Tag Archives: i-witness

AMBISYOSO


Sa totoo lang, hindi ko alam ang mararamdaman ko ngayong nakatanggap na ako ng isang mensahe sa pamamagitan ng e-mail mula sa I-Witness.

Hi, Joseph!
 
We are giving others the chance this time. 🙂 Being one of the participants in last year’s docu-seminar automatically disqualifies you from this year’s.

Thank you for the entry anyway. See you at the docufests this October.

Yeah tama ang sabi nila. Napili na kasi ako last year sa 1st I-Witness docu seminar, at masasabi kong isa iyon sa pinaka-rewarding na natanggap ko sa buong buhay ko.

At dahil nga doon hindi na ako uli makakasali sa 2nd I-witness docu seminar. Sa totoo lang alam ko namang magkakaganito kahit wala silang announcement na disqualified na ang mga nakasama last year. Pero dahil ambisyoso at may pagkasakim, gumawa pa rin ako ng essay at take note! ni rush ko talaga ng buong isip at puso. nice! (i click ito)

Sana lang nabasa nila, ayos na sa’kin yun para malaman nila kung gaano ko kinagigiliwan at kinapupulutan ng aral ang programa nila 🙂

Samantala, narito pala ang chosen entry ko noong nakaraang taon, basahin n’yo kasi dahil d’yan maraming umaway sa’kin sa ‘net, partikular sa blog ni sir Howie. Masyado daw kasi akong mayabang na pinagkakalandakan kong napili ako sa 80 participants.

Minsan ang sobrang kasiyahan, nakakasira din pala sa sariling reputasyon, kasi iba-iba ang nagiging papanaw ng bawat tao at mambabasa, pero dahil pinasok mo ang net matututo kang tumanggap ng komento dahil hindi mo mapapaki-usapan lahat ng tao. mapi-please for short.

i-witness certificate

_____________________________________________________

NAGIISANG PABORITO

         Maihahalintulad sa isang makapal na Nobela ang buhay ng isang tao, may mga tauhan, tagpuan, kasiglahan at kabiguan. Maihahalintulad din ito sa isang pelikula o palabas sa telebisyon, makulay, maingay at nakakalibang na eksena. Bagamat laging nakabuntot ang ang madilim na parte, sa huli naman ay hinding-hindi mawawala ang mga mensaheng maiiwan sa mga taong sumusubaybay at nanonood.

         Bida ang tawag natin sa pangunahing tauhan sa isang kuwento, sa tunay na buhay tayo rin ito. Kumukontrol sa isang istorya na tayo rin ang may akda, direktor at may hawak ng lente ng kamera. Sa madaling salita, nasa ating mga kamay ang magiging resulta kung ito’y magtatagumpay o mabibigo.

         At ang pagbuo ng isang obra na tatabo sa takilya ay hindi basta-batsa. Kinakailangan mo munang maghanap ng mga ideya, mga taong magbibigay sa iyo ng inspirasyong na maididikit mo sa mga pahina at maisasalin sa pagdudugtong-dugtong at paghahati ng mga eksena para mapaganda.

         At sa mga panahong ito, ang mga inspirasyong tinutukoy ko ay patuloy paring tumutulong sa akin upang makamit ko ang pinaka-mataas na parangal higit pa sa kampiyonato at tropeyong ginto. Patuloy na humuhumog sa aking isipan sa pagharap sa mga darating na linggo.

         Anila, ang mga bida bago man naging sila ay nangarap din at may hinangaan din. Kaya ako, bago ako magtagumpay at maging inspirasyon din sa mata ng iba, hinanap ko muna ang mga taong iyon. At sa hindi inaasahang pagkakataon nasaksihan ko sila sa telebisyon.

         Pangrap ko noon pa man maging mamamahayag at sa hindi maintindihang pagkakataon tila ayaw sumang-ayon ang panahon. Sinubukan kong kumuha ng ganoong kurso subalit napakaliksi parang isang koneho.

         Napilitan akong kumuha ng ibang kurso at sa pagkakataong ito pinili ko ang propesyong parte at masasabi ko paring kadikit nito -ang imprentahan.

         Inisip ko na wala ng pagkakataon kaya nakontento sa mga napapanood.

         I-Witness ang hanap ng aking mga mata, tunog na umaakit sa aking mga tainga. Mula noon ang simpleng pagpupuyat ay naging alarmclock ko tuwing sasapit ang hating gabi ng Lunes at sa paparating na Martes.

