Category Archives: ADVENTURE

ANG HAMOG, TALON AT TERRADONG PALAYAN NG SAGADA


Makapal na hamog ang bumungad sa ikalawang araw ko sa Sagada. Tuwang-tuwa akong makitang basa ang salamin ng bintana tulad sa basong may malamig na inumin. Totoo nga! bumababa ang mga ulap mula sa bundok papunta sa mga kabahayan ng Sagada. Ang sarap tuloy matulog kaya hindi maiiwasang bumalik na lang uli sa higaan.

sagada-hamog
Makikita sa salamin ng bintana ang malamig na hamog.
sagada-homestay
Ang Sagada Home Stay na aming tinuluyan.

Halos magtatanghali noong lumabas kami ng lungga namin para kumain muna na agahan at tanghalian (sabay na yung “BRUNCH”  uli para tipid) Maswerte namang may nakausap kami (na kapit-kwarto namin) na pwede naming sabayan sa pag-akyat-panaog namin sa mga kabundukan upang masilayan ang Bomod-ok falls.

Pagbaba namin sa tinutuluyan namin amoy na amoy pa din ang mga bagong lutong tinapay sa paninderya malapit sa amin. Hmmm ang bango! Naghanap kami ng Makakainan at sa Salt and Pepper Diner kami napadpad.

sagada2012i
Salt and Pepper Diner ng Sagada.

Dahil hindi nga kami nag-agahan, napadami ng kaunti ang kinain ko. Madami ang serving nila, at nakakatuwang napakadami ng extra rice nila. Hindi na nakakapagtaka dahil taniman nga pala ng Palay ang buong Sagada. Sila na walang rice crisis lels.

sagada-salt-and-pepper
Pork Adobo with damu @ Salt and Pepper Restaurant

Syempre, dahil feeling ko hindi buo ang araw ko kapag hindi ako nakainum ng kape kaya umorder na rin ako ng Instant Coffee (Kopiko ata yung brand, cheap pero ang sarap sarap sarap! lalo na sa malamig na klima.

sagada-coffee
Ang instant coffee ko.
  • 180.00 = Pork Adobe + Instant Coffee @ Salt and Pepper
  • 1,503.00 = Previous
  • 1,683.00 = Total

After lunch ang usapan namin ng Cavite Group na magkikita-kita sa sentro. At dahil nauna kami ni Donnie sa usapan naglibot-libot muna kami. Napadaan nga din kami sa Sagada Museum pero walang tao kaya bumaba kami agad ng hagdan. Naglibot-libot kami sa mga tindahan doon at naghanap na rin ng computer shop pero sarado.

Maya maya dumating din sila. Kakaiba aura nila na tila handang-handa na silang sumabak sa mahabang lakaran. Naisip ko “oo nga pala lakaran yun at tiyak na mauuhaw ako”.

Bumili na mun ako ng bottled water at sinaman na rin ng Sneakers.. wow, minsan lang ako makatikim nito sa Sagada ko pa nakabili.

  • 80.00 = Bottled water + Chocolate
  • 1,683.. = Previous
  • 1,763.00 = Total
sagada-team-cavite
Ang Cavite Group pagbaba ng sasakyan.

Dahil nga nakasasakyan kami patungong falls ilang sandali lang nandoon na kami. Pero kahit malayu-layo yun, ang mga foreigner ang hilig-hilig maglakad. May nakakasalubong kasi kami ng pangilan-ngilan.

Dumerecho muna kami sa Information Center kung saan doon kami kukuha ng Tourist Guide. At si Bert nga yung ibinigay sa amin. Confirmed! may beki din pala sa Sagada. Hahaha lels. Berta nga tawag sa kanya.

Natawa lang ako, kasi “Subali” sya ng “Subali” akala ko dialect nila yun.. “So, bali” pala yun! hahaha.

Bert: “Subali yung nakikita nyong mga bahay, ayan yung unang barangay dito sa Sagada bago sila umakyat sa itaas” -parang ganyan 😀

Alam nyo ang oras pala matapos mananghalian ang best time para pumunta sa Falls kasi ang araw ay nasa likod ng mga bundok kung saan kayo magdadaan kaya ang presyo. Hindi nga tumulo pawis ko! ewan ko lang pagbalik haha..

sagada-lakad
Ito na yung treking namin. Sabi kasi ni Bert sa likod yung mababagal mag lakad. sa likod ako pumuwesto kasi mag pipicture-picture ako 🙂

Pagdating namin sa isang baranggay may nadaan kaming palikuran at doon ay nag wiwi muna sila. Doon din matatagpuan ang isang Information Center may 10pesos na parang entrance fee, parang tulong na rin sa community at para may tutulong sayo kapag nahulog ka sa bangin hahaha..

sagada-team-cavite
Ito yung unang barangay na madadaanan namin papuntang Bomod-ok falls. Kakatuwa para akong mangangaso na susugod sa bayan para mamirata. lels.

Habang naglalakad din, tuwang tuwa ako sa mga mata ng mga tao dun ang ku-kyut ng mata parang mga mata ng Mongolian. -tao mula sa bandang Mongolia (Malamang!) na matatagpuan sa itaas ng China.

Tuwang tuwa din yung mga babaeng kasama naminsa Cavite Group. Inggit na inggit sila sa mga buhok ng mga bata na ang iitim at ang dudulas. (Iba na daw kapag wala pang ganung kemikal na dumadapo sa buhok nila tulad ng mga shampoo at conditioner).

sagada-info
Stop over na ring maituturing. Nakapahinga ng sandali.
  • 10.00 = Information Center
  • 1,763.. = Previous
  • 1,773.00 = Total

Napakaganda ng tanawin super! kaya hindi ko na alam kung saan ko ilalagi ang mata ko. Nang may marinig akong…

Donnie: “O picture-picture”

Hindi ko alam kung Bomba ba ang narinig ko kaya nagpanic ako. Kaso ang masaklap nadulas ako sa batong nilalakaran sa gitna ng palayan. Ayun! Basag ang tuhod ko. Lumabas ang pari kasama ang tren.

May narig pa nga ako e.

Unknown: “Yung Camera nahulog!”

Mas concern sila sa camera ko kaysa sakin hahaha!

Pinuntahan ako ng Guide namin pero under survival na ako. lels.

Sobrang na amaze ako sa tungkod ko kasi nalaglay sya sa mga 5 feet sigurong taas na palayaan at doon tusuk na tusok sya sa putik na may palay. Inabot yun ng paa ko at nakuha ko naman. Napa sigaw na lang ako matapos nun. “I SURVIVED SAGADA! joke lang walang ganun haha.

sagada-souvenir-lels
Hindi ko maimagine kung ano na istura ng paa ko pagdating ng panahon kagagala. hahaha

Tuloy tuloy pa rin ang lakad, at manghang mangha pa rin ako sa tanawin, Hindi ko nga maisip ang ganda nito. Kung maganda na ang Sagada Rice Terraces paano pa kaya ang Banaue at Batad sa Ifugao?

sagada-batu-bato
Malapit na!

