahalaga talaga.

“Gusto kong.. may masuot na maayos , para hindi ako marumi tignan..” “Pangarap ko lang makapagtrabaho ako e, kahit anong trabaho okey lang sa’kin…” “..magkabalikan sila.., para tatay ko po bubuhay sa’min…”

-Benjie

Magkahalong supresa at pagkamangha ang naramdaman ko nang marinig ko ito sa kanya. Parang napaka bata pa niya para sabihin’ yan.

Sa pagkukwentuhan nila ni Sandra, pagiging driver ang pinapangarap ni Benjie sa paglaki n’ya. Hindi ko alam kung matatawa ako o mapapaisip ako noong tinanong siya muli kung anong klaseng driver ang gugustuhin nya. Ang tanging naisinagot niya ay ang pagiging driver ng basura!

Hindi sa pag-e-emote, pero tila pinahiya ako ni Benjie sa pangarap nya.

Siguro kaya niya naisip yung mga ganung pangarap dahil alam nyang ganoon lang ang magiging kapasidad ng buhay n’ya pagdating ng panahon. Maaari ding naisip n’ya na malabo na s’yang makapag-aral kaya mas tumimbang sa kanyang pangarap ang makapagtrabaho na agad.

Pero anu’t ano pa man iyon, importante natututo tayong mangarap. Gaano man kababa o kaliit, tandaan natin na sa maliliit at mabababa muna nabubuo ang isang malaking pangarap.

Kaya importante talagang nagkakaroon ng isang pangarap ang bata. Dapat malaman ng lahat na sa tulong isang pangarap nabubuo ang mga motibasyon at inspirasyon ng isang bata para matutong magsikap ito.

Ganoon pa man, walang maliit o malaking pangarap. Tandaan natin na lahat nagsisimula sa butil. At mula sa butil na iyon unti-unting tutubo ang maraming pag-asa na maaaring mamunga ng pagbabago.