         Hindi ko na mabilang ang mga episode ng I-Witness na napanuod ko, pero naaalala ko pa rin ang mga taong minsan ay naging malaking parte nito. Si Tina Panganiban-Perez sa kanyang dokumentaryong “Pamana” na hinding hindi ko malilimutan ang isang bagay -ang arinola. Si Vicky Morales sa kanyang dokumentaryo ukol sa mga “Dalaginding” o mga batang bading. Si “Igan” Arnold Clavio sa dokumentaryon niya ukol sa bagsasabong ng mga gagamba “GagamBoxing”. At si Reah Santos sa kanyang nakakaiyak na pagtanggap ng parangal noong nanalo ang dokumentaryo n’ya ukol sa mga guro na may titulong “ABAKADA Ina”.

         Sayang nga at hindi napagpatuloy ni Raffy Tima ang kanyang mga edisode sa I-Witness. Interesado pa naman ang mga dokumentaryo n’ya ukol sa mga tribu, katutubo o mga Aeta.

         Marami akong mga paboritong episode tulad ng kay Sandra Aguinaldo na “Ampon” na nagpatulo sa mabigat kong luha at “BOYPUSIT” na noong una ko pa lang napanuod ay alam ko ng magtatagumpay na nag-uwi nga ng parangal mula sa New York Festival. Kay Jay Taruc na isinasagawa/isinasabuhay ang mga napipiling dokyumentaryo tulad ng “BASURERO” na tumikim pa ng “Bachoy”. At sa “GUTOM” na talaga namang nagpaka-gutom s’ya. Kay Kara David na punong-puno ng inspirasyong sa mga dokyu n’yang “GAMU-GAMO SA DILIM”, “BUTO’T BALAT” at mga isyu tulad ng “TAGHOY SA SINAPUPUNAN” at mga dokyumentaryong may kinalaman sa kabataan at kalusugan. At Kay Howie Severino na pinaka-gusto ko dahil sa mga dokyumentaryo n’yang kakaiba at nakatutuwa, na pananabikan mo talaga bawat episode n’ya na iisipin mo, na puwede palang gawing dokyu iyon, tulad ng “SA NGALAN NG PANGALAN” at “DURYAN” at napakarami pang iba na napaka-sining ang pagkakagawa.

         Kaya hindi na maikakatwa na, na kay Howie Serverino ang pinaka-paborito kong episode sa I-Witness ang “LITTLE BAD BOY” o Batang Rizal sa Europa.

         Napaka-husay talaga ang pagkakagawa, hindi lang dahil sa ibang bansa ito kuha o ginawa kun’di sa nakakamanghang bagay tulad ng makita ko sa dokyumentaryong iyon ang orihinal na pirma ni Rizal sa Logbook, kung saan minsan siyang tumuloy sa Europa. At napag-alamang si Rizal, bilang pambansang bayani ay naging simpleng tao na umiibig din. Napakahusay ng Tagapagsaliksik, ganoon din ang mga kuha ni Egay Navarro. Nakakamangha talaga.

         Kapupulutan ng aral ang dokyumentaryong ito, hindi lang sa mga kabataan pati na rin sa nakakatanda.

         Kung ang ibang tao, nagagawang pagyamanin at ibahagi ang mga naiwan at naituro ni Rizal bakit tayong mga Pilipino, kung sino pa ang nabahagian ng napakalaki ay siya pang tila kakaunti ang nalalaman. At kung saan pa naroon nanirahan si Rizal ay doon pa tila walang bakas ang kanyang kabayanihan.

         Naalala ko pa ang bahaging naipalabas doon mula sa pelikulang Rizal ni Cesar Montano kung saan nagpapaimprenta s’ya ng ginawa n’yang nobela. Natanaw ko ang Minerva at biglang pumasok sa aking isipan ang kanila lang na ginamit ko ring Minerva (letterpress) na aking gamit sa pag-aaral sa Eskwela.

         Napatanong Ako, bakit nga ba gumawa si Rizal ng nobela? Hindi ba’t para maging sandata?, ang pangarap n’yang malayo ang mga Pilipino sa mga mapang-aping dayo na nananakop sa ating teritoryo. Natanong ko rin ang sarili ko. Bakit ba ako nag-aaral? Hindi ba’t para matuto at mapaghandaan ang kinabukasan.

         Kung si Rizal ay nagawang magtagumpay sa kanyang pangarap para sa bayan na napakahirap lalo na’t sandata niya’y panulat. Alam kong magagawa ko rin ang pangarap ko sa sarili na makatulong sa mga kapwa Pilipino sa pamamagitan ng impormasyon at pamumulat sa tunay na realidad mayroong ang buhay ng isang tao sa tulong ng balita at dokyumentaryo.