Noong nadaan na namin ang mabatong ilog, sinyales na pala yun na malapit na kami sa falls.

Maya-maya nakarinig na lang kami ng kaluskos ng tubig at tumambad na sa amin ang pagkalaki-laki at pagkataas-taas na Bomod-Ok falls.

Dito ko naranasan yung sinasabi nilang “breath taking”.

Ang tilamsik at malamig na hangin na dumadampi sa balad ko ay sadyang kakaiba na parang isang biyayang gusto mong ipasalamat dahil nasumpungan mo yung ganoong pagkakataon! ang lupet men!

sagada2012b
Ang talon ng Bumod-Ok.

Wala na kaming inaksayang oras. Yung mga kababaihang kabilang sa Cavite Group ay nagswimming sa pagkalamig lamig na tubig. Siguro kung naligo ako dun literal siguro na nanigas itlog ko tulad ng sa yelo! hahhaha lels.

sagada-otep
Salamat sa kumuha sakin na si Donnie sa malaking Bato 🙂 Hindi ko alam kung dito tumayo si Love Añover noong nag proposed sa kanya yung asawa nya.

Dahil sa sobrang lamig hindi ko maiwasang maihi, kaya pumunta ako sa malayu-layo. Sa likod ng pagkalaki-laking bato doon ako umihi at bumulong na. “Makikiihi lang po huwag nyong palakihin itlog ko” 😀

sagada-falls
Hampas Palu-Palo na lang ang kulang.. hahah!

Kung hindi ako nagkakamali kulang-kulang isang oras din kaming nag-stay dun at umakyat na muli. Mahirap ng abutan ng dilim at may pupuntahan pa daw kami.

sagada-rice-terraces1
Ang sarap mag lakad sa gitna ng palayan 😀

Humigit kumulang tatlo hanggang apat na oras daw kaming naglakad, Mabilis na daw yung sa mga tulad naming baguhan.

Pagdating namin sa information center kung saan hinatid namin si Bert. Hahaha kami talaga naghatid sa Tourist Guide. Nagpahinga kami ng kaunti at nagbayad na.

At dahil nga sa sabit lang kami ni Donnie nakatipid kami. Kaya tag 100 lang ang binigay o share namin.

Kung may usapan pala kayo noong nakuha nyong driver/sasakyan. Yung driver na pala ang magbabayad sa Information Center. May kumisyon din ata yung mga driver sa paghatid.

  • 100.00 = Bomod-Ok falls
  • 1,773.. = Previous
  • 1,873.00 = Total

Sumunod na pinuntahan namin ang Sagada Pottery. Nasa ilalim nya ng nagtataang sa pine trees na sabi nga ni Donnie

“Ang lakas maka-twilight”

First time ko nakita ng mga ganitong uri ng kasangkapan na hinulma ng kamay astig. Wala kaming nadatnan sa Pottery House dudukot nga sana ako ng isa kaso baka may halimaw sa loob mahirap ng madala sa Maynila. Joke! Kornik. haha

sagada2012m
Sagada Pottery

Sandali lang kami nag tagal sa Sagada Pottery at bumalik na agad sa Van. Ang next destination ay sa Lake Danum. Ang hirap paniwalaang may Lawa pala sa itaas ng Bundok.

Ilang dandali lang natunton na namin agad yun. Maganda ditong mag camping kaya marami sigurong nagtatayo ng tent at nagsisimula ng gumawa ng bonfire.

Akala ko ayun lang meron doon, yoon pala doon din pala ang pinaka magandang viewing point para pagluksaan ang paglubog ng araw.

As in “WOW” talaga. Akala ko nga hindi namin masisilayan ang araw kasi nga medyo maulap. Yun pala pa epal lang at lumilitaw din daw  kadalasan.

Pulang pula ang kalangitan na naglalabas ng analogous na kulay (wow analogous anu yun? haha) sa tuwing tatama sa mga ulap ang liwanag.

Lubog na nag araw dito. post ko yung video next time 😀

Matapos noon bumaba na rin kami sa bayan. Sobrang saya sa pakiramdam kasi nga nasumpungan mo yun.

Nagbayad kami ng tag 200 pesos uli ni Donnie ibang bayad naman daw yun sa mga pinuntahan namin.

  • 200.00 = Sagada Pottery & Lake Danum
  • 1,873.. = Previous
  • 2,073.00 = Total

Dumerecho na kami agad sa Yoghurt House para maghapunan. Sobrang nagutom kami sa aming paglakbay. Inorder ko ang Spicy Chicken Indian Curry na naglipana ang berdeng maliliit na sili. Perstaym ko nakatikim ng ganito. Pang karindera lang kasi panlasa ko. Perstaym ko din nakatikim ng kulay violet na kanin na wala namang lasa parang kanin lang din. Pero siguro kakaiba lang talaga sya.

Nsa 180 to 200 ata yung kinakin ko + 50-60 pesos yung brewed coffee sobrang sulit naman.

  • 250.00 = Yoghurt House
  • 2,073.00 = Previous
  • 2,323.00 = Total
Spicy Chicken Indian Curry

Gagala pa yata si Donnie pagkatapos naming kumain kaya pagkatungtong namin ng Homestay hindi na ko lumabas. Kapagod kaya. Magandang tanawin, masarap na pagkain sarap buhay! at doon natapos ang day 2 ko sa sagada 🙂

MGA TIPS NI OTEP

  • Huwag ng kumain ng Agahan para makatipid hahaha Joke!

  • Seryoso na ‘to: Humanap ng paraan para makatipid sa paglalakbay -humanap ng makaka-share.

  • Magdala ng manguguya sa paglalakad para makabawi sa pagod at gutom.

  • Huwag tatanga-tanga sa paglalakad. 😀

SA BUBONG NG ISAROG


Nasusukat ang katuparan ng isang pangarap sa mga bagay na napagdaan nito. Maaaring nagsimula muna sa kabiguan, maari ding sa mabibigat o mahirap na kaganapan. Anu’t ano pa man iyon, wala nang ibang sasarap pa kapag alam mong naging dugo’t pawis ang iyong naging puhunan. (Literal). Haha.

Nasasakupan ng anim na lugar ang Mt. Isarog sa Bikol, isa dito ang lungsod ng Naga at lima pang munisipalidad ng Goa, Tigaon, Ocampo, Pili at Calabanga sa lalawigan ng Camarines Sur. May taas na humigit-kumulang 6,600 na talampakan o 2000 masl. May layo itong humigit-kumulang na 430 kilometro mula sa kamaynilaan na maaring mapuntahan gamit pambasaherong bus o eroplano byaheng Pili (Naga Airport).

Sinasabing ang Mt. Isarog ay isang nahihimbing na bulkan na hindi na naitala kung kailan ang huli nitong pagputok.

