ALAALA NG BUNDOK APO


mt apo
Elevation: 2,954 masl  (official) Coordinates: 6°59′15″N 125°16′15″E [1] Trail: Sta Cruz | Mountain type: Stratovolcano |  Listing: Country’s high point Ultra prominent peaks
DAVAO – Matatakutin ako sa dilim pero walang nagawa ang takot sa inaantok kong ulirat kaya agad din akong nakatulog kagabi.

Kina-umagahan, malamig na umaga na ang gumising sa’kin. Hindi pa man ako nakakalabas sa tent pero usapang musang at alitaptap na agad ang naririnig ko. Nag-imagine tuloy ako kung ilang uri kaya ng hayop ang nagbantay at pumalibot sa amin habang mahimbing kaming natutulog.

Habang naghahanda ng agahan ang mga guide namin, sinamantala namin ang pagkakataon para makipaglaro sa mga sinag ng araw na pilit na pumapasok sa siwang ng mga sangga at mga dahon. Ang sarap sa pakiramdam ng init na nagmumula doon.

Matapos mag-agahan, inihanda na rin namin ang mga lunchbox para sa tanghalian namin. Syempre luto pa rin ng mga guide. Malas lang maubusan ako (umalis lang kami ng saglit para kumuha ng tubig sa bukal). Mabuti na lang at marami akong dalang emergency food katulad ng tinapay.

Alas-ocho-y-medya na nang magsimula kaming rumatsada papuntang campsite 2. Noong mga unang sandali easy-easy lang kami sa paglalakad. Mayroon pang mga lugar na matatarik pero mga meron ding pababa naman. (mas gugustuhin mo naman yun kaysa pataas di ba? ). Pero dahil may mga matatarik na pababa asahan na ang mga susunod na paahon. At hindi lang basta paahon dahil matapos noon puro paahon na talaga lahat!

Hindi ko na nabilang kung ilang beses akong nag T5! (5 Minutes break) Pero may isang lugar doon na namukod-tangi na parang ayaw ko na umalis sa pagkakatindig ko. Para syang bintana na sinusulyapan mo para makita mo yung nasa labas. Ganda!

Matapos ang mahigit isang oras na pag-akyat, narating namin ang trail na medyo patag na. Sinyales na pala iyon na malapit na pala kami sa Tinikaran Campsite 2. Doon muling nakumpleto ang grupo. First time namin nag group picture taking dito.

Ilang sandali lang kami nagpahinga at nagpatuloy na kami sa susunod na pakay — ang mga boulders!! Sa tingin ko, ito na yung highlights ng adventure na ‘to. Pero bago pa iyon meron pa ring mga obstacles.

Kung nagbalak ka ng umakyat ng Apo at napa search sa internet isa sa mga pictures na makikita mo ang mga punong tumba na tila mga hurdles. Kinakailangan mo ng wagas na paghakbang para malagpasan mo ito.

BOULDERS
Ilang minuto pa at mararating na ang starting point ng boulders. Ayon sa signage, 3.85 km na lang ang layo nito mula sa summit. Mukhang malapit na pero ilang oras pa ang pupunuin para matapos ang humigit-kumulang apat na kilometrong iyon.

Sa puntong iyon, may maaamoy na kayong kakaiba na tila bugok na itlog na may kasamang pulbura. At habang papalayo kayo ng papalayo sa pinanggalingan nyo mas nalalapit naman kayo sa mas matinding amoy — sulfur iyon na inilalabas ng Apo. Ang bundok apo kasi ay isang stratovolcano o natutulog na bulkan. Hindi na naitala ang huling pagputok nito na maaring naganap pa noong nakaraang limang siglo.

Napakainit ng araw na iyon. Kaya mabuting makapagpahid muna kayo ng sunblock sa balat nyo na hindi ko nagawa bago magpatuloy umakyat. Mas lalong pang uminit nang masilayan ko na ang mga sulfuric vent with sound effects pa! Nakakamangha ang mga imaheng iyon! Pakiramdam ko maluluto ako sakaling madikit o mahulog ako sa mga umuusok na parteng iyon.

Hindi pa natapos ang mga supresa ng Mt. Apo, matapos masilayan ang mausok na parteng iyon, makakahalubilo mo naman ang mga nagkalat na blueberries na ready to eat na sa gilid ng mga boulders. Napakarami nila! Hindi ako kumakain ng blueberries pero tuwang-tuwa akong makita sila.

Nakakatulong ang ganda ng lugar para maibsan yung sobrang pagod sa pagsuong sa mga boulders. Sobrang lalaki ng tipak ng mga bato. Mapapatanong ka na nga lang sa sarili kung paano napunta o inuluwa ng lupa ang mga ganoong kalalaking mga bato. Sobrang galing ng kalikasan.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses kami tumigil. Sobrang hirap akyatin ng mga bato. Pilit ko na ngang iniiwasan ang trail o mga palatandaan nito dahil saganang akin, mas madaling gumalaw sa sarili mong diskarte o gumawa ng sarili mong trail. Ang importante naman makarating ka sa dulo.