         Ang aral na iniwan sa akin ng dokyumentaryong ito ay talaga namang nagmulat sa akin upang huwag mawalan ng pag-asa at huwag sumuko hanggang makamit mo ang pangarap na matagal mo ng inaasam-asam.

         Naniniwala akong gaano man nakakatuwa ang isang dokyumentaryo, gaano man kaganda dahil sa  makulay na litrato bale wala ang lahat kung wala naming nakabalikat na aral na maiiwan at tatatak sa puso’t isipan  ng mga tao.

         Kung kaya, kahit ilang beses ko pa itong panoorin sa mga Dokyufest ng I-Witness sa mga sinehan, sa telebisyon at sa DVD na pinag-ipunan kong bilhin ay hindi ako magsasawang panoorin ito.

         At bilang pasasalamat sa naibibigay sa’kin ng mga dokyumentaryo ng I-Witness, iniingatan ko at pinagmamalaking may munti akong koleksyon at scrapbook na naglalaman ng mga bagay-bagay kaugnay sa nasabing programa at kasama ang iba pang programa ng GMA NEWS and PUBLIC AFFAIRS. At pinagsisigawan ko ring may sipi ako ng palatastas ng paborito kong episode na “LITTLE BAD BOY” na ginupit ko mula sa pahayang Libre.

         Karapat dapat lang talaga na makatanggap ito ng Parangalan mula sa La Sallaian Scholarum Awards bilang pinaka-Mahusay na Palabas pang-Telebisyon ng Taon.

         At wala ng kaduda-duda kung bakit si Howie Severino ay inuulan ng mga parangal sa loob at labas ng ating bansa at ma-“Hall of Fame” pa sa Rotary Journalism Awards.

         Alam kong lahat ng mga tagasubaybay ng I-Witness ay may kanya-kanyang paboritong episode at host, pero alam ko ring lahat ng manonood ay may iisang paboritong programa -ang I-Witness!

ANG PANGARAP NI BENJIE


Sa mundong ating kinagagalawan realidad ng maituturing na mayroon talagang hindi pagkakapantay-patay. At isa sa pinaka payak na halimbawa dito ang pagitan ng mahihirap sa mayayaman.

Anila, kailangan daw ng mahihirap sa mundo para bumalanse ito. Katulad sa sitwatwasyon ng isang basurero. Sino na nga ba ang maghahakot ng mga basura kung wala ito? Ganoon din sa ibang trabaho tulad ng pagiging tubero at mga naglilinis ng mga poso-negro?

Kung iisipin nga naman, kung ikaw ay isang edukadong tao bakit mo nga naman aatimin ang mga ganitong uri ng hanap buhay? Syempre hindi di ba? kaya nga tayo nag-aaral para hindi maranasan ang ganitong trabaho.

So ano ba pinupunto ko?

Kagabi, pinanood ko ang I-Witness episode ni Sandra Aguinaldo ukol sa mga ‘BOY KAHOY’. At gaya ng pagkakaintindi na’tin sa titulo, patungkol ito sa mga batang magkakahoy na sa murang edad ay nagbabanat na ng mga buto. Hindi lang para sa sarili, kundi para din sa kanilang pamilya para matugunan ang mga dumadaing o kumakalam nilang tiyan.

Gaya mo at gaya ko, may kani-kaniya tayong pangarap sa buhay. Maaaring pangarap sa sarili, sa pamilya o kahit sa bayan. At tulad ni Benjie, mayroon din s’yang pangarap. Hindi man kasing tayog gaya ng pwede nating isipin pero napakahalaga talaga.

“Gusto kong.. may masuot na maayos , para hindi ako marumi tignan..” “Pangarap ko lang makapagtrabaho ako e, kahit anong trabaho okey lang sa’kin…” “..magkabalikan sila.., para tatay ko po bubuhay sa’min…”

-Benjie

Magkahalong supresa at pagkamangha ang naramdaman ko nang marinig ko ito sa kanya. Parang napaka bata pa niya para sabihin’ yan.

Sa pagkukwentuhan nila ni Sandra, pagiging driver ang pinapangarap ni Benjie sa paglaki n’ya. Hindi ko alam kung matatawa ako o mapapaisip ako noong tinanong siya muli kung anong klaseng driver ang gugustuhin nya. Ang tanging naisinagot niya ay ang pagiging driver ng basura!

Hindi sa pag-e-emote, pero tila pinahiya ako ni Benjie sa pangarap nya.

Siguro kaya niya naisip yung mga ganung pangarap dahil alam nyang ganoon lang ang magiging kapasidad ng buhay n’ya pagdating ng panahon. Maaari ding naisip n’ya na malabo na s’yang makapag-aral kaya mas tumimbang sa kanyang pangarap ang makapagtrabaho na agad.