POST BIRTHDAY GIFT
Noong 2014, naging regalo ko sa sarili ang pag-akyat sa Mt. Pulag. Naging magandang alaala iyon para sakin. Manghang-mangha ako sa mga nakita ko doon. Kaya ngayong 2015, hindi man sakto, pinilit kong maging memorable ulit ito. Salamat kay Donny na nakilala ko noon sa Tarak Ridge at Instagram dahil naimbitahan ako dito.

Mahigit dalawang linggo ang naging preparasyon ko dito. Nakakatuwang hindi pa man kami magkakakilala sa personal pero parang close na kami sa isa’t isa dahil sa binuong chat group sa facebook.

Mabilis na nagdaan ang mga araw. Sa Araneta Bus Terminal ang naging una naming pagkikita. Naging magiliw naman sila na tila matagal na talaga kaming magkakakilala.

7:30 pm na noong nakaalis ang Bus. At 11:00 pm na nang makarating kami sa una naming stop over sa Quezon Province. Hindi ko na namalayan kung ilang beses kami huminto. Hindi man kumportable ang pagkakatulog, kinakailangan namin magpahinga para sa pagsabak namin kinabukasan.

Pasado ala-6 na nang marating namin Bicol Central Terminal. Doon hinintay namin ang isa pa naming kasamang si Vincent na nag eroplano. Pagkakataon din iyon para mag ayos pa ng ilang gamit at Makakain.

Mula sa Central Terminal muli kaming sumakay ng bus papuntang palengke ng Concepcion. Doon kami sasakay ng tricycle papuntang entry point. Dito na rin kami bumili ng magiging hapunan namin sa campsite.

Mag aalas – 9:00 na ng makarating kami sa entry point, doon muli kaming nag-prepara. Ibinigay na rin namin ang permit galing sa DENR na namamahala (kung hindi ko nagkakamali sa Kapitan iyon ng Barangay). Doon na rin namin nakilala ang aming magiging tour guide na si Kuya Roy.

Matapos namin humingi ng gabay sa pangunguna ni Aia, agad na rin kaming sumabak sa lakaran.

WEAKEST LINK
Pasulong agad ang naging entrada ng bundok. Inaasahan ko nang makadama ako ng pagkahapo.. sabi ko nga critical stage ko talaga ang first 15 minutes. Pero hindi ko talaga inasahan na ganun katagal akong makadarama ng pagkahilo. Tila nasusuka ako. Alam kong nabigla ako. Halos paakyat kasi lahat ng trail, malayung-malayo sa pangalan nitong ‘patag-patag’. Gan’un din sa unang limang bundok na naakyat ko na malayu-layo munang lakaran bago umahon.

Hiyang-hiya ako sa pustura ko. Tila isa talaga akong ‘weakest link’. Para akong napag-iwanan ng grupo. Pero sa kabila noon, kahit alam kong nabigla din sila sa kalagayan. Hindi nila ako nagawang iwan kahit pinapauna ko na sila. Kinurot ang puso ko lol.

WALANG IWANAN.
Halos hatiin na nila ang gamit ko. Si Donny binuhat na ang bag ko. Kinuha na rin ni Aia ang dalawang litro ng tubig ko. Si Vincent naman ang assault bag ko na may lamang ilang pagkain na nabili namin sa Terminal. Pinagamit na rin ako ng trekking pole ni Ritz. Nakakahiya talaga. Pero mas nakakahiya kung ipagpapatuloy ko pa ang pagpapabebe ko. Damang-dama ko yung concern nila sakin. Hubarin ko na daw yung jacket ko. Para nila akong pinagtutulungan. Tila nasa kabaret ako habang naririnig ang mga parokyanong pinipilit akong paghubarin “Hubad!” Hubad!” “Hubad!”. Unti-unti ko iyong hinubad habang nanlilingid ang mga luha ko. Hahaha charot lang.

Nang makarating kami sa “kubo” kung saan may water source. Tila nahimasmasan na rin ako. Ang dami kong inaksayang oras.

LIMATIK ATTACK!
Kilala ang Mt. Isarog sa mga notorious nitong nilalang -ang mga limatik. Isa itong uri ng linta na hayok sa dugo. Kung sususwertihin ka pa maaari itong pumasok sa mata mo. Dalawa sa mga kasamahan namin ang mapalad na naexperienced ito. #SayangWalangVideo. Lol.

12295301_1138842442794244_1365146041897394698_n
Famous Limatik

Nagpatuloy kami sa paglalakad, at sa isang lugar na tila isang campsite sa pagkakapatag nito ay sandali kaming nagpahinga. Doon namin naka face to face ang mga limatik. Magkakahalong mangha, kilabot, takot ganoon na rin ang saya na makilala sila. Sinagot nito ang mga tanong sa isip ko kung anong klaseng nilalang sila. Tila sila may magkabilang bibig na s’ya ding nagiging mga kamay at paa nila kaya mabilis silang nakakapag lipat-lipat ng lugar. Magugulat ka na lang napudpud ka na pala ng mga limatik sa buong katawan mo.

Habang naglalakad ka masasanay ka na rin katatanggal nito sa katawan mo kaya mawawala na rin ang hilakbot.

SA PUSO NG ISAROG.
Habang tumatagal, mararamdaman mo na tila isang bahagi ka na rin ng kagubatan. Ramdam mo na nasa kalooban na nito. Kumikipot na ang trail at kailangan nang makipagbuno sa mga punong nakatumba at mga halamang yayakap sayo.

12309639_1213010478712314_752846921648441561_o
Team Isarog!

Sasalubungin ka ng mga puno ng kawayan na tila pumapasok ka sa isang kuweba dahil sa lilim na bibingay nito.

Nadadalas na rin ang pag-uulan na inasahan na rin dahil kitang-kita naman ang makapal na ulap nito noong nasa sasakyan palang kami.

Lalo pang lumakas noong makarating kami sa Camp 1.

Nagbalik sa alaala ko ang nangyari sa Mt. Pulag. mangiyak-ngiyak ako noon sa lamig pero dahil sa inasahan ko na iyon ngayon, inenjoy ko na lang. haha! 😀

TEAM DULO
Nagpatuloy kami sa paglalakad patungong campsite. Tinapos ko na rin ang pagpapanggap sa pangunguna. Hahaha. Mas gusto ko talaga sa bandang dulo hindi ako nai-stressed sa mga nasa likod ko, hindi ko naibubuhos ang lakas ko sa pagmamadali at mas nakakapag nature connection ako.

Sa pag dikit ko kay Donny, at Gerar naramdaman ko ang easy-easy. Nag eenjoy ako sa pinagku-kwentuhan nila na nakakatulong para hindi ko maisip na malayo pa kami. Sa totoo lang wala sa isip kong gaano ba kalayo o katagal kaming maglalakad. Parang go with the flow lang kasi ako.

Hindi kami nananghalian kaya hindi maiwasang makaramdam kami ng gutom.

Nagpagpasyahan muna naming kumain. Naglabas ng sardinas si Gerar. Nilabas naman namin ang mga tinapay. Ang sarap pala ng spicy sardinas sa tinapay. Yumyum!