Kaso noong makarating ka sa dulo, akala mo dulo na! hindi pa pala. Yung akala mong tanaw mo na ang summit hindi rin pa pala. Wala ka nang ibang pwedeng gawin kundi ipagpatuloy mo pa ang tila walang katapusang paglalakad mo.

Sa Hangganan ng mga boulders isang supresa muli ang nasilayan ko. Tila isang shooting location. Ang gaganda ng mga bato na napapalibutan ng mga halaman, iba’t ibang uri ng berries ang nandoon. Sabi ko kukuhaan ko ng picture ito pagbaba. E naging maulap edi wow! Kaya kung may pagkakataon kuha lang ng kuha. Pero kung tutuusin mas nakadagdag pa nga yung mga ulap na parang nasa loob ka ng literal na panaginip.

87 DEGREE
Bukod sa mga boulders, may isa pang obstacle ang naghihintay — ang “87 degree” — isang napaka tarik na parte na aakyatin mo. Hindi naman kailangan ng lubid o anu pa man kundi ang diskarte. Samahan pa ng mga gumugulong na malilit na bato kaya kailangan ng pag-iingat.

Lahat na ata ng klase ng daing narinig ko na sa mga kasama ko. Pero aminin nyo, minsan nakakatulong din mga hinaing natin para makadagdag ng lakas. Pero hindi din, gusto lang natin umarte na nahihirapan tayo. hahaha. 😀

CREATER
Tila walang katapusang pag-ahon. Akyat! akyat! akyat! Hanggang marating naman namin ang creater ng Mt Apo.

What is creater? -ang may gawa ng langit at lupa. #korni.

Dahil nga bulkan ang Apo mayroon itong creater kung saan dito nya inilabas ang poot nya sa mundo. Marahil dito din galing ang mga boulders.

Maulap nang marating namin ang creater. Kung suswertehin ka nga daw, pwede mong makita itong may tubig. eh El Niño ngayon. so alam na.

Sa kadahilanang wala ngang tubig ang creater, malaya ka pang makakapunta sa gitna nito. Kung may toyo kang tulad ko, baka ginawa mo din ang ginawa ko. Pilit akong gumawa ng pangalan ko sa pamamagitan ng mga bato. Nakabuo naman. Pagod nga lang.

Nagulat na lang ako ng ilang sandali biglang nawala ang mga ulap sa creater. Para syang kurtina sa isang malaking entablado na sa pagkakataas nito ay bubulaga sayo ang napakagandang obra ng kalikasan.

Sa unang pagkakataon nasulpayan na namin ang totoong summit.

Hindi ko malilimutan ang sandaling makita ko ang nasa paligid ko. Totoo ngang napakataas na namin. Hindi ko na alam kung alin ang langit, lupa at tubig sa kalayuan. Pero sigurado akong mga ulap ang malawak na nasisilayan ko. Para na akong nasa taas ng eroplano.

CAMPSITE 3
Ilang minuto pa ang lalakbayin bago makarating sa huling campsite malapit sa summit.

Marami pa ring mga halaman na hahawiin mo, pero ‘di hamak na mas madali na ito dahil pababa na at ang ilan ay bahagyang patag na din.

Napakaganda ng huling campsite. Katulad ng paghahambing ko matapos ang mga boulders, tila isa muling shooting location.

Napapalibutan ng maraming peak ang campsite. Kung tutuusin para kayong nasa isang lambak o kapatagan sa pagitan ng mga bundok. Ito na ang pinaka magandang campsite na narating ko. Mas lalo ko pang na-appreciate ng tumuntong ako sa isang mataas na bato dito. Gusto ko na nga sanang deretsohin ang summit dahil napakalapit na nito, dito.

Hapon na ng makumpleto ang grupo sa campsite. Noong una maganda ang hapon at handang handa ng magpakitang gilas ang araw sa paglubog nito. Kaso naging maulap kaya hindi na rin namin tuluyang nasilayan.

MALA-PULAG SA LAMIG
Kung naging malamig ang naging unang gabi namin sa loob ng kabundukan. Sa pagkakataong ito na mas malapit na kami sa summit ay naging triple na ito. Sobrang lamig talaga na mangangatog ang baba mo. Sabi nga nila na may pagkakataong nagiging 1 degree ang lamig dito.

Naging maulan ang gabi. Hindi naman kami nabasa sa tent, pero may mga ilang tubig talagang hindi maiiwasang makapasok. May mga pagkakataong nagigising ako dahil sa ilang patak sa ulo ko. Pero wala iyong nagawa sa mahimbing na pagkakatulog ko.

Good night! 🙂

Leave a comment