Pero anu’t ano pa man iyon, importante natututo tayong mangarap. Gaano man kababa o kaliit, tandaan natin na sa maliliit at mabababa muna nabubuo ang isang malaking pangarap.

Kaya importante talagang nagkakaroon ng isang pangarap ang bata. Dapat malaman ng lahat na sa tulong isang pangarap nabubuo ang mga motibasyon at inspirasyon ng isang bata para matutong magsikap ito.

Ganoon pa man, walang maliit o malaking pangarap. Tandaan natin na lahat nagsisimula sa butil. At mula sa butil na iyon unti-unting tutubo ang maraming pag-asa na maaaring mamunga ng pagbabago.

ANG CLOWN BAW!


Ugali kong mag-email kay sir Howie, sa tuwing napapanood ko ang dokyu niya, nakakainspired kasi saka nakakataba ng puso sa tuwing mag rereply s’ya.. 🙂

Narito ang e-mail ko sa kanya matapos kong mapanood ang dokyu niyang pinamagatang ‘ANG CLOWN… BOW’

Dear Sir Howie,

Sa dokyu n'yo kagabi na alala ko tuloy best friend ko na si Tinay na hindi ko na nakikita ngayon, (sad).

Noong college kasi kami kilala s'ya sa pagiging kengkoy dahil sa lakas ng bunganga n'ya sa pagpapatawa at kakulitan, pero sa likod ng kantang malulutong ng tawa, at matatamis na ngiti, nakakubli pala ang nakakalungkot na katotohanan. (problemang pang-pinansyal at sa pamilya)

iniisip ko na nga lang, na kaya n'ya nagagawa ang maging masaya ay para makalimutan kung anong problema ang dinadala n'ya.

Minsan nasasabi n'ya sa'kin na maswerte daw siya at nakilala nya kami, dahil doon mas nagkakaroon s'ya ng pagkakataon para takasan ang kalungkutan.

Katulad din sa grupo ng mga payaso, na kahit ganoon ang kanilang sitwasyon ay magkakasama pa rin sila.

anu-ano pa man, maganda pa rin ang simbolo ng payaso sa'tin. ang mga hatid nitong positibong katangian sa mga tao, hindi lang sa mga bata patin na rin sa atin.

Walang taong walang problema 'di ba sir howie?, ganoon pa man, kahit may probema tayo hindi nangangahulugang hindi tayo pwedeng maging masaya at magpasaya ng ibang tao.

hahahaha... naalala ko tuloy custome nyo sir howie, kamukha n'yo talaga si Super Mario... hahahaha galing n'yo talaga!!

Salamat po.

-Otep

GUSTO KO MAGING ISANG TREE HUGGER


Na curious tuloy ako kung anong pakiramdam habang niyayakap ito. Kaya isina-tula ko na lang ang mga naiisip at magiging pakiramdam ko.

Maaga akong nakauwi sa bahay nitong Lunes, kaya naman mapalad akong naumpisahan ang I-witness. Ang edisode na ito ay obra ni Ms. Sandra Aguinaldo ukol sa mga matatandang o makasaysayang puno dito sa Metro Manila. May pamagat itong ‘Puno ng Kasaysayan’ na talaga namang naibigan ko. Astig diba? double meaning ang salitang ‘puno’.

Habang nanonood ko ito, may mga pagkakataong napapahanga ako sa mga Puno dahil nagawa nilang mabuhay sa haba ng panahon. Lalo na’t nakatanim ang kanilang mga ugat sa lugar kung saan sabihin na nating kaagaw ng tao.

Nakakalungkot lang dahil ayon na rin sa tree doctor ay kaunti na lang ang itatagal nito kung hindi talaga mapapangalagaan.

Sa mga tulad kong Greenminded.. nature lover pala, malapit talaga sa puso ko ang mga usaping kalikasan. Paano pa kaya kung samahan ito ng kasaysayan?

Nilalang ng maykapal ang mga may buhay kabilang ang puno at tao ng mayroong kanya-kanyang teritoryo sa tinatawag nating mundo. Marami ng sinakop ang tao. Sana naman, ang mga nanatili pang matatag na nakatayo ay huwag ng agawan pa. Dahil pag nawala pa ito, hindi lang buhay ang mawawala pati ang kasaysayang nakapaloob dito.

Sa kabilang banda, nakakatuwang may mga taong pisikal kung magmahal sa mga puno. May isang pamilya doon na ang hilig ay pagyakap dito.