Nabusog kami infairness! At muling nagpatuloy sa pakay.

NIGHTMARE kahit hindi pa NIGHT.
Isa sa pinaka mahirap labanan ang “Tamang Hinala” puro kasi tanong.

“Nasaan Sila?”

“Tama ba dinadaanan natin?”

“Malayo pa ba?”

“Bakit hindi sila sumasagot?”

Hindi ko alam kung dapat ba itong isisi sa spicy sardinas na pagkasarap-sarap o sa mga sarili namin. Haha

Lumayo ng husto ang pagitan namin sa kabilang grupo. Na kahit magkapiyok-piyok na ang pito ay walang sumasagot. Sadyang napakalayo ng Camp 1 sa Campsite.

Lalong humirap ang trail. Wala ka ng madaan na patag. Lahat pa-akyat.

May pagkakataon doon na halos tumigil ang puso ko. Sa isang parteng paahon, unang umakyat si Dhawny, sumunod ako at panghuli si Gerar. Sa isang pagkakataon bigla na lang nadulas si Gerar na tila magtutuloy-tuloy ito sa pagkakadausdos. Tila na i-slowmo ang pagkakataong iyon. Hindi ko alam kung anong irereact o tulong ang gagawin ko. Hindi ko rin alam kung gaaano pa ba kalayo ang mararating nya. Para akong nagpakaplastik sa tawa ko habang napapansin ko ang mga bubble talk sa ulo ko. Unti-unting nagsiputukan ang mga bubble talk nang malamang ayos na naman sya. Nakuha naman nya ‘yun sa take two. Hashtag #Haaay

BACKPAIN
Akala ko hindi na titigil ang sakit. Iniisip ko nga na iniisip nila na nagpapabebe lang ako, pero sobrang sakit ng likod ko. Hindi ko na mawari kung kaliwang kamay, balikat o ilalim ba ng bandang kilikili yung sumasakit. Basta sobrang sakit nya. Gusto ko nang umiyak. Doon ko napatunayan na walang mangyayari kung magpapanic ka. Sakaling mangyari sa inyo, -‘yon Timigil ka lang! at irelax ang ang sarili mo #HuwagUmarte. Siguro nakakasama yung madalas na pagkatanggal ng bag mo.

HEADLIGHT
Halatang nag-aalala na talaga si Donny. Nagsabi na sya na pagtungtong ng 4:30pm kung di pa namin sila maaabutan, ilalabas na talaga namin ang mga headlight namin. Nangyari iyon.

Magdidilim na nang mawala ang mga tinik sa dibdin namin. Narinig namin ang mga boses nila Vincent at Charlz. Hindi kami nawawala. Sadyang malayo lang talaga ang Campsite.

Nagpahinga lang kami sandali at nagpatuloy, halik na halik na kasi ang dilim sa kagubatan. Mare-realized mo na lang na hindi pala talaga dapat magpakakampante sa paglalakad. Sobrang hirap maglakad sa madalim. Pagod na pagod ako pero binuhos ko na lahat ng meron ako para makarating sa Campsite.

Headlight na lang ang liwanag namin nung mga oras na iyon. Agad-agad na rin namin pinagtulungan itayo ang tent kahit parang wala naman akong naitulong. Haha

Nakatutuwang maranasan yung ganun. Adventure talaga to!

HAMMOCK
Highlight ng adventure na ito ang makagamit ng hammock. Hindi ko alam bakit hammock pa ang tinawag dyan e pwede namang duyan na lang haha. Inorder ko yan sa tulong ni Ritz.

Ilang beses ding pinag isipan kung saan ba pwedeng isabit yan. Alang-alang sa ‘experience’ at sa tulong ng mga kasama ko nai-sabit naman sya. Sumayad nga lang. Hahaha!

12308463_1138843832794105_8466721816538594622_n
Charles, JK, Vincent & Ritz

SOCIAL
alas-8:00 na nang matapos ang mga mumunti naming usapan dahil sa kapaguran. Doon natapos ang makasaysayang paglalakbay sa tulad kong ordinaryong tao.

Hanggang sa muling bukang liwayway!

ALAALA NG BUNDOK APO


mt apo
Elevation: 2,954 masl  (official) Coordinates: 6°59′15″N 125°16′15″E [1] Trail: Sta Cruz | Mountain type: Stratovolcano |  Listing: Country’s high point Ultra prominent peaks
DAVAO – Matatakutin ako sa dilim pero walang nagawa ang takot sa inaantok kong ulirat kaya agad din akong nakatulog kagabi.

Kina-umagahan, malamig na umaga na ang gumising sa’kin. Hindi pa man ako nakakalabas sa tent pero usapang musang at alitaptap na agad ang naririnig ko. Nag-imagine tuloy ako kung ilang uri kaya ng hayop ang nagbantay at pumalibot sa amin habang mahimbing kaming natutulog.

Habang naghahanda ng agahan ang mga guide namin, sinamantala namin ang pagkakataon para makipaglaro sa mga sinag ng araw na pilit na pumapasok sa siwang ng mga sangga at mga dahon. Ang sarap sa pakiramdam ng init na nagmumula doon.

Matapos mag-agahan, inihanda na rin namin ang mga lunchbox para sa tanghalian namin. Syempre luto pa rin ng mga guide. Malas lang maubusan ako (umalis lang kami ng saglit para kumuha ng tubig sa bukal). Mabuti na lang at marami akong dalang emergency food katulad ng tinapay.

Alas-ocho-y-medya na nang magsimula kaming rumatsada papuntang campsite 2. Noong mga unang sandali easy-easy lang kami sa paglalakad. Mayroon pang mga lugar na matatarik pero mga meron ding pababa naman. (mas gugustuhin mo naman yun kaysa pataas di ba? ). Pero dahil may mga matatarik na pababa asahan na ang mga susunod na paahon. At hindi lang basta paahon dahil matapos noon puro paahon na talaga lahat!

Hindi ko na nabilang kung ilang beses akong nag T5! (5 Minutes break) Pero may isang lugar doon na namukod-tangi na parang ayaw ko na umalis sa pagkakatindig ko. Para syang bintana na sinusulyapan mo para makita mo yung nasa labas. Ganda!

Matapos ang mahigit isang oras na pag-akyat, narating namin ang trail na medyo patag na. Sinyales na pala iyon na malapit na pala kami sa Tinikaran Campsite 2. Doon muling nakumpleto ang grupo. First time namin nag group picture taking dito.

Ilang sandali lang kami nagpahinga at nagpatuloy na kami sa susunod na pakay — ang mga boulders!! Sa tingin ko, ito na yung highlights ng adventure na ‘to. Pero bago pa iyon meron pa ring mga obstacles.

Kung nagbalak ka ng umakyat ng Apo at napa search sa internet isa sa mga pictures na makikita mo ang mga punong tumba na tila mga hurdles. Kinakailangan mo ng wagas na paghakbang para malagpasan mo ito.

BOULDERS
Ilang minuto pa at mararating na ang starting point ng boulders. Ayon sa signage, 3.85 km na lang ang layo nito mula sa summit. Mukhang malapit na pero ilang oras pa ang pupunuin para matapos ang humigit-kumulang apat na kilometrong iyon.

Sa puntong iyon, may maaamoy na kayong kakaiba na tila bugok na itlog na may kasamang pulbura. At habang papalayo kayo ng papalayo sa pinanggalingan nyo mas nalalapit naman kayo sa mas matinding amoy — sulfur iyon na inilalabas ng Apo. Ang bundok apo kasi ay isang stratovolcano o natutulog na bulkan. Hindi na naitala ang huling pagputok nito na maaring naganap pa noong nakaraang limang siglo.

Napakainit ng araw na iyon. Kaya mabuting makapagpahid muna kayo ng sunblock sa balat nyo na hindi ko nagawa bago magpatuloy umakyat. Mas lalong pang uminit nang masilayan ko na ang mga sulfuric vent with sound effects pa! Nakakamangha ang mga imaheng iyon! Pakiramdam ko maluluto ako sakaling madikit o mahulog ako sa mga umuusok na parteng iyon.

Hindi pa natapos ang mga supresa ng Mt. Apo, matapos masilayan ang mausok na parteng iyon, makakahalubilo mo naman ang mga nagkalat na blueberries na ready to eat na sa gilid ng mga boulders. Napakarami nila! Hindi ako kumakain ng blueberries pero tuwang-tuwa akong makita sila.

Nakakatulong ang ganda ng lugar para maibsan yung sobrang pagod sa pagsuong sa mga boulders. Sobrang lalaki ng tipak ng mga bato. Mapapatanong ka na nga lang sa sarili kung paano napunta o inuluwa ng lupa ang mga ganoong kalalaking mga bato. Sobrang galing ng kalikasan.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses kami tumigil. Sobrang hirap akyatin ng mga bato. Pilit ko na ngang iniiwasan ang trail o mga palatandaan nito dahil saganang akin, mas madaling gumalaw sa sarili mong diskarte o gumawa ng sarili mong trail. Ang importante naman makarating ka sa dulo.

Kaso noong makarating ka sa dulo, akala mo dulo na! hindi pa pala. Yung akala mong tanaw mo na ang summit hindi rin pa pala. Wala ka nang ibang pwedeng gawin kundi ipagpatuloy mo pa ang tila walang katapusang paglalakad mo.

Sa Hangganan ng mga boulders isang supresa muli ang nasilayan ko. Tila isang shooting location. Ang gaganda ng mga bato na napapalibutan ng mga halaman, iba’t ibang uri ng berries ang nandoon. Sabi ko kukuhaan ko ng picture ito pagbaba. E naging maulap edi wow! Kaya kung may pagkakataon kuha lang ng kuha. Pero kung tutuusin mas nakadagdag pa nga yung mga ulap na parang nasa loob ka ng literal na panaginip.

87 DEGREE
Bukod sa mga boulders, may isa pang obstacle ang naghihintay — ang “87 degree” — isang napaka tarik na parte na aakyatin mo. Hindi naman kailangan ng lubid o anu pa man kundi ang diskarte. Samahan pa ng mga gumugulong na malilit na bato kaya kailangan ng pag-iingat.

Lahat na ata ng klase ng daing narinig ko na sa mga kasama ko. Pero aminin nyo, minsan nakakatulong din mga hinaing natin para makadagdag ng lakas. Pero hindi din, gusto lang natin umarte na nahihirapan tayo. hahaha. 😀

CREATER
Tila walang katapusang pag-ahon. Akyat! akyat! akyat! Hanggang marating naman namin ang creater ng Mt Apo.

What is creater? -ang may gawa ng langit at lupa. #korni.

Dahil nga bulkan ang Apo mayroon itong creater kung saan dito nya inilabas ang poot nya sa mundo. Marahil dito din galing ang mga boulders.

Maulap nang marating namin ang creater. Kung suswertehin ka nga daw, pwede mong makita itong may tubig. eh El Niño ngayon. so alam na.

Sa kadahilanang wala ngang tubig ang creater, malaya ka pang makakapunta sa gitna nito. Kung may toyo kang tulad ko, baka ginawa mo din ang ginawa ko. Pilit akong gumawa ng pangalan ko sa pamamagitan ng mga bato. Nakabuo naman. Pagod nga lang.

Nagulat na lang ako ng ilang sandali biglang nawala ang mga ulap sa creater. Para syang kurtina sa isang malaking entablado na sa pagkakataas nito ay bubulaga sayo ang napakagandang obra ng kalikasan.

Sa unang pagkakataon nasulpayan na namin ang totoong summit.

Hindi ko malilimutan ang sandaling makita ko ang nasa paligid ko. Totoo ngang napakataas na namin. Hindi ko na alam kung alin ang langit, lupa at tubig sa kalayuan. Pero sigurado akong mga ulap ang malawak na nasisilayan ko. Para na akong nasa taas ng eroplano.

CAMPSITE 3
Ilang minuto pa ang lalakbayin bago makarating sa huling campsite malapit sa summit.

Marami pa ring mga halaman na hahawiin mo, pero ‘di hamak na mas madali na ito dahil pababa na at ang ilan ay bahagyang patag na din.

Napakaganda ng huling campsite. Katulad ng paghahambing ko matapos ang mga boulders, tila isa muling shooting location.

Napapalibutan ng maraming peak ang campsite. Kung tutuusin para kayong nasa isang lambak o kapatagan sa pagitan ng mga bundok. Ito na ang pinaka magandang campsite na narating ko. Mas lalo ko pang na-appreciate ng tumuntong ako sa isang mataas na bato dito. Gusto ko na nga sanang deretsohin ang summit dahil napakalapit na nito, dito.

Hapon na ng makumpleto ang grupo sa campsite. Noong una maganda ang hapon at handang handa ng magpakitang gilas ang araw sa paglubog nito. Kaso naging maulap kaya hindi na rin namin tuluyang nasilayan.

MALA-PULAG SA LAMIG
Kung naging malamig ang naging unang gabi namin sa loob ng kabundukan. Sa pagkakataong ito na mas malapit na kami sa summit ay naging triple na ito. Sobrang lamig talaga na mangangatog ang baba mo. Sabi nga nila na may pagkakataong nagiging 1 degree ang lamig dito.

Naging maulan ang gabi. Hindi naman kami nabasa sa tent, pero may mga ilang tubig talagang hindi maiiwasang makapasok. May mga pagkakataong nagigising ako dahil sa ilang patak sa ulo ko. Pero wala iyong nagawa sa mahimbing na pagkakatulog ko.

Good night! 🙂

PULAG: KAPAGURANG GUGUSTUHIN MO


After 4 years… balik tayo please. Hindi ko pa natapos yung kwento haha

Libre Lang Mangarap!