Na curious tuloy ako kung anong pakiramdam habang niyayakap ito.
Kaya isina-tula ko na lang ang mga naiisip at magiging pakiramdam ko.


MASAMA BANG MAGING MASAYA?



Tila nalagyan ng labuyo ang mga mata ko nagbabasa. Halos labasan din ako ng usok sa tainga. Yung ngiting abot tenga, ngayon abot baba na! Ang lungkot!


Noong nalaman kong magkakaroon ng isang free Seminar ang I-Witness, abut-abot na agad ang ngiti ko hanggang sa tenga, pagkakataon na naman kasi ito upang makita ko ang mga inidolo ko sa i-witness. Kaya agad-agad kong nilapat ang mga daliri ko sa keyboard ng computer at mata sa monitor. Naghanap ng impormasyon ukol dito. Agad ko itong nahanap sa Blog ni sir Howie, kinuha ko ito at inilagay din dito sa Blog ko. Syempre dahil blogista ako alam kong wala namang masama kung mag0-komento.

Dumating ang deadline ng pagpapasa ng requirements sa seminar na ito.

Nakapagpasa naman ako.

Isa, dalawa, tatlong araw ang nagdaan.. at syempre bilang kalahok nag-aalala, umaasa at kinakabahan din ako sa magiging resulta..

Bumalik sa site ni sir howie, at doon muling nagkomento.. nagtanong kung kailan ito ilalahatha.

Gusto kong mapabilang sa nasabing seminar, pero hindi ko inaasahang matatanggap ako. Ganoong mas may magagaling at tiyak na mas karapat dapat.. pero isa ako sa napili.

Nais kong maglulundag sa tuwa, gusto sumigaw na napaka-lakas, at magtatambling sa natanggap na balita sa tulong ng e-mail mula sa i-witness.

Grabe ang pasasalamat ko dun.. kaya muling bumalik sa site ni sir Howie at doon nga nakalathala ang lahat.. Muling nagkomento..

At dahil naka subscribe ako may mga dumadating sakin mensahe mula sa site ni sir howie may ilang nagbigay ng pagbati at syempre dahil nakapangalan naman sa’kin ang reply.. siguro namn hindi masamang mag-reply rin.. isa, dalawa, tatlo, umabot sa ganoon ang aming palitan ng mensahe.

Dahil bukas iyon sa lahat ng mga bumibisita, natural na may kukumento at mag magkukumento. Ang masaklat lang, para sa’kin iyo at hindi mula sa istorya sa taas.

Tila nalagyan ng labuyo ang mga mata ko nagbabasa. Halos labasan din ako ng usok sa tainga. Yung ngiting abot tenga, ngayon abot baba na! Ang lungkot!

Sabi ko Masama pala akong maging Masaya nakakasakit ako ng iba.

Ano naman kaya ang masama doon kung mag lagay ako komento at sabihing isa ako sa napili.

Pinagkakalandakan ko daw sa mundo na isa ako sa napili!

Masyado daw akong proud sa sarili!

Nagbubuhat daw ako ng sariling bangko!

Sa ibang salita pinamumukha nila na Mayabang ako!

Masakit sa akin na makarinig ng ganito lalo na’t hindi naman iyon ang intensyon ko sa paglalagay ng komento.

Inaamin kong nag ngingit-ngit ako sa galit ngayon., nais kong basagin ang monitor at punitin parang literal na sulat kung pwede lang para hindi ako makabasa ng mga ganoong personal na mensahe dahil nabasa pa…, at napasa pa ng iba…

Iniisip kong napagtutulungan ako..

Ganito pala kapalit ng ilang pagbati, isang malaking tipak na bato na ihahangis sa ‘kin habang kinukutya ng mga nakakakita.

Nung una sabi ko.., ang BLog na lang ang pag-asa upang mailabas ko ang mga sama ng loob at idea na kinukulong ko lang sa ulo.. Hindi ko inaasahang dahil din pala sa blog magkakamalat ang isipan ko na parang nais nitong mawala sa sarili.

Parang nanigas ang mga daliri ko at nanghihinang magtype pa.

Wala na kong kaibigan sa mundo pati ang sarili kaibigan na natatanging n nakikinig at kinu-kwentuhan ay tinindeho na ako.!

Sabi nila ang kumento ay kumento at ang bawat tao ay mayroon nito. Hindi natin hawak ang unak ng isang tao.

Sabi nila matuto rin tayong tumanggap nito dahil dito tau matututo..

Kaso hindi ganoon kadali, mahirap tanggapin..

Nais ko lang humingi ng tawad at muling sabihing hindi po iyon ang intensyon ko 😦