5Napapagod ka na ba? Yung pakiramdam na pwede mo namang iwaksi at iwasan ang isang bagay pero hindi pwede dahil kailangan? E, yung ‘pagod’ na kahit alam mong hirap na hirap ka na pero disidido ka pa ring tapusin ‘to dahil alam mong dito ka masaya?

Sigurado akong minsan mo ring naramdaman ‘to. Yung pagkakataong… pwede ba sa isang araw man lang ay makatakas tayo sa pagod at sa positibong pagkakataon naman ito maranasan?

Halos mag-iisang taon na rin noong maganap ang kakaibang karanasan kong ito. Pakiramdam ko ito na yung tinatawag na “nagpabuhay sa katawang-lupa ko”. Sa loob ng dalawang araw at tatlong gabi, nalayo ako sa problema ng syudad. Wala akong ibang naiisip kundi ang mga bagay kung paano ko malalagpasan at mapagtatagumpayan ang pakay kong maakyat ang pinaka mataas na bundok sa Luzon sa taas na 2,922 meters (above sea level), at pangatlo sa buong Pilipinas matapos ang bundok Dulang-dulang at Apo sa Mindanao.

‘Araw’…

View original post 996 more words

MT APO: SA TUKTOK NG MGA PANGARAP


Walang paglagyan ang kaligayahan ko noong mga oras na iyon. Napatanong ako sa sarili “May ibang bundok pa kaya akong aakyatin, ganoong naakyat ko na ang pinakamataas?” Para akong nanalo sa isang kompetisyon na naging reward sa sarili ang naging karanasan ko dito. May halong lungkot na parang natapos na ang journey ko sa pag-akyat ng mga bundok. Parang… finish line.

-otep
mt apo
Elevation: 2,954 masl  (official) Coordinates: 6°59′15″N 125°16′15″E [1] Trail: Sta Cruz | Mountain type: Stratovolcano |  Listing: Country’s high point Ultra prominent peaks

Sa taas na 10,311 talampakan, itinuturing na pinakamataas na bundok ang Apo. Matatagpuan ito sa lalawigan ng Davao del Sur, isla ng Mindanao.

Dahil sa taas na katangian nito, kinakailangang mong maging physically at mentally fit bago umakyat dito. Isa sa mga iminumungkahing paghahanda ay ang pagka-cardio o pagja-jogging araw-araw dalawang linggo bago ang pagsuong dito. Syempre mas mainam kung may ibang mga bundok ka munang naakyat bago ang Apo.

Bukod sa paghahandang pisikalan,  kinakailangan mo din syempreng paghandaan ang budget o gastusin para sa paglalakbay na ‘to. Sa halagang P5,500 na all-in package (maliban sa airfare-balikan mula sa Maynila) puwede ka nang makarating dito. Mahal man s’ya kung tutuusin, wala namang katumbas na halaga ang pakiramdam na makatungtong sa tuktok nito. Sa kabuuang budget, hindi bababa sa P10,000 ang nagastos ko. Kaya mas mabuting makakuha ka muna ng murang airfare promo para maka menus.

DAY 0

Sa Davao International Airport na kami nagkita-kita ng mga kasama ko. Labing isa kami sa grupo. Tatlo sa kanila ay nakasama ko na sa Mt Pulag (pangatlo sa pinaka-mataas). Dahil nga sa 11 kami, siguradong hindi bababa sa apat na taxi ang kakailanganin papunta sa tutuluyan namin. Mabuti na lang may mga van sa airport na nag o-offer ng service sa halagang P500.00. Nakatipid kami kung tutuusin, nagkasabay-sabay pa kami.

Sa unang gabi namin sa Davao, tumuloy kami sa Green Windows Dormitel. Sa totoo lang, wala akong ideya sa tutuluyan namin. Akala ko transient house lang sya kaya sobrang natuwa ako nang sa isang mataas na gusali pala kami sa Davao magpapalipas ng gabi. May 8 double deckers ang isang kuwarto na kakasya ang 16 na katao. Nakuha namin iyon sa humigit kumulang P3,000 lang.

DAY 1

Ala-5:00 ng umaga ang call time namin. Sa Dormitel na kami sinundo ng aming mga guide.

Mula sa tinuluyan namin, dalawang oras pa ang byahe sakay ng dalawang van papunta sa Lungsod Digos, Barangay Kapatagan. Doon na kami nag-agahan, bumili ng baon para sa tanghalian, nag-ayos pa ng ilang gamit at nag-orientation.

kapatagan
Kapatagan Public Market

Nagawa pa naming magpabawas at magpaiwan ng mga gamit. Katulad ng mga damit at iba pa na gagamitin sa sidetrip sa Samal Islands.

Alas-9:30 na nang magsimula ang 30-minute travel time papuntang jumpoff ng Sta Cruz trail sakay ng 4×4 truck.

Noong una, hindi ako makapaniwalang doon kami sasakay. Akala ko sa mga gamit lang. Labing lima kaming nagsiksikan doon kasama pa ang aming mga dala. Sumabit na nga lang ang mga guide.

truck
Sardinas mode.

Wala pa man sa totoong adventure, pero maituturing mo na talaga itong isang makalaglag-pusong adventure. Masakit sa balat ang init ng araw. Nakakatakot ang matatarik na paakyat-babang mga daan. Marami namang sementado pero marami pa ring lupang lubak-lubak at mababato. Masakit sa puwet ang maupo sa sahig ng truck. Nakaka manhid pa ng mga paa ang maipit nang mga kapwa mo nakasampa. Kung tutuusin mas gugustuhin mo na lang maglakad sana. Pero sabi ko nga, “Ginusto ko to e!” Hahaha Astig yun! 😛

Saganang akin, hindi naman ganun kaganda ang Mt. Apo sa unang tanaw. Para lang syang ordinaryong bundok na kakikitaan mo ng kalbo at mabatong bahagi sa itaas nito. Kung titignan nga, para lang syang abot-kamay sa lapit, na parang…. wala lang! Gugustuhin mo lang s’yang akyatin kasi s’ya ang pinaka mataas dito. Parang pang day-hike nga lang. lol 😛 Pero tatlong araw at dalawang gabi pala kayo mananalagi dito hanggang makumpleto n’yo ang paglalakbay. Pero lahat ng pananaw kong iyon nabago nang maranasan ko ito:

JUMPOFF

jumopoff
Jumpoff

Sa nag-iisa at natatanging tubig na nadaanan namin sa jumpoff, nakakatawang hirap na hirap na agad akong tawirin ito. Mahirap ng ma out of balance at mabasa ang sapatos ko! nagsisimula palang kaya kami!

Medyo paahon agad ang jumpoff. Para s’yang isang mataas na burol na pinahaba ang trail para hindi s’ya ganoon kahirap akyatin. Sa taas noon ay mayroong munting pamayanan.

_RMA0548
Sa mga sitwasyong halos tabunan ka ng alikabok, mas okay maging #TeamDulo.

Maalikabok ang trail. Literal na kumain kami ng alikabok! Marahil bibihirang makatikim ang ulan ng Mindanao sa mga panahong ito.

Matapos ang 45 minuto. Narating namin ang Sitio Cunan. Ito yung tinutukoy kong pamayanan sa tuktok matapos ang jumpoff. Dito kami unang nagpahinga. Halos 30 minuto din siguro kaming nanalagi dito.

culan
Munting Paaralan ng Culan.

Magtatanghali na nang marating namin ang Sitio Tumpis. Mula dito ayon sa signage ay 10.07 kilometro pa ang layo  namin sa summit. Dito naman namin kinain ang nabili naming tanghalian sa Kapatagan. Dito na rin ang unang water source, ang susunod na water source ay sa Campsite 1 pa. At dito na rin pala nawala ang cellphone ng kasama naming sir Ronnel.#PicturePaMore! Lol. 😛

Tinuloy-tuloy na rin namin ang paglalakad matapos mag tanghalian papuntang (pinaka) paanan ng bundok. Mga bukid ang dinaanan namin na pawang mga Carrots ang nakatanim. Isang malupit na ahon ang ginawa namin matapos nun.

Plant4
Dito ko nauunawaan kung bakit itinatanim o itinatali ang mga orchids sa mga sanga ng puno, sa mga bakuran natin. Ganoon pala ang natural habitat ng mga orchids sa bundok. kewl.

Matapos makalabas sa gubat, tila isang kapatagan ang bumulaga sa amin. Dito ang best view ng Apo para sakin. Pagkatapos ng maalikabok na jumpoff at paahon na bundok, matataas na damo naman ang sinuong namin. Napapabulong na nga lang ako. “Buti pa tong mga damo matatangkad” lol. 😛

best view
Ferns everywhere! Best part of the trail.

Literal na hawi ang gagawin mo sa mga damo para makita mo ang trail.  Natatangi ito sa mga nasuong ko nang bundok.

hawi
Hawi pa more!!

Sakaling malagpasan mo na ang matataas na damo, Isang gubat muli ang papasukan nyo. Dito na ang tipikal na trail sa loob ng bundok. Hindi mo alam kung magpapasalamat ka dahil nakatakas ka na sa init ng araw at alikabok, o isusumpa mo na ito dahil sa mga paahong parte.

assault
Halos isang oras din ata ang puro paahon.
Arrow Marking
THIS WAY.

Hindi naman nakakaligaw ang trail dahil tadtad ito ng dilaw na ribbon bilang marking o palatandaan, susundan mo na lang. Mababakas pa rin dito ang arrow marking na gawa sa yero/lata na niluma na rin ng panahon.

tarzan
ohhhh Woaaaahh!! Tarzan mode.

Jungle na jungle kung ilalarawan ko ang gubat, ito na siguro yung sinasabi nilang pwede ka na maglambitin sa mga baging mala-Tarzan. Pero hindi ko ginawa mahirap na. 😀

Plant2
Hindi nawawalan ng bulaklak sa paligid ang Apo.
Plant3
Ito pa.
Plant 1
Ito pa.

Inabot kami ng halos 6 na oras bago kami makarating sa Tinikaran Campsite 1. Apat na oras dito ang sa loob ng kagubatan. Laking panghihinayang ko nga dahil hindi ko dinala ang hammock ko. Ayos na ayos pa naman sana itong paglagyan dahil mapuno dito. Sobrang lamig nga lang.

campsite 1
Tinikaran Campsite 1: Sobrang okay mag Hammock sana dito.

Kasama sa package namin ang tent at mga sleeping bags. Pero hindi ko naisip na kasama din pala sa package ang pagtatayo nila dito. Kewl. Kumbaga sa hotel, matutulog ka na lang sir!

Tent Otep
Pangdalawahan at Pangtatluhang tao ang provided na tent sa amin.

Sa Campsite 1 ang huling water source hanggang makarating ng summit (kaya tipid-tipid din). Hindi ganun kaaya-aya ang water source. Isa lang syang bukal sa ilalim ng malaking bato, na may mga gumagalaw pang insekto sa ilalim. Sakaling kawkawin mo nga, lalabo agad ito. Wala namang sumakit na tiyan sa amin. Sa katunayan, yun din ang ginamit sa pang saing.

Bukal
Nag-iisang water source sa Campsite 1.

Sa mga maselan ang tiyan, mabuting magdala ng sapat na tubig-inumin.

Nakakalungkot nga lang, sobrang kalat ng lugar. Mga lata, bote, plastik pati dumi ng tao na hindi man ibinaon sa lupa. Kung hindi ko nga nalamang may clean-up drive naman twice a year ikalulungkot mo talaga ng husto yun.

Kinagabihan, masarap na Sinigang na Baboy ang kinain namin. Pop na Pop sakin yun!

Sa kaunting social habang kumakain at paglalaro ng baraha, natapos ang unang araw at gabi namin sa puso ng Bundok Apo.

Mag-aalas-singko na nang magising ako. May mga liwanag na mula sa headlight ang uma-anino sa loob ng tent namin.

Gising na ang ilan para maghanda ng agahan at paghandaan na rin para ang assault papunta sa summit. Hindi maganda ang panahon pero umaasa ang lahat sa sunrise.

Napakalamig na umaga. Tila mga namumuong yelo ang mga hamog sa halaman, kumikinang ito kapag natatamaan ng liwanag tulad ng mga dyamante. Nakakangatog pa rin talaga ang lamig.

Alas-singko-y-medya na nang magsimula kaming umakyat papuntang summit. Nakaka-panabik!

Mt Apo 001
Sunrise Baby!

Hindi tulad sa mga trail na dinaanan namin kahapon, tipikan na trail na ang sinusuong namin ngayon. Medyo patarik s’ya pero mas ‘di hamak na madali na ito ngayon. Maulap pa rin ang kapaligiran pero parang wala na sa akin kung ano ang madadatnan ko doon. Ang importe maakyat ko ang pinakamataas ng bundok sa bansa. Marating ko ang pangarap ko. Maging proud sa sarili ko.., na nakaya ko!

Mt Apo 003
Sa tuktok ng Pilipinas

Isang minuto bago ang ganap na ala sais, ika-2 na February, 2016, Narating ko ang bubong ng Pilipinas. Mabuti na lang sandaling nagpakita ang araw, pero napaka lakas talaga ng hangin na aabot daw ng 45 knots. Makikita mo ang hangin na umaalon sa mga halaman dito.

Walang paglagyan ang kaligayahan ko. Napatanong ako sa sarili “May ibang bundok pa kaya akong aakyatin, ganoong naakyat ko na ang pinakamataas?” Para akong nanalo sa isang kompetisyon na naging reward sa sarili ang naging karanasan ko dito. May halong lungkot na parang natapos na ang journey ko sa pag-akyat ng mga bundok. Parang… finish line.

Hindi ko maintindihan pero minsan nakakalungkot din pala kapag may natutupad kang pangarap sa sarili. Para kang nag-unlocked lang ng pinto tapos pagpasok mo lumabas ka din agad.

Doon ko nasabi na dapat pala marami kang dalang susi sa mga pintong gusto mo pang pasukin. Yung mga bagay na magpapa-excite pa sayo lalo para mas lalo kang kaganahan sa buhay.

Kaya huwag kang lang matatapos sa iisang finish line dapat lagpasan mo pa yun. Kung may nais ka pang akyatin sa buhay mo, huwag mong kalimutang isama sa mga dalahin mo ang maraming plano — mga kagustuhan mo, ang emosyon mo at ang pagkatao mo. Huwag mong hayaang mamatay diwa mo sa isang pagkakataon lang. Sabi nga nila, kung kaya mong umakyat mas kaya mong bumaba. Kaya kung may iiwanan ka man, wag ang sarili mo. Siguradahin mong bakas lang ng iyong talampakan!

Nitong Mahal na araw, nagulantang ang lahat (lalo na ang mga kilala kong mountaineers na naghahanda sa pag-akyat) sa balitang nasusunog ang Mt. Apo. Nagsimula daw ito sa Campsite 3 kung saan, minsan ko nang nasabi na iyon na ang pinakamagandang campsite na narating ko. Hindi tiyak ang pinagmulan ng sunog kung ito ba ay dahil sa kapapabayaan o sa nararanasang labis na init bunga El Niño.

Marami tuloy ang hindi na muna makakaakyat dahil kailangan muna itong isara. Sinasabing baka abutin pa ng tatlo hanggang limang taon ang rehabilitasyon dito.

Nakakahinayang talaga ang mga nangyari. Hindi ko maipinta sa isip ko kung ano na ang kinahinatnan ng mga noo’y nagpabusog sa mga mata ko.

Ang pangarap talaga minsan may kasamang swerte. Napaka-palad ko at isa ako sa mga huling naka-akyat dito bago nangyari ang bangungot sa Mt Apo.

Dito ko nasabi na kung may pagkakataon ka naman para maabot ang mga pangarap mo, bakit mo pa ipagpapabukas. Kailan…? kung wala na?

Kung totoo man na bunga iyon ng kapabayan lalo na’t peak season noong nangyari iyon. Maging aral sana sa lahat ang naging epekto ng sunog na iyon. Bukod sa nasira ang sagradong lugar ng Apo, sigurado akong maraming nawalan ang kabuhayan partikular na sa mga guide at sa nakapalibot na pamayanan dito.

Sana matutununan ng lahat kahit ang basic rules man lang lalung-lalo na ang hindi pagkakalat at ang pag-iwas sa paninigarilyo o ang tapon ng upos nito.

Sana maunawan ng bawat isa na hindi lang ikaw ang mabubuhay sa mundo. Marami pang susunod sa yapak mo na deserve din namang makita ang mga orihinal na nakita mo.

Kung pangarap mong maranasan ang narasan din ng iba tulad ng pag-akyat dito. Pangarapin mo din na makita ito ng iba.

Isang minuto bago ang ganap na ala sais, ika-2 na February, 2016, Narating ko ang bubong ng Pilipinas. Mabuti na lang sandaling nagpakita ang araw, pero napaka lakas talaga ng hangin na aabot daw ng 45 knots. Makikita mo ang hangin na umaalon sa mga halaman dito.

Walang paglagyan ang kaligayahan ko. Napatanong ako sa sarili “May ibang bundok pa kaya akong aakyatin, ganoong naakyat ko na ang pinakamataas?” Para akong nanalo sa isang kompetisyon na naging reward sa sarili ang naging karanasan ko dito. May halong lungkot na parang natapos na ang journey ko sa pag-akyat ng mga bundok. Parang… finish line.

Hindi ko maintindihan pero minsan nakakalungkot din pala kapag may natutupad kang pangarap sa sarili. Para kang nag-unlocked lang ng pinto tapos pagpasok mo lumabas ka din agad.

Doon ko nasabi na dapat pala marami kang dalang susi sa mga pintong gusto mo pang pasukin. Yung mga bagay na magpapa-excite pa sayo lalo para mas lalo kang kaganahan sa buhay.

Kaya huwag kang lang matatapos sa iisang finish line dapat lagpasan mo pa yun. Kung may nais ka pang akyatin sa buhay mo, huwag mong kalimutang isama sa mga dalahin mo ang maraming plano — mga kagustuhan mo, ang emosyon mo at ang pagkatao mo. Huwag mong hayaang mamatay diwa mo sa isang pagkakataon lang. Sabi nga nila, kung kaya mong umakyat mas kaya mong bumaba. Kaya kung may iiwanan ka man, wag ang sarili mo. Siguradahin mong bakas lang ng iyong talampakan!

Nitong Mahal na araw, nagulantang ang lahat (lalo na ang mga kilala kong mountaineers na naghahanda sa pag-akyat) sa balitang nasusunog ang Mt. Apo. Nagsimula daw ito sa Campsite 3 kung saan, minsan ko nang nasabi na iyon na ang pinakamagandang campsite na narating ko. Hindi tiyak ang pinagmulan ng sunog kung ito ba ay dahil sa kapapabayaan o sa nararanasang labis na init bunga El Niño.

Marami tuloy ang hindi na muna makakaakyat dahil kailangan muna itong isara. Sinasabing baka abutin pa ng tatlo hanggang limang taon ang rehabilitasyon dito.

Nakakahinayang talaga ang mga nangyari. Hindi ko maipinta sa isip ko kung ano na ang kinahinatnan ng mga noo’y nagpabusog sa mga mata ko.

Ang pangarap talaga minsan may kasamang swerte. Napaka-palad ko at isa ako sa mga huling naka-akyat dito bago nangyari ang bangungot sa Mt Apo.

Dito ko nasabi na kung may pagkakataon ka naman para maabot ang mga pangarap mo, bakit mo pa ipagpapabukas. Kailan…? kung wala na?

Kung totoo man na bunga iyon ng kapabayan lalo na’t peak season noong nangyari iyon. Maging aral sana sa lahat ang naging epekto ng sunog na iyon. Bukod sa nasira ang sagradong lugar ng Apo, sigurado akong maraming nawalan ang kabuhayan partikular na sa mga guide at sa nakapalibot na pamayanan dito.

Sana matutununan ng lahat kahit ang basic rules man lang lalung-lalo na ang hindi pagkakalat at ang pag-iwas sa paninigarilyo o ang tapon ng upos nito.

Sana maunawan ng bawat isa na hindi lang ikaw ang mabubuhay sa mundo. Marami pang susunod sa yapak mo na deserve din namang makita ang mga orihinal na nakita mo.

Kung pangarap mong maranasan ang narasan din ng iba tulad ng pag-akyat dito. Pangarapin mo din na makita ito ng iba. Matuto tayong rumespeto. Galangin ang inang kalikasan tulad din ng paggalang mo sa mga magulang mo.